Mula sa U.S. ay nagtungo ng Japan si Nora Aunor para sumailalim sa cosmetic surgery bilang paghahanda sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas sa April upang i-resume ang kanyang showbiz career.
Kahapon, February 14, ay ipinakita sa Showbiz Central ang video footage ng Superstar habang nasa Japan siya para sa aesthetic procedure na gagawin sa kanya.
"Narito na naman ako at iba na naman ang ginagawa ko," sabi ni Nora. "At siguro, marami ang magugulat dahil sa mga pangyayaring ito. Ang masasabi ko lamang, kung anuman ang gagawin ko sa sarili ko ay malalaman nila pagdating sa pagiging artista at pagiging isang alagad ng sining. Kung anuman po ang nangyayari, bale ito po ang simula muli ng aking pagiging aktibo."
Hindi man direktang sinabi ng aktres ang procedure na gagawin sa kanya, desidido pa rin ang Superstar na sumailalim dito.
"Medyo nag-isip din nga ako kasi, sabi ko, ano kaya ang mangyayari...ano kayang klaseng pagpapaganda ang gagawin sa akin? Kailangan ba talaga? Well, inisip ko rin naman na ang dami nga riyan na mga celebrities na nagpapa-lipo, nagpapadagdag-bawas. Pero ako, ang masaya lang sa akin, biro mo, libre. Kasi, hindi na ko magbabayad dahil ako ang kinuha [endorser]."
Natsa-challenge nga raw si Nora sa kanyang gagawin.
Aniya, "Siyempre, nenerbyusin din ako, di ba? Magkakaroon na ako ng confidence sa sarili lalo...natsa-challenge ako. At kahit na anong mangyari lalo na ngayon sa akin, e, talagang ipagmamalaki ko na nandun yung confidence sa sarili ko."
Isang malaking hamon man daw sa kanya ang pagbabalik-showbiz sa Pilipinas, labis naman daw ang excitement ni Nora na muling makita at mabuo ang kanyang pamilya. In fact, sa Japan naganap ang reunion nila ng anak niya na si Ian de Leon.
"Sabi ko nga sa kanila, marami akong pagkukulang sa kanila. At kaya nga noong magkita kami ni Ian dito, isa yun sa mga...talagang excitement na nangyari sa buhay ko. Matagal na kaming hindi nagkita talaga.
"Si Lotlot [de Leon], nagkita kami noong Pasko. Doon siya sa amin nag-Pasko kung saan ako nakatira sa L.A. At pagkatapos nun, one week din yata kaming nagkasama at nagkaroon ng bonding ulit. Tapos ngayon nga ay ang aking anak na si Ian at sana nga, sumunod na silang mga anak ko. At nararamdaman ko na hindi na magtatagal, muli, babalik yung aming pagmamahalan na mag-iina. Hindi naman nawawala yun, siyempre. Ibig sabihin, yung pagiging buo ng pamilya," saad ng Superstar.
