In a rare moment, humarap sa PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang piling entertainment editors ang "dynamic duo" ng GMA-7 na sina Atty. Felipe Gozon (Chairman, President, and CEO) at Mr. Gilberto "Jimmy" Duavit (Executive Vice President, COO) sa 16th floor ng GMA Network Center kahapon ng tanghali, June 21.
Sina Atty. Gozon at Mr. Duavit ang itinuturing na malaking dahilan sa pag-angat ng Kapuso network bilang isa sa mga nangungunang networks sa Pilipinas. Nagsimula ito nang manungkulan sila noong katapusan ng 2000.
Sa loob ng sampung taon ay marami nang pagbabago ang naganap sa bakuran ng Kapuso network. Nitong nakaraang dekada rin nakamit ng GMA-7 ang mga karangalan mula sa pinakapipitagang award-giving bodies sa buong mundo, gaya ng Peabody Award, Asian TV Awards, at New York Festival.
Bukod sa mga tagumpay na nakamit ng GMA-7 nitong nagdaang dekada, naging mas interesado ang mga inimbitahang editors sa mga kontrobersiya at isyu na kinahaharap ng Kapuso network. Naging maluwag naman sa pagsagot ang top two executives ng GMA-7 kaya naging mahaba ang pakikipag-usap nila sa press.
PROGRAM COMMITTEE MEETING. Unang tinanong kina Atty. Gozon at Mr. Duavit ay ang tungkol sa kumpetisyon nila sa ibang networks, partikular na sa ABS-CBN.
Si Atty. Gozon ang unang sumagot. Aniya, "We have a long history of trying to build our station and capability without having to pirate talents from ABS-CBN... Up to now, that has been our policy. So that if there are talents from ABS that are transferring to us, that means that their contracts have already expired. And they are the ones voluntarily asking us if they have a place here, et cetera.
"Hindi pa namin ginagawa yung may live contract and pupuntahan namin and then we will convince by offering twice or three times the talent fee. We have never done that...yet! Sabi nga sa showbiz, 'Mahirap magsalita ng tapos,'" sabay tawa nito.
Ipinaliwanag din ng dalawang TV executives ang mga ginagawa nilang hakbang upang mapaganda ang bawat programa nila.
"Every Wednesday, in this room, we hold a program committee meeting and that is where everything is decided," banggit ni Atty. Gozon.
Ayon kay Mr. Duavit, dito sa weekly prog-com meeting na ito nila ini-evaluate ang existing programs ng network "kung saan napag-uusapan ang ratings, sa mga programang hindi nagpapakitang-gilas, nandun ang usapin kung ano ang mga pinaplano ng mga producers para mas pagandahin o mas ipataas ang mga rating."
Dito rin daw nila dinedesisyunan ang mga programang papalit sa mga magtatapos nang shows o "lackluster programs" o hindi masyadong nagre-rate na mga programa.
Pero ang final decision ay nangagaling pa rin daw sa chairman na si Atty. Gozon. "But to the extent possible," dagdag ni Mr. Duavit, "ito ay tinatawag nating collegial. Ibig sabihin, hindi naman pormal na botohan, pero sinasang-ayunan ng grupo o mas nakakarami sa grupo. Sa ganung sitwasyon, si Atty. Gozon, e, tiebreaker. Ako, tiga-intriga. Ibig sabihin, hindi naiiwasan na may pagkakataon na nahihiya magsalita, magbigay ng punto de vista yung ilan. So, in such situations, I play the role of an encourager-instigator."
LACKLUSTER PROGRAMS. Idiniin din ni Mr. Duavit na hindi naman lahat ng "lackluster programs" ay basta-basta na lang nilang isinasara. At ibinigay pa nga niyang halimbawa ang gag show na Bubble Gang, na nasa 15th year na nitong 2010.
"Nananalo 'yan, may pagkakataon din namang hindi," sabi niya. "Marami nang programa ang itinapat sa kanya, pero Bubble Gang is synonymous with the network. It's something that has a very loyal following both in the trade and sa viewership niya. And again to a large extent, we acknowledge that particularly sa timeslot niya, napaka-late na... Bubble Gang will outlive me, so will Bitoy [Michael V] and Ogie [Alcasid]."
Hindi rin daw nila inisip na baguhin o palitan ang Bubble Gang. "Maski ang timeslot niya, hindi option sa aming palitan," sambit ni Mr. Duavit.
Dagdag naman ni Atty. Gozon, "In other areas, as Jimmy had explained, in our prog-com meeting, we are also analyzing the landscape, the trend, bakit ba nagre-rating ngayon 'yan, bakit bumabagsak itong rating ng mga programs namin na dati, e, ang tataas.
"In fact, we have a department in our company who does nothing but that—monitor and analyze. At inire-report 'yan, in writing. Kung minsan nga, siyempre nasasaktan yung mga producer when their programs are being criticized for lacking this, lacking that, they should have done this, ganito... Kung minsan kami ni Jimmy, nagre-referee dito. That's part of our job here. That's how we monitor the competition."
