Tahimik at wala pang masyado kaguluhan sa unang gabi ng burol ng yumaong Master Rapper na si Francis Magalona sa Christ The King Church sa may Greenmeadows, Pasig City, kagabi, March 6, hanggang kaninang madaling-araw, March 7.
Pasado alas-onse ng gabi, 11:35 p.m., dumating ang funeral service car kung saan nakasakay ang kabaong at mga labi ng yumaong rapper, TV host, singer, composer at actor.
Sa isang chapel sa Christ the King grounds inilagak ang mga labi ni Francis M; in full attendance ang pamilya, kamag-anak, at mga kaibigan ng yumaong Master Rapper.
Wala pang dumating na mga tagahanga ni Francis M kaya naging maayos ang pagpasok at pagdating ng mga bisita na gustong makiramay sa Magalona family. Ngayong araw na ito, mula 6 a.m. hanggang 6 p.m., ang public viewing para sa mga fans ni Kiko.
Unang namataan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa wake ni Kiko si Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista, na nagbibigay ng instructions sa security at mga sundalo tungkol sa paglagay ng mga cordon para sa papasukan at lalabasan ng mga fans ni Francis na gustong makita ang idolo nila at makiramay sa pamilya nito sa huling pagkakataon.
Inaasahan na ngayong weekend ay dadagsa ang mga tao sa naturang lugar.
Isa-isa nang dumating ang mga bisita at ilan sa kanila ay sina Ms. Malou Choa-Fagar; Joey de Leon at ang asawa nitong si Eileen Macapagal, at mga anak na sina Jaco, Jocas, Keempee, at Cheenee; Ruby Rodriguez, kasama ang anak nitong si Toni; Tirso Cruz III, kasama ang misis na si Lyn Ynchausti at anak na si Bodie; Ogie Alcasid; Michael V.; Ramon Christopher; William Martinez; Cheska Iñigo; Katrina Halili; Jimmy Santos; Anjo Yllana with wife Jacqui Manzano; Gloc 9; Maritess Gutierrez; Direk Quark Henares; Mitch Dulce; and Gary Valenciano with wife Angeli Pangilinan-Valenciano.
Mula naman sa GMA-7 News team ay nandoon sina Jessica Soho, Vicky Morales, at Susan Enriquez.
Nagkaroon din ng blow-by-blow live coverage si Pia Guanio para sa 24 Oras sa La Funeraria Paz, Quezon City, kung saan diniretso ang mga labi ni Kiko pagkatapos itong manggaling sa Medical City Hospital.
MESSAGE FROM FRIENDS. Kagabi ay ayaw pang magbigay ng anumang pahayag ang naulilang pamilya ni Francis. Nakiusap ang maybahay ni Francis na si Pia Arroyo-Magalona na bigyan muna sila ng pagkakataon na magpahinga at pag-isipan ang lahat bago sila magbigay ng anumang statement or interviews. Gayundin ang mga anak nila na sina Maxene, Saab, Unna, Niccolo, Francis Jr., Elmo, Clara, at Arkin. Tahimik lang sila at ayaw nilang magbigay na kahit anong pahayag unless galing ito sa kanilang ina.
Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP na makausap ang ilang malalapit na kaibigan ni Francis sa kanyang wake. Sa gitna ng kanilang magagandang pahayag kay Kiko ay may luhang namumuo sa kanilang mga mata.
Malou Choa-Fagar: "Lahat naman sila sa Eat Bulaga!, I treat them like my own children. Matutuwa ka kapag may nagagawang maganda. Malungkot ka kapag may mangyaring masama sa kanila. Kiko is very special sa aming lahat. He means so much. We will miss him."
Herbert Bautista: "Marami kaming kalokohan ni Kiko noong araw. Pero katuwaan lahat 'yon dahil mga bata pa kami noon. Never a dull moment with Kiko kaya nga nakakagulat nang magkaroon siya ng sakit. Pero kahit na matindi ang naging sakit niya, hindi mo siya nakitaan ng pagkahina. Wala akong nabalitaan na he was in pain or nagrereklamo siya sa mga gamot at procedures. Yun pa rin siya at nagagawa pa niyang pagtawanan ang sitwasyon niya. It's sad kasi we lost another great artist. Mahal ni Kiko ang trabaho niya at ang mga taong nakakatrabaho niya. Hindi nakakagulat na ma-miss siya ng marami dahil isa siyang mabait at totoong kaibigan."
Gary Valenciano: "Hinahangaan ko ang tapang ng taong ito to face whatever the Lord has designed for him. Hindi mo siya makitaan ng anumang takot at nanggaling na rin sa kanya na handa na niyang harapin ang anumang gusto ni God para sa kanya. It is such a humble thing for a man like Francis. He will never be forgotten, not just because he contributed so much in the field of music and entertainment, but he will be remembered for his courage to face life and death. I wished that we could have known him more but I guess that is what the Lord wants. May he rest in peace."
Joey de Leon: "Tawag ko diyan si Baby Face, e. Parang hindi tumatanda. Lahat kami sa Eat Bulaga! tumanda na pero si Kiko, gano'n pa rin siya. Yung mga anak nga niya, parang magkakapatid lang sila. May rason kung bakit bata pa rin si Kiko, it's because parati siyang masaya at nandoon ang child-like personality niya. Mami-miss ko kay Kiko yung mga bagong ideas na kino-contribute niya sa show at ang paraan ng pag-demonstrate niya. Masayang tao si Kiko and I'm sure even sa huling hininga niya, nakatawa 'yan. Seamless pa rin, di ba?"






Salamat sa musika, Francis Magalona.
RIP
you will be missed master rapper.