"Ang work ko lang naman dito sa show ay director nila. Hindi ako ang guidance counselor or principal para pagalitan sila o bawalan sila sa mga gusto nilang mangyari. Alam ko na marami kaming mga eksena rito na very intimate. May mga halikan, yakapan, holding hands, at kung anu-ano pa. Lahat naman 'yan, part ng trabaho nila bilang mga artista and sa part ko as the director," explains director Joyce Bernal.

Photo: Elyas Isabelo Salanga

Hindi raw mapipigilan ni Direk Joyce Bernal kung may maramdaman sa isa't isa sina Dingdong Dantes at Rhian Ramos habang ginagawa nila ang bagong primetime GMA-7 drama series na Stairway To Heaven.

Ayon kay Direk Joyce, hindi na dose anyos sina Dingdong at Rhian para bantayan at pigilan niya ang kanilang mga nararamdaman. Hindi raw niya trabaho ang harangin ang dalawa na maging close sa isa't isa.

Ito ang ipinahayag ng director sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makausap namin siya sa red-carpet premiere ng Stairway To Heaven kagabi, September 6, sa SM Megamall Cinema 10.

"Ang work ko lang naman dito sa show ay director nila," ani Direk Joyce. "Hindi ako ang guidance counselor or principal para pagalitan sila o bawalan sila sa mga gusto nilang mangyari. Alam ko na marami kaming mga eksena rito na very intimate. May mga halikan, yakapan, holding hands, at kung anu-ano pa. Lahat naman 'yan, part ng trabaho nila bilang mga artista and sa part ko as the director. 'Tsaka kailangan sa story ang mga eksenang 'yon. Eighty-five percent kaming faithful sa original story ng Stairway To Heaven.

"Ang importante sa akin ay ang gawin nila nang tama ang trabaho nila dahil ginagawa ko nang maayos ang trabaho ko. 'Tsaka hindi na nga mga bata ang dalawang 'yan. Hindi sila mga 12 years old para pigilan ko silang maging close sa isa't isa. May sarili na silang pag-iisip kaya isipin muna siguro nila ang mga gagawin nila."

NOTHING TO DO WITH DINGDONG-MARIAN ROMANCE. Si Direk Joyce daw kasi ang sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit naging hot couple sa telebisyon at sa totoong buhay sina Dingdong at Marian Rivera. Nagsimula ito sa pagtatambal ng dalawa sa Marimar, na sinundan pa ng Dyesebel at Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Si Direk Joyce ang nagdirek ng tatlong nabanggit na primetime series.

Pero ayon sa director, wala siyang kinalaman sa anumang relasyon meron ngayon sina Dingdong at Marian. Nabuo raw ang relasyon ng dalawa dahil ginusto nilang dalawa na mangyari 'yon.

"Hindi naman siguro ako ang bugaw nila, di ba?" malakas na tawa ni Direk Joyce. "Hindi ko gawain 'yon, 'no! Kung anuman ang naging resulta ng tambalan nina Dong at Yan, sila na 'yon, e. Wala na akong pakialam sa gusto nilang gawin. Like what I said, hindi na sila mga bata para sawayin mo. May kanya-kanya na silang pag-iisip. Nasa kanila na 'yon.

"My only job is to make them look good sa TV show namin. Binabayaran ako ng GMA-7 para maganda ang mga eksenang napapanood nila sa show. Whatever personal that happens between my stars, it's not my fault anymore.

"Kung kinikilig sila sa isa't isa, bahala sila, di ba? Basta magawa naming lahat ng tama ang trabaho, yun ang importante sa lahat. Kaya itong tambalan nina Dong at Rhian, we all want it to work. And so far, sa nakikita kong mga nakunan na naming mga eksena, maganda lahat. We all feel na we have another show na aabangan ng marami," saad ni Direk Joyce.


KIMMY DORA IS A BOX-OFFICE HIT. Nagpapasalamat naman nang sobra-sobra si Direk Joyce sa mga lahat ng mga sumuporta at nanood ng pelikula niyang Kimmy Dora: Kambal Sa Kiyeme dahil isang major box-office star na ang bida ritong si Eugene Domingo.

"Oo naman, sobra ang thank you namin sa lahat ng nanood, nag-review, at nagpabalik-balik sa pagpanood ng Kimmy Dora. Sinasabi ko na buwis-kita at buwis-kabuhayan naming lahat itong Kimmy Dora. And we are so happy na nag-enjoy lahat ng mga nanood.

"Pinakamasaya kami for Eugene dahil siya ang tunay na naghirap sa movie. Lahat ng ipagawa ko, ginagawa niya. Kahit yung mga hindi ko pinapagawa, gagawin pa rin niya. Ganyan siya ka-reliable at professional na artista.

"Showing pa ang Kimmy Dora kaya manood na kayo at sa mga nanood na, 'nood pa kayo ulit. Pero huwag nilang kalimutan ang Stairway To Heaven na magsisimula na sa September 14," pagpu-promote pa ni Direk Joyce.