Kristel, who's being launched in Pitas, was understandably nervous about her rape scene with Bembol Roco. "Talaga, mas kinakabahan ako, sobra. Siyempre,  Bembol Roco po yun, e. Nung binabasa ko pa lang po yung script, gusto ko nang mag-break down," the young actress laughingly confided.

Photo: File photo

Masayang-masaya ang Star Magic talent na si Kristel Moreno para sa kanyang launching film na Pitas directed by Joey Reyes and  produced by Legalas Entertainment. Hindi makapaniwala si Kristel na nabigyan siya ng ganito kalaking oportunidad sa kanyang young career.

"Hindi nga po ako makapaniwala nung una na, finally, heto na, may movie na  po ako," nangingiting bungad ni Kristel sa set ng Pitas sa C. Benitez St., Quezon City kamakailan.

Sobrang excited si  Kristel dahil sinusuportahan siya rito ng mga sikat at award-winning actors na sina Sid Lucero, Bembol Roco, Francine Prieto at Rio Locsin. Si Sid ang love interest niya at  kamakailan lang ay kinunan na ang love scene nila.

"Kinabahan po ako kasi first time ko magkaroon ng love scene. Pero  inisip ko na lang  na kailangan itong gawin at ibigay ang best ko. 'Tsaka napakabait po na kaeksena ni Sid. Tinulungan niya talaga ako. Tinatanong pa niya ako kung saan niya ako puwedeng hawakan," pahayag ni Kristel.

RAPE SCENE. After ng love scene, ang rape scene ni Kristel ang kinunan last Monday.  Ang  beterano at well-respected actor na si Bembol ang kaeksena niya dito.

"Eto po talaga mas kinakabahan ako, sobra.  Siyempre,  Bembol Roco po yun, e. Pinaghandaan ko talaga yung eksena bago ako pumunta ng set. Nung binabasa ko pa lang po yung script, gusto ko nang mag-break down," sabay tawa ni Kristel.

Pero ang kanyang ginawa ay huwag masyadong pag-isipan yung eksena in advance.

"Mas maganda yung kapag nandun ka na imo-motivate lang ako. Mas maganda yung natural.  Yung eto pala ang  nararamdaman ko kapag nandun ka sa ganung sitwasyon. Mas lalabas ang natural. Para hindi robot na parang bawat galaw inaaral.

"After the scene po, masarap yung feeling na nagawa ko na yung eksena.  Nung una talaga, yung kaba ko kasi, baka hindi ko maabot yung ine-expect nila."

Bukod sa magandang career ni Kristel, happy din siya sa lovelife niya. Hindi niya itinatago na ang boyfriend niya ay si Romeo "Don" Lerit Jr., na siyang top man ngayon ng  Legalas Entertainment, at mas mature sa kanya.

Ano ang sabi ng boyfriend niya tungkol sa love scene nila ni Sid? "Very supportive po siya sa career ko."

INTRIGUE. Nagulat naman si Kristel sa intrigang masama raw ang papel niya sa Star Magic.

"Oo nga po. Kasi nung nagre-rehearse ako para sa Star Magic concert po sa Araneta [Coliseum], hinarang po ako nung reporter at siya yung nagsabi sa akin na sinusuka raw po ako ng Star Magic dahil sobrang pasaway daw po ako.

"Hindi ko na lang po pinansin yung mga ganyang isyu kasi  alam ko sa sarili ko na hindi totoo yun at hindi ako pinapabayaan ng Star Magic.  Binibigyan  naman nila ako ng show. Sobrang sinusuportahan ako nina Mr. M [Johnny Manahan], si Tita Mariole [Alberto]. "

Isang project na inalok sa kanya ay ang Precious Hearts na pagtatambalan sana nila ni Guji Lorenzana. "Kaya lang tinurn down namin  kasi hindi kaya ng schedule.  Yung shooting ko for this movie at taping dun sa show sobrang sabay na sabay."