Masaya si Angelica Panganiban na nadagdagan na naman ang produktong ini-endorse niya. This time ay mag-e-endorse naman siya ng bagong brand ng alcoholic beverage, ang The Bar, kasama ng kapwa niya Kapamilya na si Jake Cuenca.
Ikinuwento ni Angelica kung paano sila nakuha ni Jake as the newest endorsers of the said alcoholic beverage. Aniya, "Ang alam ko, nag-survey kasi sila kung sino ang pupuwedeng endorsers ng product."
Dahil ba umiinom naman kasi sila talaga?
"Well, siguro nga, yun ang nagustuhan nila sa amin. Walang intrigang lumabas na nakita nila kami sa mga party, na nakikita nila kami na hindi maganda yung kaanyuan namin every time na lumalabas kami. So, yun siguro ang isang quality na nakita nila sa amin na nagustuhan nila. Kaya na naman siguro namin na dalhin ang sarili namin," saad ng young actress.
How was it working with Jake?
"Sobrang kumportable," mabilis na sagot ni Angelica. "Siguro dahil matagal na kami, hindi na kami dumadaan sa stage na para kaming nagpapa-showbiz sa isa't isa."
"Yes!" ang natatawang sagot ni Angelica nang sabihin namin na alam naman ng marami na nanligaw sa kanya si Jake noon.
Patuloy niya, "Wala lang, sobra kaming mas naging kaswal sa isa't isa. Mas naging kumportable talaga kami ngayon. Actually, kaya nga namin pag-usapan yun nang harap-harapan na natatawa na lang kami."
Ngayong nakikita at nakakasama niya si Jake, ano ang mas gusto niyang nakikita—yung noon o ngayon?
"Si Jake, yung maganda sa kanya, hindi siya nagbago. Kung ano siya noon at kung ano siya ngayon, hindi siya nagbago. Hindi nagbago ang pagkatao niya. Ako ang isa sa mga taong makakapagsabi na hindi lumaki ang ulo niya," saad ni Angelica.
Ano naman ang masasabi ng boyfriend niyang si Derek Ramsay tungkol sa kanila ni Jake?
"Wala, wala... Kilala n'yo naman si Derek, hindi siya ganoon," aniya.
AROUND THE WORLD WITH DEREK. On her relationship with Derek, okey na okey raw sila. Kagagaling nga lang nila sa pagbakakasyon sa Japan.
"Siyempre, nag-enjoy kami. Paikut-ikot, pasyal-pasyal, konting shopping, tapos umuwi na rin. Four days lang kami dun, e."
Ayon kay Angelika, bukod sa Japan, they've been to Malaysia, Singapore, Bali, Indonesia, Korea, Taiwan, Thailand. At ang pagta-travel ng magkasama ang isang bagay na nae-enjoy raw nilang dalawa.
"Actually, minsan hindi namin pinaplano ng matagal, nangyayari na lang siya. Like yung Japan, naplano namin siya, a month before. Pero ngayon, yung sobrang major na pinaplano namin, yung pagpunta namin ng South Africa for next year. Kasi, para na rin sa World Cup ng rugby. Dream niya kasi yun at ako naman, dream ko talaga na makapunta ng South Africa."
So, going strong talaga ang relationship nila?
"Yeah," mabilis at nakangiti niyang sagot.
Pero wala pa rin ba silang plano to settle down o napag-uusapan na nila ito?
"Hindi namin napag-uusapan," umiiling na sabi ni Angelica.
Paano kung isang araw, mag-propose sa kanya si Derek?
"Hindi ko pa alam!" bulalas niya. "Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Hindi siya pumasok sa isip ko na darating kami dun soon... Siguro kasi, mararamdaman din naman ng babae yun bilang parte ka ng relationship. Mararamdaman mo yun kung may mga pahiwatig na ba o nakikita mo sa partner mo na parang nandoon na sa state of mind na gusto na niyang mag-settle down.
"And siguro, makikita niya rin yun sa akin. At kung hindi niya nakikita, siguro naman ay hindi niya ako aalukin, di ba?"
Pero sa palagay kaya ni Angelica ay sila na ni Derek ang magkakatuluyan?
"Hindi ko alam! Ngayon, masaya kami. Kahapon, masaya kami. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari bukas, alam mo yung ganoon. Kung anuman ang meron kami ngayon, sinusulit ko ang mga yun."
May isyu sa kanila na kesyo they are living-in na naman daw. Anong masasabi niya sa bagay na yun?
"Siguro malapit kami sa isyung yun dahil nga may sarili siyang bahay, meron din ako. At katulad ng sinasabi ko kanina, hindi ako yung tipong magpa-party ako, lalabas ako at pupunta ako ng bar. Kung may time kami together, like tomorrow, parehong wala kaming work, halimbawa siya, i-invite niya ang friend niya dun at siyempre, tatawagin niya rin ako.
"Minsan nga, nagluluto ako dun, ako ang gumagawa ng food nila. So, ganoon kami, palagi akong nakikita sa kanila, palagi siyang nakikita sa amin. Kasi kung magkikita man kami, susunduin niya ako. After that, ihahatid niya ako," kuwento ni Angelica.
Ano naman ang opinion niya tungkol sa live-in?
"Feeling ko, pagdating sa mga ganoon, sa kung paano mag-isip ang mga tao, at kung paano, ka-liberated, at kung gaano sila ka-open sa mga ganoon, hindi na siya masamang tingnan. Pero nasa dalawang tao yun kung sa tingin ba nila, makakatulong yun o hindi.
"Kasi, may mga taong mas nakakatulong, kasi mas nakikilala nila ang isa't isa. Unlike, tatalon agad kayo sa marriage at dun n'yo pa lang makikilala ang isa't isa. Pero, siyempre, bago n'yo pasukin ang pagli-live-in, marami kayong dapat na isaalang-alang sa isa't isa," pahayag niya.
ACTING CAREER. Sa kasalukuyan ay sinu-shoot daw ni Angelica ang bagong movie niya sa Star Cinema, kasama sina Derek at Gabby Concepcion under the direction of Laurice Guillen. Yun nga lang, wala pa raw itong title.
Isa rin si Angelica sa mga na-retain sa cast ng gag show sa ABS-CBN na Banana Split.
"Happy ako dati, pero mas happy ako ngayon," sabi ni Angelica tungkol dito. "Kasi, mas marami kami. At saka, ang management naman, sila ang nakakaalam talaga kung ano ang makakabuti sa show. At siyempre, the more, the merrier."
Magkakaroon din daw siya ng bagong soap opera, pero ayaw pang magbigay ng detalye si Angelica.
