Dennis Trillo will play a coconut wine maker named Ruben Domingo in the upcoming romantic comedy series Adik Sa 'Yo.

Photo: Noel Orsal


Paika-ika pa si Dennis Trillo dahil sa kanyang knee operation nang makita ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa story conference ng Adik Sa 'Yo. Ilang weeks pa raw at puwede na siyang maglakad nang tuwid, pero it will take a few more months para maging normal ang lahat sa kanya at puwede niyang balikan ang pagba-bike.

Excited na si Dennis that he'll be working again dahil matagal din siyang nagpahinga, at ang ikinatutuwa pa niya, pang-primetime uli ang gagawin niyang soap.

"Masaya ako to be back after Gagambino at sobrang excited ako dahil first time kong gagawa ng ganitong genre. Ita-try ng Adik Sa 'Yo na ibalik ang comedy sa TV at first time ko ring makakapareha si Jennica [Garcia]."

May adjustment ba working with Jennica?

"Wala namang gaano dahil nagkasama na kami sa Gagambino, pero magkapatid kami dun at dito, kapareha ko na siya. Ang kailangan ko lang gawin, isiping leading lady ko siya rito at mag-focus ako dun. Wala namang major adjustment na mangyayari."

Ayon kay Dennis, the first time na nalaman niyang si Jennica ang makakapareha niya, inisip na niya kung ano ang dapat nilang ipakita bilang magka-love team para may makitang bago ang viewers. Alam din niyang magiging factor sa tao ang age gap nilang dalawa, he's in his late 20s at si Jennica ay 19 years old pa lang. Pag-uusapan daw nila ni Jennica ang dapat gawin para kiligin ang fans sa kanilang tambalan.

Unang nabalitang ang Pinoy adaptation ng Korean rom-com na Coffee Prince ang kanilang gagawin ni Jennica, pero pinalitan ng GMA-7 ng original story na Adik Sa 'Yo. Gagawin pa ba nila ang Coffee Prince?

"Iyon talaga ang dapat naming gawin, pero gusto ng GMA na original story, gusto nilang patunayan na di lang puro remake ang kayang gawin ng network. With Adik Sa 'Yo, ipo-prove nilang kaya rin nilang magpa-rate ng original story. Masyadong maaga pa para pag-usapan ang tungkol sa Coffee Prince, pero gagawin pa rin daw. Sana matuloy. May pressure sa amin ni Jennica na mag-click ang love team namin sa Adik Sa 'Yo para ituloy ng GMA ang Coffee Prince," ani Dennis.

Bago pa man ang storycon, nagkaroon na ng isyu nang mag-react ang fans ni Dennis dahil second lead lang daw ito kina Marvin Agustin at Jolina Magdangal na siya raw mga bida ng rom-com series. Umabot yun sa pag-i-email ng kanyang fans sa press at GMA-7 management para ipaabot ang kanilang pagtutol. After the storycon, masasabi ba niyang second lead lang talaga siya kina Marvin at Jolina?

"Initial reaction yun ng hindi pa nakaaalam ng kuwento ng Adik Sa 'Yo. Once nalaman at nabasa nila ang script, di na sila magre-react. Bawat character, bagay lahat sa mga artistang naka-cast at alam kong magiging masaya ang grupo."

COCONUT WINE MAKER. May discussion na gagawin si Direk Joel Lamangan para mas mapag-aralan ng cast ang kani-kanilang character, lalo na yung character na may punto ang pagsasalita, at kabilang dito si Dennis. Gagampanan niya ang role ni Ruben Domingo, isang sexy Batangueño na magtutuba (coconut wine maker). He is a man of few words, pero nagiging siga 'pag nalalasing.



"Naging siga na rin ako sa Magdusa Ka, pero all-out drama yun at ang Adik Sa 'Yo ay romance comedy, iba ang atake sa role. First time ko itong gagawin at excited ako. Masarap itong gawin," masayang wika ni Dennis.



Sa storycon, in-announce ni Rams David, production unit manager ng GMA-7 na si Dennis din ang kakanta ng theme song ng Adik Sa 'Yo na original ng Rivermaya. Naka-schedule mag-recording ang aktor ng theme song na gagamitin sa promo at 'pag umeere na ang rom-com series.



Paghahandaan na rin ni Dennis ang simula ng taping sa May 5, lalo na ang eksenang aakyat siya ng puno ng niyog dahil magtutuba ang kanyang role. Mag-i-effort siya sa pag-akyat sa niyog dahil sa kanyang tuhod, pero gagawin nito ang mga eksena kahit masaktan pa siya.



"Kahit siguro ano ang ipagawa sa akin, gagawin ko dahil excited ako sa Adik Sa 'Yo at gusto ko ang role ko," sambit niya.


Bukod kina Marvin, Jolina at Jennica, kasama rin sa Adik Sa 'Yo sina Elizabeth Oropesa, Chanda Romero, Joey Marquez, Pauleen Luna, Iwa Moto, German Moreno, Ces Quesada, Chariz Solomon, Vaness del Moral, Tony Mabesa, Mosang, Jim Pebangco, John "Sweet" Lapus, Benjie Paras, at Luz Valdez.