Ibinigay na halimbawa ni Atty. Gozon ang defunct Sunday musical-variety show ng GMA-7 na SOP.
"For so long, itong SOP, had been lording it in that Sunday noontime slot until they [ABS-CBN] hit something na tinalo yung SOP. As has been our practice, we discussed it, pinag-aralan, lahat, and then we gave the producers a chance. Mahirap naman yung bigla mong papatayin. At least due process, e, parang abogado, e, he has to give everybody a day in court. So, tanong natin diyan, 'O, may magagawa pa ba tayo diyan? How long do you need?' Nung sumuko na, pinalitan na."
Ang pumalit na show rito ay ang Party Pilipinas, kung saan karamihan ng mga nasa SOP ay kasali pa rin dito.
Dagdag ni Atty. Gozon, "And from that time, papalit-palit because sometimes you don't hit the hole that brings up the oil right away. In fact, siguro nabalitaan n'yo, nag-resign pa yung director diyan, si Louie [Ignacio]. Dahil napuna nga doon na parang yung mga nagpe-perform, e, lack rehearsals, parang hindi sila synchronized... But I'm glad to say that the other Sunday [June 13], medyo magaganda na yung feedback na nare-receive namin at lumamang na sa rating yung Party Pilipinas.
"So that's the clearest example I can give on how we do things here. That goes even to the primetime telebabad. We are reviewing that dahil may lumalabas na may sawa factor diyan, masyadong frequent naming kina-cast yung mga artista kaya ang impression, e, wala kami masyadong mga talent. All of these things are being considered. As you will see, maraming new programs ngayon na papalitan yung mga old programs."
LOSING THE MOMENTUM. May obserbasyon naman ang ilang showbiz insiders na tila nawawala na ang pagiging trendsetter ng Kapuso network. Kung noon ay ang GMA-7 ang nagdidikta ng mga klase ng mga programa na papanoorin ng mga manonood—gaya noong mga panahon ng Extra Challenge, Mulawin, at Encantadia na pinataob ang mga drama programs ng ABS-CBN—ay tila ang Kapuso network na ngayon ang sumusunod sa mga klase ng programang inihahandog ng Kapamilya network. Idagdag pa ang pagkatalo ng ilang programa ng GMA-7 sa ratings.
Hindi naman ito ipinagkaila ni Atty. Gozon.
"I hate to admit it, but you are correct," pag-amin niya. "And the thing is, we're trying to do something about that.
Ano sa palagay nila ang dahilan kung bakit tila nagbago na ang ihip ng hangin?
"E, siguro naging kampante," sagot ni Atty. Gozon. "I have been worrying about that, you know. Maybe that's why people say it's easier when you're running after somebody than [when] you're ahead. The tendency is to take it easy, just do the same things you have been doing before. But that is wrong.
"In this very dynamic industry, you have to be ahead of everybody, even the viewers. You have to get what they want to watch next week. Ang hirap nun, e. That's why I enjoy this job more than my law practice, honestly! Sa law practice kasi, sa tanda kong ito, wala nang bago, e. All you have to do is, you research the jurisprudence, e, di alam mo kung anong law ang ina-apply ng court. E, dito, lahat bago dahil nagpapalit. Talagang ang bilis!"
Aminado rin si Atty. Gozon, na partner sa Belo Gozon Elma Parel Asuncion & Lucila Law Offices, na hindi naging maganda ang resulta ng telefantsya nilang Panday Kids.
"Panday Kids was bad... It was not like the Panday [the movie]," sabi niya. "Siguro may mga sawa na rin at saka parang more of the same. They want something different. I think that's what is happening in the... Kaya tingnan mo, for example, ang tagal-tagal niyang SiS. Siguro mga sampung programs yung nagpalit-palit sa kalaban niyan sa ABS. Nakatsamba sila bigla sa Showtime, talo agad yung SiS. Kami ang magpapalit ngayon."
Pero wala ring nangyari sa ipinalit nilang programa sa timeslot ng SiS, ang Diz Iz It na talo pa rin sa ratings. Kaya papalitan daw nila ulit ito ng panibagong programa sa August.
Ayon pa kay Atty. Gozon, "Mahirap din namang mag-react, e. It's not easy to conceptualize and prepare a program in TV. Hindi easy."
Pero aniya, "Kaya ngayon, we are in a better position than before, let me emphasize that. Before Mulawin, mas kokonti ang resources namin noon. Kokonti ang artista namin noon. Lahat konti. Maski yung pera namin no'n, mas konti. Although, may pera na kami no'n. E, ngayon, we have. Kailangan lang malaman namin kung ano ang dapat naming gawin.
"To me, that is a much easier problem to solve than you have to solve so many collaterals there. Kaya I remain to be very confident that we will surmount this problem. In fact, we just consider this as a wake-up call and I'm glad that it happened na ngayon, hindi yung talagang talo ka. Because we are not yet beaten in Mega Manila, e."
