Halos araw-araw ay punong-puno ang schedule ni Jake Cuenca. Mostly, occupied ng taping for Tayong Dalawa. Yung ibang araw naman na wala siyang taping, doon naman daw pumapasok ang pagsu-shoot niya ng movie under Star Cinema, ang horror flick na Estrella.
Ang linggo na raw sana ang bakante after ng ASAP, pero, madalas, dun naman daw ipinapasok ang mga pictorial at anything to do with his endorsements, tulad bukas, magkakaroon daw siya ng pictorial sa bagong produktong ie-endorse.
Nakausap nga lang si Jake ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa bahay nito sa Mandaluyong City nang umuwi siya for a photo shoot naman for YES! magazine. Ayon kay Jake, nakabalik na raw siya sa Tayong Dalawa at ngayong linggo ngang ito unang napanood na hindi talaga namatay ang character niya.
"It's nice to be back. At saka, gusto ko rin magpasalamat sa mga taong nag-request talaga sa akin para bumalik. Kasi, tuwing lumalabas ako, parang kapag tinitingnan ako ng mga tao, parang ang tingin na yata nila, para akong multo sa paningin nila," natatawang kuwento nga niya.
Pero kung nagkataong tuluyan na raw pinatay ang character niya, wala rin daw problema sa kanya basta sa ikagaganda ng show.
"Sabi ko nga sa inyo, kung talagang mamamatay ako para sa ikagaganda ng show, okey lang sa akin. Ganoon ko kamahal ang show. At saka, nagulat lang din ako sa reaction ng tao. Ang daming nag-request sa aking bumalik. Ang daming naapektuhan nang mamatay ang character ko."
Dugtong pa niya, "Ang daming affected. Ang dami kong nari-receive na comments. Sa text at maging sa Internet. I think, Tuesday yata ako noong lumabas ulit. 'Tapos, ang comment, parang ang saya-saya raw na nakikita nila 'ko ulit, na buhay pa rin pala 'ko. Ang sarap ng pakiramdam na ang daming concerned at maraming tumatangkilik sa show namin."
KONTRABIDA. May impression sa character niya sa Tayong Dalawa na tila kontrabida na raw talaga ang dating niya. Is that okay for him?
"Well, you based it kasi from what you watch. Sa akin naman kung gawin nila akong kontrabida, it's okay with me. Wala namang problema sa akin. Pero kung titingnan mo naman ang character ko, totoong tao lang naman ako, e.
"Bakit hindi ako magagalit kung talagang kinakatalo na 'ko ng kaibigan ko sa babaeng mahal ko? Bakit hindi ako magagalit kung yung magulang ko, inaaway yung best friend ko? Bakit hindi ako magagalit na parang nararamdaman ko, hindi na 'ko mahal ng girlfriend ko? Yung ipinapakita naman namin sa show, sa Tayong Dalawa, totoong tao kami. Yung pino-portray namin, yun ang totoo."
Hindi ba siya bothered sa sinasabing parang siya na yung lumalabas na kontrabida while Gerald ang lumalabas nang bida sa show?
"Ano naman 'yan, e... Sa akin naman, kaibigan ko talaga si Gerald, so, I don't compete with him on a personal basis. I just do what I do and I love what I do. At saka, yung sa akin naman, kung kontrabida ako, bakit noong namatay ako, naapektuhan lahat ng tao? Parang nalungkot lahat ng tao? So, yung sa akin naman, I just portray my role the way it should be portrayed."
Masasabi ba niyang challenging ang role niya?
"It's challenging because what you're gonna see in the next weeks, ibang-ibang Dave na. Bihag ako run, e. Iba yung psychological effect kapag nagpunta ka sa giyera at iba rin ang psychological effect na gawin kang bihag at i-torture ka for one year. So, that's what you will see.
"Siyempre, kapag bumalik ka sa normal na buhay, hindi na importante sa 'yo ang damit, hindi na importante sa 'yo ang maraming bagay."
NOT COMPETING WITH GERALD. Ayon kay Jake, si Kim Chiu pa rin daw ang partner niya rito. Love triangle pa rin sila ni Gerald. Pero, hindi pa raw niya alam kung kanino talaga mapupunta si Kim at the end.
"Hindi pa namin alam ang ending. Pero siyempre, Gerald and Kim are love team. And it's something I respect a lot. Pero, the thing is, iba naman talaga yung kami ni Gerald at iba rin naman ang personalities namin. At yung character ko rito, kapag sinabi niyang mahal niya ang isang tao, mahal niya talaga."
Ayaw bigyan ni katiting na intriga ni Jake ang respective roles nila ni Gerald sa Tayong Dalawa. Pero may mga nagsasabing sa kanilang dalawa, nandiyang mas nabibigyang-pansin daw si Gerald. Nagkakaroon na raw sila ng kumpetisyon.
Aniya sa bagay na ito, "Ano naman ako, I'm not competing with anyone. Kung time talaga ni Gerald na mag-shine, time talaga niya. And with the experience naman that I have with the show, ang laki ng naibigay sa akin."
Dugtong pa niya, "Sobrang laki ng naibigay sa akin ng Tayong Dalawa. Like in-terms of acting, ang laki ng naibigay sa akin ng show para mag-mature ang acting ko. At pagdating sa ABS, what's important is yung development as an actor."
