Actress Marian Rivera will be very busy this year. Aside from her new primetime series in GMA-7 with Dingdong Dantes, Marian is also scheduled to do three movies for Regal Entertainment in the Year of the Ox.

Photo: Noel Orsal

Natanggap ng unconfirmed report ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na mapapaaga ang premiere episode ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, ang bagong primetime series nina Marian Rivera at Dingdong Dantes sa GMA-7. Sa halip na February 9, ay February 2 na raw ipalalabas ang action-suspense-drama dahil sa kahilingan ng maraming  fans. Nami-miss na raw nilang mapanood regularly sa TV ang favorite love team nila.

 

Excited ang fans ni Marian na mapanood siyang patalun-talon sa mga bakod at buildings at patakbu-takbo sa pag-iwas sa mga taong mayroon siyang atraso. Pinananabikan din ng fans na mapanood ang eksenang nag-swimming siya na naka-two-piece, na first time niyang ginawa. Kung dati ay may nakatakip sa katawan ni Marian ‘pag naka-two-piece, gaya noon sa Marimar, dito sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang ay all-out siya sa pagrampang naka-two-piece.

 

Kung totoong sa Feb. 2 na nga ang pilot ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, hindi mangangarag ang cast at ang direktor nitong si Joyce Bernal dahil marami na silang na-tape na episodes at tuluy-tuloy rin ang taping nina Marian at Dingdong.

 

Pansamantala lang silang matitigil mag-taping dahil pupunta ang dalawa sa Guam sa Feb. 5 para mag-guest sa concert nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez. Hanggang Feb. 7 sila roon at sa kanilang pagbabalik, ratsada na uli sila sa taping dahil 16 weeks tatakbo ang bago nilang soap.

 

In fact, ang taping ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang ang isa sa mga rason kung bakit sa April pa puwedeng gumawa ng pelikula si Marian. Gusto muna niyang mag-focus sa soap nila ni Dingdong bago tumanggap ng ibang trabaho.

 

MOVIE PROJECTS. Nalaman din ng PEP na tatlo at hindi lang dalawang pelikula ang gagawin ni Marian this year. Uunahin niya ang romantic-comedy movie, kapareha ang isang popular actor. Bawal ang spoiler, kaya wala munang clue kung sino ito.

 

Sunod na gagawin ni Marian ang Tarot nila ni Dennis Trillo, pang-Halloween presentation ng Regal. Kaya baka sa last week ng October o sa first week ng November pa ito mapapanood.

 

Panghuling movie project ni Marian this year ang pinakabongga sa lahat. Yun nga lang, bawal pang isulat o magbigay ng clue kung ano ang project na ito.

 

Nilinaw ng isang source sa PEP na yung napabalitang pelikula nina Marian at Vhong Navarro ay ini-explore at pinag-uusapan pa lang, at hindi talaga kasama sa three-movie projects ni Marian this year. Pero dahil sa positive feedback at marami ang natuwa, posibleng ituloy ito ng Regal. Maganda rin naman kung may ibang makakapareha si Marian at kuwela kung all-out comedy ang gagawin nila ni Vhong.

 

FANS FROM CEBU & TARLAC. Nasulat na pinagkaguluhan si Marian sa Cebu nang pumunta siya para sa Sinulog Festival. Umuwi siya na isang balikbayan box ang regalong natanggap mula sa kanyang fans. Isa sa regalo sa aktres ang imahe ng Sto. Niño na karga-karga nito pabalik ng Manila.

 

Isa pang ikinatuwa ni Marian sa pagpunta niya ng Cebu ay na-meet niya ang members ng Mariannettes Cebu Chapter. Sa kanila galing ang napakaraming regalong inuwi ni Marian at feeling ng aktres, parang nag-abroad siya sa dami ng natanggap na regalo.

 

Kung pinagkaguluhan si Marian sa Cebu, mas grabe raw ang welcome sa kanya sa Tarlac nang pumunta siya roon para dumalo sa fiesta.

 

"Pinakagrabe ang nangyari sa Tarlac! Parang sa Tacloban City na halos ang buong population ng city ang lumabas at naghintay para siya'y makita. Sabi ng mayor ng Tarlac, Marian made history noong January 19. Nag-motorcade siya, pero dahil sa dami ng tao, madilim na, hindi pa tapos ang motorcade," kuwento ng isang source na malapit kay Marian.

 

AVOID CONTROVERSIES. Natutuwa si Marian na humupa na ang sunud-sunod na isyu sa kanya. Nangako siya sa manager niyang si Popoy Caritativo na hangga't magagawa niya, iiwas siya sa kontrobersiya. Kaya hindi na siya nag-comment sa paisa-isang negative issue na nasusulat pa rin sa kanya.

 

"Natuto na ako and this year, sa positive things na lang ako magpu-focus at sa aking trabaho," sabi niya.

 

Dagdag ni Marian, "Ginagawa namin lahat ni Dingdong para magustuhan ng fans namin at ng viewers ang Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Ibang Dingdong as Homer at ibang Marian as Prosferina ang mapapanood nila rito. Kahit kami, excited na sa pag-ere ng bago naming soap. Promise, matutuwa kayo sa mga ginawa namin dito na ibang-iba sa ginawa namin sa Marimar at Dyesebel."

 

Ipinarating naman ng PEP sa isang senior program manager ng GMA-7 ang reklamo ng ilang viewers sa tamang spelling ng title ng bagong soap nina Marian at Dingdong. Dapat daw ay "Ang Babaing" at hindi "Ang Babaeng" ang tamang title. Pero sabi ng kausap namin, sinunod lang nila ang title ng movie na pinagbasehan ng soap.