Aljur Abrenica and Kris Bernal lead the cast of a new telefantasya in GMA-7. This will be their third show as lead stars, after Dapat Ka Bang Mahalin? and All My Life.

Photo: Elyas Isabelo Salanga

Ginanap ang story conference ng bagong primetime series ng tambalang Aljur Abrenica at Kris Bernal sa GMA-7 kahapon, November 3.

Pagkatapos ng afternoon soap na Dapat Ka Bang Mahalin? at primetime soap All My Life, ang kanilang next project ay isang  telefantasya. Wala pang final title itong bagong primetime offering, pero ang working title ay The Last Prince.

Base sa impormasyon na nakalap ng PEP (Philippine Entertainment Portal), pinaghalu-halong fairy tales ang bagong serye nina Aljur at Kris. May pagka-Beauty and the Beast, Sleeping Beauty, at Cinderella raw ang kuwento nito.

May human at fantasy world din daw ito. Si Kris ang nasa human world habang si Aljur naman ay nasa fantasy world. Magki-create rin daw ng bagong fantasy world para sa telefantasya nila.

Bagamat hindi masyadong nag-hit sa takilya ang launching movie nina Aljur at Kris na Nandito Ako... Nagmamahal Sa 'Yo, hindi naman ito naging hadlang para hindi sila patuloy na suportahan at pagkatiwalaan ng Kapuso network ng panibagong series. This time, sa primetime na talaga sila mapapanood.

Ilan sa mga artistang makakasama nina Aljur at Kris sa The Last Prince ay sina Eula Valdes, Angelu de Leon, Chanda Romero, Chynna Ortaleza, Bianca King, Emilio Garcia, Karen delos Reyes, Bubbles Paraiso, at Paolo Ballesteros.

Naka-schedule na ang pagsisimula ng taping bukas, November 5, at balitang pang-opening salvo raw ito ng Kapuso network sa 2010.

Ang direktor ng The Last Prince ay si Direk Mac Alejandre.