Naikuwento rin ni Jake na through Tayong Dalawa, marami raw sa mga kabataang lalaki ngayon ang nag-a-aspire na mag-apply at makapasok sa PMA (Philippine Military Academy).
"Sinasabi sa amin. Kasi, may promo rin dun for PMA pagkatapos ng show, may plug ang PMA kung paano mag-apply. Binabalitaan kami kung paano, ngayon daw, talagang ang daming nag-a-apply."
NEXT PROJECT. After Tayong Dalawa, may naka-line-up na raw siyang possible project. It's something that Jake is also excited about dahil maganda raw ang kuwento. Ayaw pang i-confirm sa amin ni Jake kung ito ba ang Precious Romance na posibleng sila naman daw ni Kristine Hermosa ang magkakapareha.
"I really don't know. Basta ako kasi, kilala n'yo naman ang ugali ko. Habang wala pa talaga yung project, hangga't hindi pa talaga nagsisimula or hayan na, ipapalabas na, ayoko nang pangungunahan. Mahirap na.
"Ako naman kahit sino ang makasama ko. Kahit anong show ang ibigay sa akin. Either primetime or afternoon series, although, yung afternoon, hindi ko pa talaga nata-try."
NOT LIVING IN FEAR. When it comes to his Ford Expedition na pinagbabaril habang nakaparada ng wee hours of the morning sa harapan ng bahay nila, naayos at napagawa na raw niya ito at ang car insurance naman daw ang nag-shoulder ng gastos.
Ang naturang sasakyan pa rin daw ang ginagamit niya sa work. So, it means, hindi naman pala siya traumatized sa pangyayaring yun?
"Sa akin nga, like what I said, puwede ko namang ibenta. But I don't want to live my life in fear. I took the proper things to do. Ginawa ko na lahat ang kailangan kong gawin. I have the security with me. May security with my family. Kapag umaalis ang family ko, gusto ko may kasama rin silang security. I think, that's enough for now.
"At saka, ayoko naman yung iibahin ko ang buhay ko dahil lang sa insidenteng yun. Masaya 'ko sa buhay ko. Kung ako lang naman ang tatanungin, siyempre, marami akong pagkakamali na gusto kong ayusin. Marami akong flaws sa sarili ko na gusto kong baguhin. Pero, hindi ko iibahin how I live life because I live life to the fullest. Ayoko ng nagkukulang sa trabaho ko, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko. At hindi ko ia-alter yun dahil lang sa insidenteng nangyari sa akin."
But would he say na kahit paano, nakaramdam din siya ng takot?
"Sa sarili ko, hindi! Nakaramdam ako ng takot para sa pamilya ko. Parang mas naging importante sa akin ang kinalalagyan ng pamilya ko. Sa akin, hindi ako natakot. Ang sa akin kasi, kapag panahon ko, panahon ko. Kung gusto na 'kong kuhanin ng Diyos, sasama 'ko sa kanya, no problem. Pero natatakot ako sa kinalalagyan ng pamilya ko, that's it."
Inabsuwelto na rin ni Jake ang mga pangalan nina Baron Geisler at Roxanne Guinoo sa mga pinaghihinalaang may kinalaman sa pamamaril sa sasakyan niya. Pero ayon nga kay Jake, "Mahirap magturo, e. Pero ako, alam ko for a fact na hindi si Baron. Alam ko rin naman hindi rin yung boyfriend ni Roxy."
Nagsalita na nga raw siya sa showbiz talkshows na walang kinalaman ang indie film best actor at ang dati niyang girlfriend.
"Na-meet ko na yung boyfriend ni Roxanne, he's a nice guy and I want to leave Roxanne with whatever issue I have because she deserves to be happy. I know naman na she's happy and I support that. At wala na rin ako sa eksena sa kanilang dalawa. So, huwag na nating idamay. Hiwalay na naman kami.
"Basta ako, mas pinaniniwalaan ko na nagkaroon lang talaga ng gulo at nadamay lang ang kotse ko."
IS HE REALLY HAPPY? When it comes to his personal happiness, happy rin naman daw siyang masasabi, dahil may mga balita ngang ang nililigawan daw niya ngayon ay si Melissa Ricks. Is that true?
"Well, sabihin na lang natin na we're friends. Alam ko, cliché na yung word na yun sa showbiz, pero, yun talaga ang totoo. At masaya ako na kaibigan ko si Melissa dahil isa siyang mabuting tao.
"Pero hanggang doon lang muna dahil alam ko, marami pa rin siyang gustong i-prioritize. At ako rin naman, my focus right now is my work. Now, kung may dumating, hindi naman natin masasabi yung mga ganoong bagay."
So masasabi ba niya talagang haping-happy talaga siya sa buhay niya ngayon?
"I'm blessed," nakangiti niyang sabi. "Kasi, mahirap sabihin na I'm happy kasi, baka maudlot. Ang sa akin, ano 'ko ngayon, masaya 'ko sa mga nangyayari sa buhay ko. And I feel very blessed with everything that I am getting. With everything that I'm doing. Nagpapasalamat lang ako na naa-appreciate ng mga tao ang ginagawa ko. At nagpapasalamat lang ako sa Diyos sa lahat ng nangyayari sa buhay ko."
