Kasabay na dumating ni Baron Geisler sa Harbor Garden Tent ng Sofitel Hotel kagabi, December 27, sa 34th Metro Manila Film Festival Awards Night ang co-star niya sa pelikulang Baler na si Nikki Bacolod. Pareho raw silang masaya sa magandang kinalabasan ng ginawa nilang movie under Viva Films.
Para kay Baron, isa sa magandang pangyayaring naganap sa kanya sa 2008 ay ang pagkakasama niya sa Baler, na itinanghal na Best Picture sa MMFF. Umaasa ang aktor na sa 2009, mas marami pa siyang magagandang projects na gagawin. Instead na mga pangit na intriga, magaganda naman daw sana for next year ang maglabasan.
"Sana 2009, maging napakaintriga rin, pero sana lahat magaganda. Hindi na po pangit," nakangiting pahayag ni Baron.
Sumang-ayon naman ang aktor na marami mang negative issues sa kanya, parang pambawi naman ang magagandang nangyayari sa kanyang career.
"Kasi po ngayon, sobrang mahal ko ang trabaho ko, ang craft ko, at gusto ko pong maabot yung mga naabot nila Mr. Eddie Garcia, Mr. Phillip Salvador... At hindi lang po ito panandalian para sa akin. Ako po ay in love at nagmamahal sa aking craft," seryosong sabi ni Baron.
Sa pagpasok ng Bagong Taon, meron ba siyang New Year's resolution para sa sarili?
"New Year's resolution? Isasama po ako ni Tito Ipe sa youth camp. Three days kami run. No smoking, no drinking, no whatever! So, baka mag-quit ako ng smoking next year. Hindi ko pa lang sure kung saan, pag-uusapan pa po namin, pero three days po yun. This New Year, wish ko po na no alcohol, no smoking, pure work, and to get rich! Yun po ang Christmas wish at the same time, goal ko po," saad ni Baron.
Bagamat present si Baron sa Gabi ng Parangal ng MMFF, hindi raw siya umasa at all na mananalo siya for Best Supporting Actor award, na napanalunan ng co-star niyang si Phillip Salvador. Nandoon lang daw siya talaga to give his support for Baler, na nakakuha ng 10 tropeyo.
"Hindi po ako nag-expect kasi napakagaling po ng lahat ng kasama rito. Suporta lang po akong talaga sa MMFF dahil ito po ang unang beses na binigyan nila ako ng pagkakataon na makasama sa napakagandang proyekto, lalo na ang Viva, Baler," pagtatapos ni Baron.
