"Hindi naman dahil project ko, pero maganda talaga yung movie. Sana nga lang panoorin pa rin nila kahit sinasabi nga ng iba na nabantilawan na. Pero okey pa rin. Yung mga pelikula nga sa Hollywood, ilang taon bago ipalabas, pero box-office hit pa rin," says Regine Velasquez about her still-unfinished movie with Aga Muhlach.

Photo: Noel Orsal

Desidido si Regine Velasquez na tapusin na ang shooting ng ikatlong pelikula nila ni Aga Muhlach para sa Viva Films na Of Al The Things. Una silang nagkasama sa Dahil May Isang Ikaw noong 1998 at sinundan ito ng Pangako Ikaw Lang noong 2001.

Noong huling makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang Asia's Songbird, sinabi niya na any time this month ay magsu-shooting na uli siya sa nasabing movie project nila ng aktor.

Sa pagkakaalam ni Regine, may natitira pa siyang 10 shooting days sa movie. Pero hindi niya alam kung madadagdagan pa ito base sa description ng direktor na si Joyce Bernal.

Alam ni Regine na ang hindi nila magtugmang schedule ni Aga ang rason kung bakit na-delay nang husto ang pagtatapos ng pelikula. Inaamin din niyang naging hectic ang schedule niya noong nakaraang taon matapos na hindi masunod ang shooting schedule na ibinigay niya sa production.

STILL HOPEFUL. Bagamat matagal-tagal na ring nabinbin ang project, malaki pa rin ang paniniwala ni Regine na tatangkilin pa rin ng mga tagahanga nila ni Aga ang pelikula.

"Oo nga, e, medyo matagal na rin," sabi ni Regine sa PEP (Philippine Entertainment Portal). "Siyempre, kahit paano kinakabahan din ako. Pero alam mo naman yung moviegoing public natin, basta maganda yung ino-offer sa kanilang project, hindi puwedeng hindi nila panoorin. 

"Hindi naman dahil project ko, pero maganda talaga yung movie. Sana nga lang panoorin pa rin nila kahit sinasabi nga ng iba na nabantilawan na. Pero okey pa rin. Yung mga pelikula nga sa Hollywood, ilang taon bago ipalabas, pero box-office hit pa rin."

Alam ni Regine na sandali siyang maiilang na naman kay Aga sa muli nilang paghaharap sa set.

"Ganun naman lahat, di ba? Pero sandali lang yun. Alam mo naman ako, pag nag-umpisa na akong dumaldal at magkukuwento, humalakhak nang bonggang-bongga, wala na yung ilang factor na yun. Saka kilala ko naman si Aga. Kahit hindi kami madalas magkita, friends na friends kami no'n," sabi niya.

TAPING & SHOOTING. Medyo mauulit na naman ang pagiging abala ni Regine ngayon dahil pagsasabayin niya ang taping ng mga huling episodes ng kantaserye niya sa GMA-7 na Diva at ang shooting ng movie niya with Aga. Hindi kaya maulit muli ang mahimatay siya sa gitna ng trabaho?

"Oo nga, e. Akala ko kasi pagdating ko galing sa trip namin abroad, makakapagpahinga pa ako. Pero hindi, kasi nga naghahabol na kami ng tapings. Three days na magkakasunod yung tapings namin kasi papunta na sa mga highlight ng story yung serye namin. Matagal din akong nawala, malaking bagay rin yung palagi akong nakikita sa mga eksena ko sa Diva.  Sabi kasi, hinahanap raw ako nung mga manonood. So, bilang alaga ko itong series namin, kailangan ko talagang mag-taping. Saka sobrang gusto ko itong project na ito dahil ang daming nagkakagusto.

"Natutuwa talaga ako kasi maraming nagsasabi sa akin, yung mga bata, nanonood sila ng show namin. Usually, mga tulog na 'yan paglabas ng serye namin. Pero yung iba talaga, tumututok. Kasi gusto nila yung format ng show namin, yung theme na may kantahan. Nakaka-inspire din kasi yung kuwento ng serye namin. Alam naman nating maraming mga Pilipino na gustong ipakita ang talent nila. Kaya lang siyempre, yung iba nahihiya, walang confidence sa sarili. Kaya parang nakaka-relate sila. Saka, gusto nila yung morals ng story na kahit pangit yung bida, ang bait-bait niya. And ngayon ngang iba yung hitsura niya, nandoon pa rin yung pagiging mabait no'ng character niya.

"With regards naman doon sa baka bigla na naman akong mahimatay," patuloy ni Regine, "hindi naman na siguro. No'ng mga time na yun kasi, halos araw-araw yung tapings namin. Kasi nga, nagbabangko sila ng mga episodes kasi nga one month akong mawawala. Nataon pang kasagsagan yun ng tindi ng init ng araw. Hindi nakayanan ng lola mo! Ayun, bumigay.  But I'm okay now. Medyo nag-uuulan kaya hindi gano'n ka-init."

MRS. RECTO. Ibinalita rin ni Regine sa PEP na tuloy na siya sa paggawa ng indie film na ididirek ng kaibigan niyang si Dante Nico Garcia, na siyang nagdirehe ng Ploning ni Judy Ann Santos. Tatapusin muna ni Regine ang tapings niya sa Diva at saka niya uumpisahan ang shooting para sa indie movie na may titulong Mrs. Recto.