"Basta, ito po yung movie namin ni Kim, hindi po namin alam in the near future. Basta, dito po namin ibinubuhos yung focus namin. Dito na muna. First day pa lang namin, marami pang exciting na mangyayari dito sa movie na ito," says Gerald Anderson about his upcoming movie with screen partner Kim Chiu.

Photo: Noel Orsal

Kamakailan lang ay pormal nang nagsimula ang shooting ng sikat na young stars na sina Gerald Anderson at Kim Chiu ng kanilang comeback movie para sa Star Cinema, na siguradong ikatutuwa ng kanilang napakaraming fans.

Kung ang past Kimerald films ay mga pa-cute pa at pa-sweet dahil sa kanilang murang edad, sinasabing magiging "mas daring" na ang balik-tambalan nila sa big screen. Ito ay pagkatapos ng matagumpay na teleserye nilang Tayong Dalawa.

Ayon kina Kim at Gerald, since successful nga ang last teleserye nila at tumatak ito sa fans, doble pressure daw ngayon ang kanilang nararamdaman para sa kanilang movie.

"Nakakapanibago, pero gagawin namin ang lahat dito sa first day namin," bungad ni Gerald sa panayam sa kanila ng SNN.

Sa Tayong Dalawa, unti-unti nang ipinakilala sina Gerald at Kim sa  mature roles.

Mahigitan kaya ng kanilang yet untitled movie ang pagiging "daring" nila sa Tayong Dalawa kung saan may kissing scenes na sila?

Sagot ni Kim, "Ini-internalize pa namin yung characters namin, kasi di pa siya mag-sink in, dahil from Tayong Dalawa na sobrang bigat, 'eto naman, magaan lang."

Nagbalik-tanaw naman si Gerald sa kanilang past two films together under Star Cinema, at naikumpara sa pinakabago nilang handog na movie for their fans. Although, gumawa rin sila ng isang pelikula under Regal Films, ang "Class Picture" episode ng Shake, Rattle & Roll X.

"Yung first movie naming First Day High, title pa lang, parang pambata talaga!" tawa ni Gerald. "Tapos, I've Fallen For You, solo namin ni Kim 'yon, medyo ano yun, e, medyo tweetums, sobrang saya, nakakakilig na movie. Eto, dito naman sa movie na ito, sobrang nakakakilig, pero 'andun pa rin yung drama."

Dagdag ni Kim, "May drama pa rin sa dulong part. At first, mae-excite sila, tapos sa dulo ang drama."

Sabi naman ni Gerald, "At first, sobrang saya, nakakakilig din. Kaya maganda ito sa amin, yung kumbinasyon!"

Umaasa si Kim na sa magandang chemistry at working relationship nila ni Gerald bilang magka-loveteam ay magtagumpay sila sa anumang expectation ng Kimerald fans.

"Sana, ma-achieve namin yun and sana magustuhan ng mga tao kaya inaayos naming lahat. Kung may mali man, uulitin," saad ng young actress.

Tungkol naman sa intrigang paghihiwalayin na sila at maipareha sa ibang artista, makahulugan ang tugon ni Gerald. Aniya, "Basta, ito po yung movie namin ni Kim, hindi po namin alam in the near future. Basta, dito po namin ibinubuhos yung focus namin. Dito na muna. First day pa lang namin, marami pang exciting na mangyayari dito sa movie na ito."