"Nakaka-overwhelm ang suporta nila sa pelikula namin. Alam ko naman na hindi lang ako ang pinunta nila dito kundi pati ang mga kasama ko sa movie. Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko sa kanila dahil nag-abala silang lahat na pumunta dito," says Marian Rivera about the successful premiere of her movie with Dennis Trillo.

Photo: Courtesy of Regal Entertainment

Successful ang red-carpet premiere ng bagong horror film ng Regal Entertainment, Tarot, na ginanap kagabi, August 24, sa SM Megamall Cinema 10.

Sobra rin ang pagpapasalamat ng bida ng Tarot na si Marian Rivera dahil todo-suporta ang kanyang fans sa pelikula nila ni Dennis. Trillo.

"Hindi ko ma-express ang nararamdaman ko ngayon!" bulalas ni Marian sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Nakaka-overwhelm ang suporta nila sa pelikula namin. Alam ko naman na hindi lang ako ang pinunta nila dito kundi pati ang mga kasama ko sa movie. Sobra-sobra talaga ang pasasalamat ko sa kanila dahil nag-abala silang lahat na pumunta dito."

Parehong galing sa kanilang tapings sina Marian at Dennis bago pumunta sa premiere ng Tarot. Galing si Marian sa taping ng Darna sa Bulacan, pero maaga itong nagpa-packup para makarating sa premiere night. Late naman dumating si Dennis dahil nanggaling siya sa taping ng Adik Sa 'Yo sa may Commonwealth Avenue. Kinunan na raw kasi ang isang malaking wedding scene na mapapanood sa last week ng naturang serye ng GMA-7.

Ani Dennis, "Gusto ko sanang dumating nang maaga, pero talagang tinapos ko pa muna ang mga eksena ko. Ayokong mabitin sila sa set at hintayin pa ang pagbalik ko. Malaking scene kasi 'yon kaya pinaganda ni Direk Joel [Lamangan] ang lahat. Abangan nila 'yan kasi siguradong matutuwa sila kahit na patapos na kami sa show."

NO PARTNERS. Pareho namang walang ka-partner sina Marian at Dennis nang dumating sila sa premiere night ng Tarot kagabi. Wala ang mga nali-link sa kanila na sina Dingdong Dantes at Pauleen Luna.

Paliwanag ni Marian, wala si Dingdong dahil nagsimula na itong mag-taping noong araw na 'yon ng bago nitong drama series sa GMA-7, Stairway To Heaven. Pero nandoon naman ang buong pamilya ni Dingdong para suportahan si Marian.

"Sayang nga at wala si Dong," sabi ni Marian. "May taping na kasi siya ngayon. Pero nangako naman siya na magkasama kaming manonood ng Tarot. Hindi ko lang alam kung kelan 'yon, pero definitely manonood kami.

"Nagpapasalamat nga ako sa family niya kasi nandito silang lahat. Hindi ko nga ini-expect na full force silang dumating. Sobrang na-touch ako sa ginawa nilang ito. Hinding-hindi ko ito malilimutan."

As for Dennis, gustuhin man niyang makasama si Pauleen sa gabing 'yon, nasa taping daw ng Adik Sa 'Yo ang young actress kaya hindi ito nakarating.

"Noong umalis ako ng taping, may mga kukunan pa sa kanyang mga eksena. Inimbitahan ko siyang pumunta kami, pero siyempre, una muna ang trabaho. Naiintindihan ko naman 'yon. Nasabi ko naman kay Pauleen na manonood kaming dalawa ng Tarot kapag libre na ang schedules namin," saad ng aktor.

SECOND TEAM-UP. Ang Tarot ang second movie team-up nina Marian at Dennis. Una silang nagkasama sa pelikulang Pamahiin, na isa ring horror movie.

Masayang-masaya sina Marian at Dennis throughout the screening ng pelikula dahil sigaw nang sigaw ang mga manonood sa bawat nakakatakot na eksena sa pelikula.

"Nagugulat din ako sa mga eksena namin sa movie," sabi ni Marian. "To think na ako na ang gumanap diyan, pero nakakagulat at nakakatakot pa rin. Kung ikakasaya nga ng mga tao na mapanood pa ako sa mga ganitong mga pelikula, okey lang sa akin. Basta magustuhan nila kahit na natatakot sila."