PEOPLE RATINGS VS. HOUSEHOLD RATINGS. Mismong si Atty. Gozon na rin ang nagbanggit na ang basehan nila ng popularity ng isang show ay ang rating nito more than its commercial load.
"It's always the ratings," sabi niya. "Meron tayong mga program na natatalo ng programs ng ABS, pero naglu-load better than the load of the counterpart programs. Ganun din naman sila. Meron silang programs na talo natin, pero mas naglu-load kesa sa atin. May ganun, e. But the general rule is pag mataas ang ratings, mataas ang load."
Malaking usapin din ang tungkol sa ratings na inilalabas ng rating firms gaya ng AGB Nielsen Phils. at Taylor Nelson Sofres (TNS). Kapansin-pansin din na ang People Ratings na ng AGB ang ginagawang basehan ngayon ng GMA-7 sa rating ng kanilang mga programa sa Mega Manila, kumpara noon na Household Ratings ang ginagamit nila. Ang Household Ratings ang pinagbabasehan ng ABS-CBN sa inilalabas nilang national ratings ng TNS.
Ipinaliwanag naman ni Mr. Duavit ang pagkakaiba ng People Ratings sa Household Ratings.
"Ang basic distinction lang po nito, when we say Household Ratings, ang tinutukoy nito ay ang porsiyento ng households na nanonood. Pag sinabi nating People Ratings, it is the percentage of total people within the survey area that are watching. Kaya ho naging mas mahalaga na ang People Ratings ang maging basehan o pagbabasehan, it's simply because this is what the trade prefers when it makes advertising or buying decisions," aniya.
Dahil sa magkaibang data ang inilalabas ng AGB at TNS ay marami sa mga manonood ang naguguluhan kung ano nga bang ratings ang mas reliable at credible. Pero ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawang rating firms na ito?
Ayon kay Mr. Duavit, "To our knowledge, ibang households ang napaglalagyan ng kanilang mga People Meters [gadgets] within the survey area. As to which one is more reliable, well, I will let the subscriber listing speak for itself. Ibig sabihin, kung titingnan natin ang mga korporasyon or related entities that subscribe to AGB, mas malaki ito kung ihahambing sa nagsu-subscribe sa TNS. But it's not for us to say."
Dagdag naman ni Atty. Gozon, "In practical terms, e, mas maraming People Meter na naka-deploy ang AGB kesa dito sa TNS. In fact, they have recently increased the deployment of meters. Kaya ngayon sa Mega Manila, ang weight that was given to Mega Manila is already 55 percent. It used to be 49-point something percent. And dinagdagan nila ng so many meters..."
LEGAL BATTLE. Kaugnay pa rin ng usapin tungkol sa ratings, naitanong din kay Atty. Gozon kung ano na ang nangyari sa libel case na isinampa ng GMA-7 sa ABS-CBN dahil sa diumano'y "cheating scam" ng AGB Nielsen's ratings sa Bacolod noong huling bahagi ng 2007. Hindi pa raw pala tapos ang kasong ito. (CLICK HERE to read related story.)
"That's the favorite subject of mine!" natatawang sabi ni Atty. Gozon.
Paalala niya, "Hindi sa Mega Manila 'yan by the way, ha, that is in Bacolod. Fortunately, it is in Bacolod where we are beaten to a pulp up to now. Ang laki-laki ng kanilang [ABS-CBN] agwat dun, e. And the complaint was, itong mga galing sa radio by the way—hindi sa TV—na tinanggal namin, nag-report sa Channel 2, na nabibili yung may people meter for 500 pesos. May halaga pa, e.
"Look at the logic of this whole thing. Ang Bacolod is a small part of the Visayas region. Ang pinakamalaki diyan, Cebu. Now, if you look at the number of people meters deployed in the whole of Visayas, it's probably less than 200 [people] meters. So, ilan lang yung nandiyan sa Bacolod? Palagay na nating dalawampu or thirty... Five hundred [pesos]. O, magkano 'yon? P15,000 a month. O, ilan yung months a year, times 12, wala pang P200,000. Magkano yung transmitter at saka kuwan na nilagay namin doon to improve our signals? Milyon! E, kung ganun kadali to get the rating, sira ba ulo namin mag-i-invest ng ganun? At saka dito ko na gagawin 'yon sa Mega Manila, sa Davao, sa Cebu; hindi sa Bacolod. Dahil nandun ang labanan talaga, e.
"Saka hindi kami ang hinabla, ha. Ang hinabla nila [ABS-CBN], AGB," diin ni Atty. Gozon. "E, kami ang ina-accuse na nagtsi-cheat. Now, to turn the tables, kami ang naghabla sa kanila. And that case is still pending now. Kaya hindi ko iwi-withdraw 'yan because I want the truth to come out, e. Kung talagang sinabi ng mga taong 'yon [witnesses], I want them to say na niloko lang nila ang Channel 2. E, kayo, i-accuse kayo ng dishonesty na hindi n'yo naman talaga ginagawa, you want to clear your name. Ganun lang 'yon."
