Masaya si Jewel Mische sa set ng bagong episode ng Dear Friend, ang "Karibal," na magsisimula sa ikalawang Linggo ng Marso sa GMA-7. Mula sa direksiyon ni Jun Lana, apat silang bida rito; kasama sina Alfred Vargas, Katrina Halili, at introducing ang Survivor Philippines winner na si JC Tiuseco. Kasama rin sa episode, na sa Dakak Beach Resort kinukunan, ang StarStruck alumnus na si Kevin Santos.
"This is my first regular acting job since Kamandag [with Richard Gutierrez] of last year pa," sabi ni Jewel sa PEP (Philippine Entertainment Portal) in between sequence taping.
Nagkaroon din ng hosting job si Jewel sa Bitoy's Funniest Videos at ilang guest appearances, tulad sa Maynila, ngunit ang Dear Friend ang muli niyang pagbabalik sa isang regular show.
Pinaalala namin kay Jewel ang Lalola stint niya ngunit special guest lang siya rito. Si Jewel ang gumanap na babaeng pinaiyak ni Wendell Ramos kaya't nasumpa ito para maging babae (Rhian Ramos).
Bata pa lang, pangarap na raw ni Jewel makapagpalipad ng eroplano at akala ng kanyang mga magulang, childhood dream lang ito para sa half-German girl. Kaya nga hindi siya nanghingi ng kahit magkano sa parents niya nang mag-enroll siya sa Yokota and Airworks Aviation.
"Choice ko rin po kasi 'yon," sabi ng StarStruck 4 Ultimate Sweetheart. "Kasi right after Kamandag, I had the time and I decided to pursue my life-long dream of taking flying lessons."
Pagbalik niya, nabigyan agad siya ng Dear Friend. Kaya't masaya siya na hindi pa rin siya pinabayaan ng GMA-7 at ng GMA Artist Center.
"SWEETHEART DEAL." Bagamat may tatlong taon pa sa five-year contract ni Jewel sa GMA-7, balitang may feeler na sa kanya ang ABS-CBN. Gusto raw kunin ng Kapamilya network ang serbisyo ni Jewel at may nakahanda na raw na show para sa kanya. Ang magiging deal, ang Artist Center pa rin ang magma-manage sa kanya, pero sa ABS-CBN siya napapanood.
Uso ngayon ang "sweetheart deal" sa dalawang pinakamalaking TV stations sa bansa. Si John "Sweet" Lapus ay isa pa ring Star Magic artist kahit exclusive Kapuso artist na siya. Natuloy ang dalawang pelikula nina Richard Gutierrez at KC Concepcion na For The First Time sa Star Cinema at When I Met U sa GMA Films at Regal Entertainment dahil sa isang agreement na ginawa ng film arms ng Kapuso at Kapamilya network.
Si JC de Vera, hinihiram rin sana ng ABS-CBN para ipareha kay Judy Ann Santos sa Habang May Buhay. Ngayon, si Jewel naman.
"I've heard about it," pagkumpirma ni Jewel sa balita. "Supposedly, magkakaroon kami ng meeting, pero nandito nga ako sa Dakak. Hindi ko po alam ang details dahil wala pa naman pong formal na usapan."
Walang maisip si Jewel kung sino ang ipa-partner sa kanya kung sakali ngang magkatotoo ang balita na ipapahiram siya sa ABS-CBN.