Sa press conference na ginanap kahapon ng tanghali, April 27, sa Greenwich store sa Atrium 4th Floor ng SM Megamall Bldg. B para kay Bea Alonzo, tinanong ang young actress kung handa na rin ba itong gumanap ng mga mature, off-beat roles.
Sinimulan na raw kasi ng ka-love team at co-Greenwich endorser niyang si John Lloyd Cruz na gumanap ng ganitong klaseng role sa pelikulang sinu-shoot nito ngayon sa New York, kasama ang Star for All Seasons na si Vilma Santos at ang anak nitong si Luis Manzano.
Sa pelikulang ito raw kasi, magkakaroon ng kissing scene sina John Lloyd at Luis na gumaganap bilang gay lovers. Si Bea kaya, magagawa rin bang makipag-kissing scene sa kapwa naman nito babae?
"Siguro. Depende sa materyal. Kasi nakuwento sa akin ni John Lloyd yung materyal nila, super ganda. Siguro kung mabibigyan din ako ng napakagandang materyal na gano'n...siguro tatanggapin ko rin, pero I trust pa rin the management. Sila pa rin kasi ang hahawak sa career path ko," sagot ni Bea.
Sa obserbasyon ng maraming nakakapanood kay Bea at maging ng kanyang mga tagahanga, handa na ang aktres sa pagganap ng mga dark, off-beat o kakaibang characters. May partikular bang tipo ng character siyang gustong gawin?
"Drug addict," banggit ni Bea. "Because it represents reality. There are lots of addicts sa Pilipinas at kahit sa ibang bansa, and it's an existing problem, na pinagsisimulan ng mas maraming-marami pang problema. And I would like to do something na makakatulong sa society. Na would inspire youth and a lot of people.
"Feeling ko kung gagawa ako ng off-beat and very dark character, I would see to it na meron pa ring resolution. Kasi feeling ko it's our job as actors and as artists to represent truth and represent the resolution through that truth. So yun... just to help society. Para makapag-contribute man lang sa mundo."
CHEESY LINE. Kinumusta naman ng press ang pakikipagtrabaho ni Bea, bilang bagong dagdag sa Greenwich "barkada," kina John Lloyd, singer-model turned actor, Lloyd Zaragoza, models Mika Lagdameo-Martinez, Lloyd Zaragoza and Vince Cañizares sa bagong "cheesy" commercials ng Greenwich.
Una na ngang napapanood ang isa sa "cheesy" commercials na ito kunsaan may linya pa si Lloydie na "I'm ending our friendship...'cause I wanna start loving you as my girl..."
"Ang saya! Parang hindi kami nagtatrabaho. Kasi kami-kami rin naman e," bida ng I Love Betty La Fea star.
Since "cheesy" na rin naman ang pinag-uusapan, tinanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Bea kung may natatandaan ba siyang "cheesy line" na ikinakilig naman niya.
Nangingiti muna bago nagsalita ang dalaga, na tila kumislap agad sa utak ang linyang cheesy na natatandaan niya.
"'Masakit ba yung katawan mo?' Sabi ko, 'Bakit?' 'Kasi para kang anghel na nahulog mula sa langit!' Yuck!" natatawang alala ni Bea. "My God, it was so cheesy na hindi mo siya makalimutan."
Inamin naman ni Bea na kahit "cheesy" o korni ang linya, kinilig pa rin siya sa pagkaka-deliver nito ng guy. Nang tanungin naman kung sino ang nagsabi sa kanya ng linyang iyon...
"Secret!" at tuluyan pang natawa na lang ang dalaga.
