"Hindi totoong lilipat ako, takot ko lang! Natatawa ako kasi ang mga supporters ko ang mismong nagtuturo sa akin ng mga site kung saan ito nakasulat, tapos tinatanong nila ako kung totoo. Hindi po talaga. Ang ikinatutuwa ko lang, at least kahit tsismis, parang interesado sila sa akin," says Mike Tan about rumors that he will move to ABS-CBN.

Photo: File photo

Matagal nang walang regular show si Mike Tan sa GMA-7. Busy kasi siya sa kanyang first full-length stage acting sa Kutsilyo, Pamaypay at Yantok na ginawa ng Tanghalang Pilipino in cooperation with GMA Artist Center. Tatlong araw ito ipinalabas simula noong January 14, at tatagal hanggang ngayong gabi, January 16. Bawa't araw ay may dalawang shows, 3 p.m. at 8 p.m.

 

Silang dalawa ni Ryza Cenon ang tanging GMA Artist Center stars sa show at hindi sila pinagsasama sa isang production. Noong nanood kami ng 3 p.m. matinee ng Huwebes, January 15, si Mike ang nasa play, sa second part ng kuwento na "Kabanata X" tungkol kina Elias at Salome. Si Ryza ang gaganap na Salome sa pang-alas otsong show.

 

Dapat sana'y tatlong StarStruck Ultimate Male Survivors ang lalabas sa show. Ang yumaong aktor na si Marky Cielo sana ang gaganap na Crisostomo Ibarra sa unang bahagi na "Ang Balutan ng Gamot at Pagkain" at si Mark Herras naman ang gaganap na Pedring, na asawa ni Sisa, sa pangatlong yugto na "Ang Nazarena."

 

Bagama't nakapag-reading at blocking na rin noon sina Marky at Mark, biglaan ang pagkamatay ni Marky kung kaya't pinalitan siya. Si Mark naman, nagsunud-sunod ang trabaho sa GMA-7 kung kaya't si Mike na lang ang nagpatuloy.

 

Ikinuwento ni Mike sa amin na talagang pinag-ubusan niya ng panahon ang dula dahil na-challenge siya sa stage acting.

 

Sa pagiging salat ni Mike sa TV, sumabay naman ang tsismis na lilipat na raw siya sa ABS-CBN. Sa ilan pang websites at blog sites, tahasan na ngang pinapangalanan si Mike na makakasama raw sa dalawang upcoming ABS-CBN shows; isang soap na pagsasamahan nina Maricel Soriano at Cesar Montano at ang isa naman, wish list si Mike na mapasama sa Pinoy version ng Meteor Garden.

 

Ilang manunulat na rin ang nagtatanong sa amin kung totoo raw ito dahil napag-uusapan sa mga umpukan. Kung kaya't kahit alam naming walang katotohanan ito, tinanong na rin namin si Mike para sa kanya na manggaling ang sagot.

 

"Ano ba ‘yan, bakit ang daming ganyang balita?" sabi sa amin ni Mike noong una namin siyang tinanong.

 

"Hindi totoong lilipat ako, takot ko lang!" sabay tawa niya. "Natatawa ako kasi ang mga supporters ko ang mismong nagtuturo sa akin ng mga site kung saan ito nakasulat, tapos tinatanong nila ako kung totoo. Hindi po talaga. Ang ikinatutuwa ko lang, at least kahit tsismis, parang interesado sila sa akin."

 

Tinanong din namin si Mike pagkatapos ng kanyang performance sa stage play kung may offer sa kanya ang ABS-CBN or may nag-feeler na.

 

"Wala po talaga," sagot niya. "Walang nagtatanong sa akin, walang nagpaparamdam. Hindi talaga totoo ‘yan."

 

Huling tanong namin, kung sakaling mag-offer nga, iku-consider niya ba?

 

"Baka hindi po. Maghihintay na lang ako ng trabaho dito [GMA-7]," sagot niya sa amin bago siya hinatak ng mga seminarista na nanoood ng play para magpa-picture taking sa kanya.