Marian Rivera got a big surprise when GMA-7 lady boss Ms. Wilma Galvante announced that she will play the popular Pinay superhero Darna in its return to primetime TV.

Photo: Noel Orsal

Opisyal nang in-announce ng GMA-7 na si Marian Rivera ang gaganap bilang Darna sa muling pagbabalik sa telebisyon ng Pinay superhero na nilikha ni Mars Ravelo. Ginawa ang announcement kaninang hapon, April 23, sa 7th floor ng GMA Network Center.

Nilinaw ni Ms. Wilma Galvante, SVP for Entertainment TV ng GMA-7, na solo project ni Marian ang Darna. Gustuhin man daw nila na isama si Captain Barbell sa serye—as earlier plugged by GMA-7 two years ago—minabuti nila na isang buong story tungkol kay Darna ang gawin nila. Pero lalabas pa rin daw ang character ni Captain Barbell sa series.

Ayon kay Ms. Galvante, "unanimous" ang pagkakapili kay Marian bilang Darna. Kailangan daw kasi ay talagang "star" ang gaganap sa obra na ito ni Mars Ravelo kaya ang aktres ang napili nila.

Masayang-masaya si Marian dahil muli siyang sinorpresa ng Kapuso network tulad ng pagsorpresa sa kanya nang ibigay sa kanya ang Marimar at Dyesebel.

"Nagulat talaga ako!" sambit ni Marian sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Hindi ko ito alam. Akala ko may pag-uusapan lang na new project. Yun pala, may surprise sila sa akin. Maraming salamat sa GMA-7 at patuloy ang tiwala nila sa akin."

Paghahandaan din daw ni Marian ang kanyang role bilang Darna.

Bukod kay Ms. Galvante, present din kanina ang GMA Films president na si Ms. Annette Gozon-Abrogar; sina Ms.  Lilybeth Rasonable at Ms. Marivin Arayata ng GMA-7; at ang mga anak ni Mars Ravelo na sina Ruby Austria at Zaldy Ravelo.

Matatandaang si Angel Locsin ang huling gumanap bilang Darna sa pagbabalik nito sa telebisyon, sa GMA-7 din, noong 2005. Ang iba pang mga aktres na gumanap na Darna sa TV at pelikula ay sina Rosa del Rosario, Liza Moreno, Eva Montes, Gina Pareño, Vilma Santos, Rio Locsin, Lorna Tolentino, Nanette Medved, at Anjanette Abayari.

Si Marian pa lang ang ikalawang aktres na makakaganap sa dalawang sikat na Pinoy komiks characters—ang Darna at Dyesebel. Ang unang nakagawa nito ay ang Star For All Seasons n asi Ms. Vilma Santos.

Sa ngayon ay wala pang definite schedule kung kailan sisimulan ang taping ng Darna at kung kailan ito ipalalabas. Hindi pa rin binanggit kung sino ang magiging leading man ni Marian at ang mga makakasama niya.

Kasalukuyang napapanood si Marian sa primetime series na Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, kung saan katambal niya si Dingdong Dantes.