"Hindi naman talaga halik yun. Sumasayaw lang kami, maingay ang music at hindi kami magkarinigan. Akala lang naghalikan kami dahil sa anggulo ng camera. Ang feeling ko, pinalaki lang ang isyu sa amin ni Mon," says Carla Humphries about her "kissing video" with Raymond Gutierrez.

Photo: Noel Orsal

Isinama ni Annabelle Rama ang bagong talent niyang si Carla Humphries kasama si JC de Vera sa emergency presscon na ipinatawag niya kaninang hapon, March 5, sa Max's restaurant sa Roces Ave., Quezon City.

Iniharap ni Annabelle si Carla sa entertainment press para sa dalawang dahilan. Una ay para ipaalam kung bakit pagkatapos mag-audtion ni Carla sa Zorro at pabalikin ng three times ay hindi pa rin siya nakuha bilang isa sa leading ladies ni Richard Gutierrez. Pangalawa ay upang linawin ang isyung paghahalikan nila ni Raymond Gutierrez sa Lago del Rey, Camarines Sur na ipinalabas sa TV Patrol World noong Martes, March 3.

     

ZORRO AUDITION. In fairness, pagkatapos nang magsalita nina Annabelle at JC pinalabas si Carla para nakasentro sa kanya ang atensiyon at para maayos niyang masagot ang mga tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press.

Ganito ang introduction ni Annabelle kay Carla:

"Taga-ABS CBN siya at nag-audition sa Zorro. Barkada at friend siya ni Raymond, at si Raymond ang nagkumbinsi sa kanyang mag-audition. Nagpaalam siya sa Star Magic at pinayagan naman. Pinabalik siya three times at ibig sabihin, may chance na siya. Tatlo na lang silang naiwan at sabi ni Raymond, malaki ang chance na matanggap siyang isa sa leading ladies at gusto rin siya ni Richard.

"Nang tawagin na siya for confirmation, tinanong siya kung sino ang manager. Nang sabihing si Annabelle, nang malamang ako ang manager, inalis siya. Kung hindi niya sinabing ako ang manager niya, pasok siya sa Zorro."

Sabi naman ni Carla nang makausap siya ng PEP, hindi siya nagsisi na nag-audition siya kahit hindi siya napili at kahit iniwan niya ang ABS-CBN. Puwede pa naman daw siyang bumalik sa Kapamilya network. Kaya lang, wala pang maibigay na project sa kanya ang ABS-CBN at naghihintay siyang magka-project.

"I'm in between work as of now. Hindi ko pa alam kung kailan ako babalik sa ABS-CBN, mag-uusap pa kami ng manager ko," sabi ni Carla.

Kanino napunta ang role niya sa Zorro?

  

"Kay Rhian [Ramos]," sagot niya. "Hindi ko puwedeng sabihing dapat sa akin ang role na yun dahil desisyon yun ng network. Deserving din naman si Rhian, na incidentally friend ko, at friend ko rin si Bianca King. Hindi ako nakikipag-compete at tanggap ko na kung para sa akin ang project, mapupunta sa akin. Kung sa kanila napunta, ibig sabihin para sa kanila ang project."

Tinanong si Carla kung anong plano niya ngayon dahil wala siya sa ABS-CBN at hindi rin siya nakapasok sa Zorro.

  

"Nag-usap na kami ni Tita Annabelle, sobrang bait nga niya. She's been trying to help me. Like what I've said, maghihintay na lang ako ng project na para sa akin. Basta, gusto kong magtrabaho."

THE CONTROVERSIAL VIDEO. Personal na napanood ni Carla sa TV Patrol World ang paghahalikan nila ni Raymond sa Camarines Sur. Ano ang reaksiyon niya rito?

"I was shocked!" bulalas niya. "Bothered ang family ko, kinausap nila ako. Naklaro ko sa kanila at sa akin sila naniwala. Hindi naman talaga halik yun. Sumasayaw lang kami, maingay ang music at hindi kami magkarinigan. Akala lang naghalikan kami dahil sa anggulo ng camera. Ang feeling ko, pinalaki lang ang isyu sa amin ni Mon."

Ikinuwento na tuloy ni Carla na lagi silang magkasama ni Raymond sa mga event at comfortable sila sa isa't isa. Kung may halikan man daw, walang masama dahil pareho silang single.

Nabanggit tuloy ng dalaga na break na sila ni John James Uy.

"Importante at special sa akin si Mon at very comfortable kami sa isa't isa. Wala akong boyfriend at wala rin siyang girlfriend, we're just really close. Kung may kiss man, smack lang sa lips. Everyone was having fun that night, nagsayawan kami, alangang magkalayo kami? Malakas ang music kaya pag nag-uusap kami, lumalapit kami," paliwanag ni Carla.