"Hindi ko puwedeng talikuran 'to, e. Ibang level ng happiness ang nararamdaman ko, e," says Coco Martin about his experiences in indie filmmaking.

 

Photo: Nerisa Almo

Masayang-masaya ang tinaguriang Prince of Indie Films na si Coco Martin dahil unti-unti na siyang nakikilala ng publiko ngayon. Aminado siya na ito ay dahil sa kanyang paglabas sa ilang teleserye ng ABS-CBN, lalo na sa pagganap niya bilang Ramon sa hit primetime series na Tayong Dalawa.

"Nagkataon lang na magagandang proyekto ang napasukan ko itong taon na ito at saka po last year," sabi ni Coco nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa ginanap na Prinsipyo Day ng Advocates of Youth and Students for Noynoy Aquino (Ayos NA) sa San Andres Sports Complex, Manila, noong Sabado, Mayo 1.

Bagamat masasabing sikat na ngayon ang 25-year-old aktor, hindi pa rin niya nakakalimutan ang kanyang pinagmulan—ang paggawa ng independent films. 

Ayon kay Coco, naging isang magandang training ground sa kanya bilang aktor ang pagiging parte ng independently-produced films gaya ng Masahista (2005), Daybreak (2008), Jay (2008), Serbis (2008), at Kinatay (2009).  Sa ngayon, tinatayang mahigit sa 19 na ang indie films na nagawa ni Coco.

"Sobra ang training sa akin ng indie. Kaya nga ngayon, kapag may time talaga ako, kapag may indie, hindi ko talaga pinalalagpas. Kahit hindi na ako matulog, magawa ko lang 'yon," sabi ni Coco.

Dagdag pa niya, "Basta ako, happy ako. Sobrang laki ng tulong sa akin ng paggawa ng indie. Hindi sa nagpapakalalim, pero malalim kasi 'yong tingin ko, e. Kumbaga, doon ako humuhugot ng mga experience. Kumbaga, nae-experience ko kasi 'yong mga character na ginagampanan ko."

Kahit na mas nagiging abala na siya ngayon sa mga mainstream na proyekto, hindi naman daw umabot sa punto na nagiging pihikan na siya sa trabaho.

Paliwanag niya, "Dati pa naman [pinipili ko na]. Kasi kung gagawa ako, 'yon ay dahil sa gusto ko. Kung gagawa ka naman dahil sa pera, wala ka naman kasi talagang kikitain dahil sa indie, e. Kumbaga, gagawin mo talaga 'yon dahil sa proyekto."

Hindi rin daw nililimitahan ni Coco ang sarili sa kung ano lang ang dapat niyang gawin na proyekto. 

"Ayaw kong mag-set ng limitation," sabi niya. "Kapag ginawa ko 'yon, mata-trap na ako, e. Kumbaga, 'yong fulfillment ko as an artist, hindi ko na magagawa, e. Ako, naniniwala ako, kung talagang aktor ka or artista ka, dapat kaya mo lahat, e.

"Ako nga, 'yong sinasabi nilang pagiging versatile, hindi naman 'yon sa pagiging marunong kumanta or sumayaw, e. Dapat kung ano ang role na binibigay sa 'yo, kaya mong gampanan. Kaya ako, kung naniniwala sa proyekto, kahit ano pa 'yan, ibibigay ko 100 percent, buhos talaga."

Bukod sa teleseryeng Kung Tayo'y Magkakalayo, magiging parte rin si Coco ng pelikula ng Star Cinema na Sa 'Yo Lamang. Abala rin siya sa pagdalo ng mga campaign rally ng presidential candidate na si Benigno "Noynoy" Aquino III para sa ginagawa niyang docu-film na Noy.

NO GAP BETWEEN HIM AND KRIS. Sa event ng Ayos NA, nakita ng PEP ang pagbati ni Kris Aquino kay Coco nang siya ay dumating sa San Andres Sports Complex. Isang patunay ito na hindi totoo ang mga lumabas na balita na nilalait siya diumano ni Kris at ng isa pa nilang co-star na si Kim Chiu habang nasa set ng Kung Tayo'y Magkakalayo.

"Actually, nahihiya nga ako kay Ms. Kris, e. Baka mamaya siya nga ang ma-negative ng mga tao, e, wala naman talagang ganung nangyari. Actually, nanghihingi nga ako ng pasensiya sa kanya at saka kay Kim. Siyempre, wala namang may kasalanan, pero ayaw ko namang masira ang pangalan nila dahil sa akin. Hiyang-hiya nga ako kasi 'yon ang naging issue, samantalang binigyan niya pa ako ng jacket noon," kuwento ni Coco.