"Alam mo, sinisiraan kasi ako ng mga kalaban din. Lahat ng... pagka lahat ng gawin namin, may pera agad. Minsan nga pagdating sa kabila, kapag may kumampi sa akin, 'Nabayaran 'yan.' Hindi naman totoo yun kasi ako naman, pinaghirapan ko naman ang pera na yun. Hindi ko naman parang tinatapon 'yan. Hindi ko naman ninakaw 'yan, e. Dugo at pawis 'yan, e. Sipag at tiyaga," says presidential candidate Manny Villar.

Photo: Noel Orsal

Dumating si Sen. Manny Villar sa 49th birthday celebration ng TV host na si Willie Revillame sa noontime show Wowowee sa ABS-CBN last Saturday, January 23. Simula pa lamang ng show ay nandoon na si Sen. Villar kasama ang kanyang misis na si Las Piñas Rep. Cynthia Villar, daughter Camille, and sons Mark and Paolo.

Bukod dito, binigyang katuparan ni Sen. Villar ang pangarap ng 40 kabataan na anak ng mga basurero at OFWs na nakaranas ng injustice sa abroad na makapag-aral. Sumali ang mga anak ng basurero at OFWs sa "Tic, Tac Toe" portion ng Wowowee. Unfortunately, walang nanalo sa kanila kaya hindi nila nakuha ang premyo na P3 million at house and lot.

Pagkatapos nito ay kinausap ni Willie si Sen. Villar. Aniya, "Ang pangako ko sa kanila [studio contestants], makapag-aral sila. E, hindi nakuha yung papremyo. E, tuwing lalapit ako sa inyo [Sen. Villar], hindi niyo naman ako hinihindian. Gusto ko ang inyong vision. Pangalawang lapit ko po ito sa inyo."

Matatandaang nagbigay na ng anim na bahay at lupa si Sen. Villar sa napiling OFWs sa request ni Willie at in-award sa Wowowee. Tumataginting na P1.2 million ang halaga ng bahay na ibinigay sa kanila sa mga subdivision na pag-aari ni Sen. Villar. Ang recipients ng bahay at lupa ni Sen. Villar ay mga contestant sa "Willie of Fortune" game portion ng Wowowee.

Sabi pa ni Willie habang kaharap si Sen. Villar sa birthday celebration niya sa Wowowee, "Kung sakali ho na kayo ay maging presidente, hindi na ho ako lalapit sa inyo. Tatawag na lang ho ako sa inyo para sa kababayan nating mahihirap. Makikiusap ako sa inyo na unahin natin ang mga taong naghihirap, mga taong nagdudusa.

"Noon hindi niyo ako iniwan, hinding-hindi ko rin kayo iiwanan," pahabol niya.

Kasunod nito ay ang hiling ni Willie kay Sen.Villar na sagutin ang tuition ng mga bata para makapag-aral, na hindi naman tinanggihan ng tatakbong presidente sa 2010.

Sabi ni Sen. Villar, "Gusto ko yung naranasan ko nung ako ay bata, hindi na maranasan pa nung ibang mga bata. Kaya okay lang, Willie, call ako diyan. Ako, yung karanasan nila, hindi mo sigurado at talagang me tensiyon kapag bayaran ng matrikula. Ito yung nakakaawa sa bayan natin. Dapat matigil."

Nagbigay rin ng birthday wish si Sen. Villar para kay Willie.

"Ang birthday wish ko kay Willie, sana lahat ng pangarap niya sa buhay, matupad niya. Marami pa rin naman siyang pangarap. Siyempre masaya siya ngayon, lahat kaibigan niya. Isipin din niya na pagkaraan noon, kailangan din na mapaghandaan niya. Pareho pala kami na [ipinanganak] Year of the Ox, kailan ko lang nalaman," aniya.

May birthday gift din ba siya kay Willie?

"Wala pa nga, e. Pero, three million!" biro ni Sen. Villar. "Hindi, hindi... Ang sa akin, yung mapagbigyan ko ang hiling niya. Kasi parang yun naman ang hiniling niya, e. Parang more than anything I can give him, di ba? I can give him a gift but he doesn't need it, e. Dami na rin nagreregalo diyan. Pero yung hiling niya na 'yon, mapagbigyan ko parang okey na rin sa akin yun."

VILLAR'S CELEBRITY ENDORSERS. Tatlong buwan na lang ang itatagal ng kampanya para sa May 10, 2010 elections. Pawang malalaking pangalan sa industriya ang nag-e-endorse ngayon kay Sen. Villar, pero tila pawang nasa maturity level na ang mga ito. Bukod kay Willie ay nandiyan din sina Dolphy, Manny Pacquiao, at Michael V.

Wala ba silang itatapat sa Dingdong Dantes-Marian Rivera tandem sa kampo ni Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III, na may advocacy sa mga kabataan?

Ang nag-iisang anak na babae ni Sen. Villar na si Camille ang sumagot nito pagkatapos ng show. Aniya, "Magkakaroon po kami ng parang ambassadress para sa mga kabataan, lalung-lalo na sa mga first-time voters."