After staying with ABS-CBN for 17 years, actress Claudine Barretto signed an exclusive two-year contract with GMA-7 today, November 25.

Photo: Noel Orsal

Isa nang Kapuso ang aktres na si Claudine Barretto!

Matagal na ang usap-usapan tungkol sa paglipat diumano ni Claudine sa GMA-7, pero ngayon lang ito nagkaroon ng katotohanan nang pumirma ng two-year contract ang aktres sa Kapuso network. Naganap ang contract-signing kaninang hapon, November 25, sa GMA Network Center.

Kasamang dumating ni Claudine sa tanggapan ng GMA-7 ang kanyang mga magulang. Present naman sa contract signing ang top executives ng Kapuso network na sina Atty. Felipe Gozon (CEO and President), Mr. Jimmy Duavit (COO and Vice President), Anette Gozon Abrogar (GMA Films President), at Wilma Galvante (SVP for Entertainment TV).

Ayon kay Claudine, naging mabilis daw ang pangyayari kaugnay ng pagpirma niya ng kontrata sa GMA-7.

Kuwento niya, "Everything was really, really fast, itong pangyayaring 'to. Hindi kami talaga prepared. Like yesterday, sinabi, 'Okay, we'll sign na today.'"

Ano naman ang pakiramdam niya na isa na siyang Kapuso?

"Parang naninibago, pero I think nangunguna sa lahat ng nararamdaman ko ngayon yung excitement. At the same time, excited talaga ako dahil magaganda yung mga nakahilerang projects for me," sabi ni Claudine.

Masaya rin daw si Claudine dahil magkakaroon na siya ng pagkakataon na makasama ang kanyang mister na si Raymart Santiago, na napapanood sa Darna.

Ayon sa ulat ni Lhar Santiago para sa GMA News, hindi naging mahaba ang negosasyon para sa paglipat ni Claudine sa Kapuso network. Nagsimula raw ang lahat sa paggawa ng pelikula ng aktres sa Viva Films.

"Claudine has a movie with Viva, and then they offered us [GMA Films] to co-produce it. So, sabi namin, 'Wow, dream come true to have a movie with Claudine!' We never thought that we could do a movie with Claudine," lahad ng GMA Films president na si Ms. Anette.

Ang pagiging Kapuso ang ikalawang pinakamalaking hakbang na ginawa ni Claudine sa career niya ngayong taon. Una ay ang pagpirma niya ng two-picture contract sa Viva Films noong October 8. (CLICK HERE to read related story.)

GOODBYE ABS-CBN. Marami ang nagulat sa desisyong ito ni Claudine dahil 17 years ang inilagi niya sa ABS-CBN. Sa katunayan, isa si Claudine sa itinuturing na pinakasikat at pinakamalaking female stars ng Kapamilya network.

Noong nakaraang concert ng Star Magic sa Araneta Coliseum noong November 13 ay nandun pa Claudine. Sila ni Piolo Pascual ang naging finale ng show.

Pero may bulung-bulungan din na matagal-tagal na raw hindi maayos ang relasyon ni Claudine sa ABS-CBN, partikular na sa talent arm nitong Star Magic. Noong nakaraang taon pa ang huling teleserye na ginawa ni Claudine sa ABS-CBN, ang Iisa Pa Lamang, at mukhang nainip na ang aktres sa susunod niyang proyekto. Bagamat nagkaroon siya ng special guest appearance sa May Bukas Pa ngayong taon.

Nagsimula ang showbiz career ni Claudine bilang teen star noong 1992 sa pamamagitan ng youth-oriented TV show ng ABS-CBN na Ang TV at sa sitcom na Home Along Da Riles. Bagama't ang mga una niyang pelikula ay mula sa Seiko Films, naging exclusive contract star siya ng Star Cinema, ang film arm ng ABS-CBN.