"Siyempre, lahat naman puwede nating sabihin na maganda, pero ito, magandang-maganda talaga siya. And may dahilan lahat kung bakit siya nag-hit dati at binubuhay naming muli ang dahilan na yun. At the same time, nilalagyan namin ng kakaibang kulay because it is our version already," says Dingdong Dantes about Stairway To Heaven, which pairs him with Rhian Ramos for the first time.

Photo: Courtesy of GMA-7

Nagmistulang premiere night ng isang big movie ang ginanap na red-carpet premiere ng pinakabagong primetime soap ng GMA-7, ang Stairway To Heaven, kagabi, September 6, sa SM Megamall Cinema 10.

Bago ang premiere ay nagkaroon muna ng Parade of Stars ang mga artistang tampok sa Pinoy adaptation ng hit Koreanovela sa lobby ng SM Megmall Cinema, sa pangunguna ng mga bidang sina Dingdong Dantes at Rhian Ramos. Present din ang prime kontrabidas sa serye na sina Jean Garcia at Glaiza de Castro, gayundin sina TJ Trinidad at Carlo Gonzales, at ang mga batang gumanap sa apat na main characters: Joshua Dionisio (Cholo), Barbie Forteza (Jodi), Joanna Marie Tan (Eunice), at Jhake Vargas (Tristan).

Punong-puno ang Cinema 10 ng fans, kaibigan, entertainment press, at kapamilya ng ilan sa cast ng series. Present din ang tatlong directors ng Stairway to Heaven na sina Joyce Bernal, Andoy Ranay, at Mac Alejandre.

Ipinalabas sa premiere ang buong first week ng Stairway To Heaven, na magsisimulang ipalabas sa September 14. Kung pagbabasehan ang reaksiyon ng mga tao sa loob ng Cinema 10, mukhang makaka-create na naman ang Kapuso network ng isang telenovela na punung-puno ng romansa at drama.

A DIFFERENT TANDEM. Bago ipalabas ang first week ng Stairway To Heaven sa Cinema 10, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sina Dingdong at Rhian sa backstage ng SM Cinema. 

Dahil ito ang unang pagtatambal nila, tinanong namin sila kung mas matindi bang pressure ang nararamdaman nila ngayong malapit nang ipalabas ang Stairway To Heaven?

Si Dingdong ang unang sumagot. Aniya, "Yes, oo. Pero, masarap na may pressure. Pero at the same time, masarap din na magkaroon din ng ganitong responsibility. Na isang magandang show. At talagang hindi lang siya yung... Siyempre, lahat naman puwede nating sabihin na maganda, pero ito, magandang-maganda talaga siya. And may dahilan lahat kung bakit siya nag-hit dati at binubuhay naming muli ang dahilan na yun. At the same time, nilalagyan namin ng kakaibang kulay because it is our version already."

Ayon naman kay Rhian, "Sa tingin ko, what set this show apart from a lot of other shows, wala kang ibang makikita kundi yung story lang. Hindi naman kami yung klase ng show na may special effects. Wala kaming magagamit na mga bagay para magmukha siyang flashy kundi yung kuwento at acting. So, yung makikita ng mga tao, yung totoong love story lang."

May message din si Dingdong sa mga fans niya ngayong iba na ang kapareha niya. Hindi naman kaila na marami ang hindi pabor sa pagpapares sa kanya kay Rhian.

Aniya, "I understand where they're coming from and I will always appreciate their support. But there are times and there will be opportunity like this, for us, as individual actors na magkaroon ng chance to do other things for the moment. At ako kasi, as individual, and especially now, I'm in the point of my career that I would also like to do serious things. So, noong naibigay sa akin 'to, naipagkaloob sa akin 'to, e, napakalaking responsibilidad.

"So, naniniwala naman ako na ang suporta nila ay manggagaling, kung hindi lamang sa personal na aspeto, sana ay humigit pa na show na ang susuportahan nila at hindi lang ako as individual. So, dahil ako, malakas ang paniniwala ko talaga sa show na ito. There's a reason why it became successful before, at hindi ko naman masasabing hihigitan namin. Pero, bibigyan ko siya ng sarili naming version and with that, gusto ko sanang bigyan nila ng pagkakataon na mahalin nila ang programa, ang show, bago kami as individual. Then, later on, kung gusto nila kami as individual, mas magpapasalamat pa ako sa kanila at hindi natin mapipilit ang mga bagay na yun."