Maraming sumikat na artista ang nangarap—at nagtagumpay—sa larangan ng pulitika. Dahil malaking factor ang kasikatan para manalo sa kandidatura, ang pagsikat muna ang pinupuntirya, tapos ang pagkandidato at pag-upo sa posisyong ninanais.
Ganito ngayon ang istratehiya ni Alfred Vargas, na balitang tatakbo bilang konsehal ng Quezon City sa eleksiyon ng 2010.
Pero hindi raw niya iiwan ang pag-arte, o ang showbiz, sakaling manalo sa eleksiyon. Bagama't malaki rin ang posibilidad na maapektuhan ang kanyang showbiz career if and when he enters politics.
Handa na si Alfred sa maaaring mangyari. At may handa na rin siyang pahayag ukol dito. Aniya, "Sa bawat bagay, sa bawat pangarap na gusto nating makamit, meron tayong mga sakripisyo na kailangang ibigay, o ipagpalit. So, kung kasama 'yon, why not? Kung sa ikabubuti ng maraming tao."
Seryosong nagpahayag ng ganito si Alfred nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa isang charity show at medical mission sa Payatas, Quezon City—distritong sakop ng magiging kandidatura niya.
Mainit ang naging pagtanggap sa aktor ng mga naroong residente. Kung batayan man ito ng kanyang popularidad, o dahil gusto talaga siyang iboto ng mga tao sa napipintong pagtakbo, ay hindi niya masyadong pinag-uukulan ng matamang pag-iisip.
Sabi lang ni Alfred, "Sigurado ako, dahil Kapuso ako at nanonood sila ng mga shows ko, at napaka-supportive nila. Pero gusto ko, unti-unting nakikilala ko sila, nakikilala nila ako at, sana, I'm hoping na mas mapatagal yung personal relationship ko with the people."
Sigurado rin daw si Alfred Vargas na hindi niya iiwan ang showbiz, manalo man o matalo siya bilang konsehal.
"Love na love ko ang pag-arte, at hinding-hindi ako aalis diyan," seryosong wika niya.
COLORUM. Truth is, patuloy pang pinatatatag ni Alfred Vargas ang posisyon niya bilang aktor. Minsan na ring naparangalan sa pagganap, at hindi miminsang nagawaran ng nominasyon, maituturing siyang isa sa mga competent actors ng kasalukuyang henerasyon.
"Sa akin, basta maganda yung role, tatanggapin ko," saad niya.
Bilang aktor, patuloy siyang nag-e-eksperimento. Kabilang man sa mainstream local showbiz, may puwang kay Alfred ang mga seryosong adhikain ng independent cinema movement sa industriya.
Ugnay rito ang pagtanggap niya ng papel sa isang indie movie, ang Colorum, a Cinemalaya 2009 entry by Jon Steffan Ballesteros. Dito ay gumaganap siya sa isang offbeat role, ironically, bilang isang corrupt law enforcer.
"Kahit ano pa, basta maganda yung role, tatanggapin ko," sabi ni Alfred. "Bilang artista, ang mga dream roles pag dumating sa akin, hindi ko na pakakawalan pa. Minsan lang yun darating sa buhay."
MONEY OR POWER. Ang usap-usapan, malaking pera ang mawawala kay Alfred kapag itinuloy niya ang binabalak na pagkandidato sa 2010 elections. May mga projects at endorsements diumano na mawawala sa kanya sanhi ng pulitika.
"Ang sa akin naman, ever since, hindi ko naging priority ang kumita ng marami," katuwiran niya. "Para sa pagiging artista ko, ang priority ko ay ang ma-fulfill ko yung mga pangarap ko sa pamamagitan ng pagpu-portray ng mga roles [na gusto ko]. Yung monetary rewards, secondary na lang sa akin 'yan.
"Kaya ngayon naman, mas gusto ko yung fulfillment [kung sakali] bilang public servant...paglilingkod sa ibang tao. Sana mabigyan ako ng pagkakataon."
Sa isang banda, mawalan man ng malaking kita sanhi ng pagpasok sa politics, usap-usapan ding "may pera" sa pagiging isang politician, at "hindi rin madedehado" si Alfred sakaling manalo.
"For me, never na pumasok sa isip ko yung mga monetary rewards," diin ng nangangarap na maging pulitiko. "Pinalaki naman ako ng mga magulang ko na magtrabaho para sa sariling kikitain. Gusto ko lang talaga ngayon na makatulong. Maraming nangangailangan talaga dito and I feel very blessed, na binigyan Niya ako ng blessing. So, para sa akin, siguro it's about time na i-share ko naman ang blessings ko."
Sa tingin niya, sino ang mahigpit niyang makakalaban bilang kandidato?
"Ah, para sa akin, wala akong kalaban dito. Kasi lahat naman gustong tumulong. At sa pagiging konsehal, marami naman kami na magtutulungan," sabi ni Alfred, na muling mapapanood sa teleserye ng GMA-7 bilang isa sa love interests ni Marian Rivera sa Darna.