Kahapon, March 1, ini-report sa The Buzz na nagkakalabuan sina Jomari Yllana at Pops Fernandez. Pero walang makapagkumpirma sa balita dahil ayaw magpa-interview ng dalawa.
Ang pagiging abala sa taping ng Zorro at pag-aayos sa back-to-back concert nina David Cook at David Archuleta ang alibi ni Jomari. Si Pops naman ay ang taping ng I Love Betty La Fea at paghahanda sa US Tour ng Divas 4 Divas ang dahilan.
Nakarating sa PEP (Philippine Entertainment Portal) na isa sa problema nina Jomari at Pops ay ang kawalan ng oras na magkita't magkausap. Nabanggit nga ng aktor sa isang panayam na sa telepono na lang sila nagkakausap ng Concert Queen dahil sa Bagac, Bataan, siya nagte-taping ng Zorro, ang serye na nagpabalik sa kanya sa GMA-7.
Pero umaasa ang mga kaibigan ng dalawa na malalampasan nina Jomari at Pops ang kinakaharap nilang problema sa kanilang relasyon.
JOMARI AS PINOY ANTONIO BANDERAS. Excited si Jomari sa labas niya sa Zorro dahil role ni Antonio Banderas sa movie version ang kanyang gagampanan. Nabanggit din ng bidang si Richard Gutierrez na malaki ang role ni Jomari sa series na magpi-premiere na sa March 23. Gaganap si Jomari bilang uncle ni Richard na magpapasa ng kaalaman ng fencing sa kanya.
Para maging makatotohanan ang pagganap niya sa natokang role, nag-training ng fencing si Jomari sa isang fencing school. Kumuha rin siya ng ilang pointers ng fencing sa kaibigan niyang si Richard Gomez, na naging member ng Philippine Team ng fencing na nag-compete sa ibang bansa.
TWO DAVIDS. Ang back-to-back concert ng American Idol Season 7 winner and runner-up na sina David Cook at David Archuleta, respectively, ang susunod na ipo-produce ng Fearless Promotions nina Jomari, Ronald Singson, at Ryan Luis Singson pagkatapos ng matagumpay na Missing You concert nina Pops at Martin Nievera.
Nabalitaan ng PEP na any day now ay lilipad patungong U.S. si Jomari para makipag-usap sa dalawang David and their respective managers upang ayusin ang ilang detalye ng concert na sa May 16 na magaganap. Inaayos lang ni Jomari ang kanyang schedule dahil nagte-taping siya ng Zorro. Kapag nakahingi raw siya ng ilang araw na bakasyon, lilipad na siya patungong States.
Pinagpipilian na lang kung sa Mall of Asia o sa The Fort ang venue ng concert. Basta kailangang open-air daw ito para mas marami ang makapanood, at mabawi ng mga producer ang talent fee ng dalawa at gagastusin ng kanilang entourage at iba pang haharapin na gastusin. Nakapag-down payment na raw ang Fearless Promotions kaya hindi na masusulot ng ibang concert producers sina David Cook at David Archuleta.
Nabalita kasing may ibang concert producer na interesadong pagsamahin ang dalawang David, pero nauna nang i-announce ni Jomari na plano ng Fearless Promotions na kunin ang dalawa for a back-to-back concert. Naalala pa ng PEP na pinayuhan si Jomari na huwag ibabalita ang mga artist na balak nilang kunin hangga't hindi pa sigurado para hindi sila masulot.