After the success of their first afternoon soap as lead stars, Dapat Ka Bang Mahalin?, the tandem of Kris Bernal and Aljur Abrenica moves to primetime wherein they will also play the lead roles.

Photo: Courtesy of GMA-7

Kahit malakas ang ulan noong hapon ng Linggo, May 31, natuloy ang story conference ng pinakabagong Telebabad soap na pagbibidahan ng tambalang Aljur Abrenica at Kris Bernal sa bagong building ng GMA Network.

At press time, wala pa ring final title ang soap ngunit may working title na itong All My Life for presentation purposes. Ang sigurado, ang magiging theme song ng soap na "Friend of Mine," na una ring na-suggest na titulo ng show; at si Aiza Seguerra ang natokang kumanta nito.

Scheduled for one season, ididirehe ang soap nina Mac Alejandre at ang bagong Kapuso director na si Andoy Ranay. Si Don Michael Perez ang creative consultant; si Aloy Adlawan ang head writer; at isa sa magsusulat si Keiko Aquino-Ilagan, na tulad ni Andoy ay lipat-bakod din mula sa hindi pa ring maipalabas hanggang ngayon na Nurserye ni Judy Ann Santos sa ABS-CBN.

Malalaking artista ang magiging kasama nina Kris at Aljur sa soap; sa pangunguna nina Jay Manalo, ang magbabalik-acting na si Gelli de Belen, Zoren Legaspi, at si Lani Mercado. Si LJ Reyes ang magiging ka-triangle nina Aljur at Kris.

Kasama rin sa cast ang nagbabalik ding Kapuso na si Gladys Guevarra, ang magpi-first soap acting na Moymoy Palaboy, ang TVC kid na si Byron Ortille (Celin at LBC), ang mga StarStruck alumni na sina Stef Prescott at Jade Lopez, ang mga singers na sina Bryan Termulo at Chris Cayzer, si Jay Aquitania sa isang naiibang pagganap bilang "mean gay," at ang hindi na lilipat sa katapat na station na si Manilyn Reynes.

May dalawa pang mahalagang papel ang hinahanapan ng artista, lalo na't magsisimula na ang soap para makaabot sa pagtatapos ng buwang ito.

Original ang family-oriented kuwento ng All My Life.

Sa story conference na pinangunahan nina Ms. Lilibeth Rasonable, AVP for Drama, at Ms. Cheryl Ching-Sy, halata ang pagiging kabado ni Aljur at napansin ito ng lahat.

Paliwanag ni Aljur, noong una niya itong narinig, naging excited siya ngunit habang lumalapit ang takdang araw ng pagsisimula ng taping, kinakabahan na siya. Si Kris naman na nag-promise na hindi na iiyak, nagpapasalamat sa GMA-7 dahil naging wish niya rin ito magmula nang maging maganda ang resulta ng kanilang unang Sine Novela na Dapat Ka Bang Mahalin?.

Parehong StarStruck 4 winners sina Aljur at Kris.

Sina Mart Escudero at Kris ang itinanghal na Ultimate Pair, si Aljur ang Ultimate Hunk, at si Jewel Mische ang Ultimate Sweetheart. Kaya hindi sina Kris at Aljur ang unang naging magkatambal.

Una silang sinubok sa Boys Nxt Door, at sa pelikula naman, sa Loving You ng Regal Films. Ang kanilang Dapat Ka Bang Mahalin? ang nakapagtala ng pinakamataas na ratings para sa isang afternoon soap. Tatlong beses na itong umabot sa high 29 percent at dalawang beses namang na-break ang 30 percent.