Gardo Versoza has ventured into hosting via TV5's cooking show, Celebrity Cook-Off, which will begin on July 11. This is the first time that the former sexy actor will host a TV show.

Photo: Noel Orsal

Katatapos lang ng pictorial ni Gardo Versoza para sa bago niyang show sa TV5, ang Celebrity Cook-Off, nang makapanayam siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa Rockwell Power Plant Mall. Sa Sunday, July 11, starting at 11 a.m., ang initial airing ng bagong cooking show kung saan si Gardo ang main host, with comedienne Wilma Doesnt bilang co-host.

"Cooking contest siya, actually," bungad ni Gardo. "Ang kaibhan, yung mga hindi marunong magluto ang magiging contestants. Basta mahilig magluto at kumain na showbiz personality, at gustong mag-experiment ng recipe nila, puwedeng sumali. Masaya 'to!"

Bukod sa pagiging aktor, ngayon lang masusubukan ni Gardo ang maging television host kaya labis siyang natutuwa.

"Meron nang actor-slash-TV host na maikakabit sa name niya," nakangiting saad din ng girlfriend niyang si Ivy Vicencio, na kasama ni Gardo nang ma-interview ng PEP.

Over late lunch at Via Mare, nagkuwento pa si Gardo ng tungkol sa kasalukuyan niyang mga kaabalahan.

"Itong Celebrity Cook-Off sa TV5 at yung Green Rose, bagong teleserye ng ABS-CBN," banggit ni Gardo sa dalawang bago niyang shows. "Tapos, biglaan akong tinawagan para sa Agimat... Bianong Bulag episode. Si Jason Abalos ang Bianong Bulag, yung papel noon ni Ramon Revilla Sr."

Kaarawan ni Gardo sa July 8, Thursday, at para sa kanya, magandang birthday gift ang mga bagong shows na dumating.

"Siyempre, sobrang thankful tayo sa panibagong blessings na ito.  Kailangan lang pagbutihin ang trabaho. Forty-one [years old] na ako. Hindi na tayo bumabata, kaya dapat lang magtrabaho pa nang husto," sabi niya.

GREEN ROSE. Nauna nang bahagya ang preparasyon ni Gardo para sa Celebrity Cook-Off dahil na-move ang taping schedule niya sa Green Rose, na dapat daw ay noong July 5 pa nagsimula. At the time of our interview, naghihintay pa si Gardo ng pasabi mula sa Dos.

Samantala, tuluy-tuloy naman ang out-of-town tapings niya para sa Agimat series.

"Exciting ito, kasi action naman. May pagka-kontrabida uli ang role ko na dati ko nang ginagawa," sabi niya. "Parang breather din, pagkatapos ng pagda-drama, sa Rubi. August pa matatapos 'yon [Rubi], pero tapos na namin ang taping ng buong series."

Sa Green Rose, na isa uling local TV adaptation ng sikat na Kore novela, ginagampanan ni Gardo ang papel ng isang opisyal ng kumpanya. Vice president ang character ni Gardo, at pumapangalawa sa posisyon ng tauhang ginagampanan ni Ricardo Cepeda.

"Si Ricardo yung presidente ng kumpanya, na daddy ni Anne Curtis," banggit ni Gardo, na itinuloy na ang pagkukuwento. "E, si Anne, nagtatrabaho din sa company na 'yon, pero she has to start from the bottom, sa rank-and-file. Gusto ng daddy niya, ma-experience muna niya ang mababang position to get to the top."

Ang leading man ni Anne sa Green Rose ay si Jericho Rosales.