This coming August, Face to Face, the show hosted by Amy Perez, will visit barangays to launch "Payo ng Bayan," which will give free legal, spiritual, and psychological counseling from the Trio Tagapayo.

Photo: Noel Orsal

Bilang host ng Face To Face ng TV5—ang nag-iisang talak-serye sa telebisyon na tumatalakay sa lahat ng uri ng problema, mula sa maliliit hanggang sa pinakamatitindi—aminado si Amy Perez na puno ng stress at pressure ang kanyang trabaho.

"Nakaka-stress din po...Kaya we want to tie up with the government talaga para malaman nila," ang kuwento ng host sa PEP (Philippine Entertainment Portal).

Dagdag pa niya, "Kasi, yung mga taong nakakaharap namin sa bawat episode, ito rin yung talagang totoo at tunay na tao na sana makaharap rin ng mga congressman, ng mga senador, para nakikita nila na ito talaga ang problema ng marami."

Ngayong nagiging popular na ang show. Ang next target nito ay maging mas proactive, hindi lang reactive, sa problema ng bansa.

Sa press conference ng show ni Amy kaninang tanghali sa Max's Restaurant, Roces Avenue, Quezon City, aniya, "Kailangan talaga ng napakaraming proyekto para sa mga mahihirap, na kailangan talaga ng trabaho para dun sa mga walang ginagawa, na sa idle time nila ay nagto-tong-its, nagsa-shabu diyan.

"Nakakalungkot talaga kasi nakikita namin yung totoong nakakalungkot na reyalidad talaga. 'Tapos maiisip mo na dapat mo pala talagang ipagpasalamat sa Diyos dahil nasa mabuti tayong kalagayan kumpara sa mga pinagdadaanan ng iba nating kababayan." 

NOT SCRIPTED. Sa kabilang banda, may mga kritikong nagsasabi na "scripted" umano ang drama na nagaganap sa Face to Face.

Pinanindigan naman ni Amy at ng buong staff ng show na tunay na tunay ang pagbubulgar ng mga problema, bangayan, awayan at minsan ay sakitan, sa bawat episode na ipinapalabas.

Paliwanag ng dating aktres, "Kahit kami at first, hindi namin alam kung bakit at paano nila nailalabas ang mga problema nila sa TV. Then, na-realize namin, ako personally, na kailangan nila ng venue para mailabas ang mga saloobin nila, ang mga problema. At kapag nandun na sila, kapag pinag-uusapan na ang mga problema, hindi na nila napapansin o iniisip na may kamera."

Hindi naman daw intensyon ng show na may magkasakitan o magmurahan ang kanilang mga guests. Nagkakataon lang na may mga nadadala ng matinding emosyon.

"Ang purpose talaga nila in being there ay masabi talaga ang mga problema nila, makausap nila ang Trio Tagapayo, mabigyan sila ng personal counseling. So if you'll watch the show, kung titingnan mo siya na may bugbugan at iyon lang ang titingnan  mo at hindi mo titingnan ang deeper aspect, hindi mo talaga maiintindihan ang purpose ng programa.

"If  people would look at it lang na nagbubugbugan, na nagsasakitan... Hindi, kailangan talaga na maramdaman mo how they feel, kung ano ang nararamdaman nila sa problema nila. Mare-realize mo na hindi sila nagpunta doon para magkasakitan o mag-away kundi para maresolba ang problema."

EXTRA BONUS. Sa loob ng ilang taon na rin niyang pagho-host, inisip na rin ni Amy na iwanan na ang telebisyon. Pero noong narinig daw niya ang konsepto ng show, hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang show. 

Sabi ni Amy, "Hindi naman, although sabi ko nga kay Tito Boy [Abunda, Amy's manager], nasa stage ako talaga ng buhay ko na gusto ko na talagang mag-retire. Kasi now I'm blessed with a very good and loving partner. Ito talaga ang matagal ko ng pangarap, to have a family, which I'm enjoying now."

Kumbaga, "extra bonus" na lang daw ito.