Ogie Alcasid and Judy Ann Santos team up for the first time in a movie titled OMG (Oh, My Girl!). According to the film's director, Dante Nico Garcia, the movie will have cameo appearances by some big-name stars.

Photo: Elyas Isabelo Salanga

Napag-alaman ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na bukas, March 4, gaganapin ang pictorial nina Judy Ann Santos at Ogie Alcasid sa batikang photographer na si Jun de Leon para sa pagtatambalan nilang pelikula sa Regal Entertainment. Sa Saturday, March 7, naman ang story conference ng pelikula na ididirek ni Dante Nico Garcia, ang direktor ng Ploning na pinagbidahan Juday.

Romance-comedy ang tema ng pelikulang pagtatambalan nina Judy Ann at Ogie. May title ito na OMG (Oh, My Girl!), na may pagka-showbiz ang istorya. Kung hindi mababago, gagampanan ni Judy Ann ang role ni Darling, isang sikat na artista, at personal assistant naman niya si Ogie.

Sa pagkakaalam namin ay istorya ito ni Regine Velasquez, pero ang grupo nina Catski Flores at Raymond Lee ang susulat ng script. Si Noel Ferrer naman ng GMA Films ang supervising producer.

Sabi ni Direk Dante sa PEP, ang OMG ang papantay sa Payaso (1986) ni German "Kuya Germs" Moreno sa paramihan ng guest stars. Hindi na rin daw nila kailangang makiusap na mag-guest ang mga artista dahil ang mga kaibigan na mismo nina Judy Ann at Ogie ang nagbo-volunteer para mag-cameo sa pelikula.

Sa Sabado, March 7, pa malalaman ang final cast ng movie, yung hindi lang pang-cameo ang partisipasyon. But as of today, nabanggit sa PEP na kasama sa tentative list ang magka-love team na sina Kris Bernal at Aljur Abrenica. Maganda kung matutuloy ang dalawa sa nasabing pelikula para hindi lang sila sa TV napapanood, sa pinagtatambalang Dapat Ka Bang Mahalin?.

Inaayos na rin ang schedule nina Judy Ann at Ogie para makapagsimula silang mag-shooting middle of this month at nang maipalabas na agad ang pelikula. Sanay na ang tao na makitang nagko-comedy si Ogie, kaya si Judy Ann ang aabangan tiyak ng fans.

Close na sina Judy Ann at Ogie, pero mas naging close ang dalawa nang tulungan nina Ogie at Regine ang aktres sa kampanya nitong makapasok sa Oscars ang Ploning. Nagpa-charity dinner si Regine sa bahay niya, kung saan si Judy Ann ang nagluto. Bukod dito, nag-donate pa sina Ogie at Regine ng mga gamit na ipina-auction ni Judy Ann.

Bilang ganti, noong February 13 ay nagbigay ng pre-Valentine's dinner si Judy Ann kina Regine at Ogie sa bahay pa rin ng Asia's Songbird. Si Juday rin ang nagluto at ang fiancé nitong si Ryan Agoncillo naman ang kumuha ng mga litrato.

Ang pagsasama sa pelikula nina Judy Ann at Ogie ang resulta ng closeness nila, kasama siyempre sina Regine at Ryan. At hindi na kami magugulat kung may cameo role din sa OMG sina Regine at Ryan.

Gagawin ni Judy Ann ang pelikula nila ni Ogie habang busy siya sa pag-aasikaso sa nalalapit na kasal nila ni Ryan at sa pag-aayos ng kanilang lilipatang bahay. Pagkatapos ng OMG, saka isusunod ang movie nina Juday at Ryan sa Regal Entertainment pa rin. May sitcom din silang gagawin sa ABS-CBN sa direksiyon ni Joey Reyes, na nagdirek ng pelikula nilang Kasal, Kasali, Kasalo at ang sequel nitong Sakal, Sakali, Saklolo.