Marielle Corpus (middle) with fellow finalist Panky Trinidad (left) and former grand champion Jed Madela (right) at the WCOPA championship in Hollywood, California.

Photo: Courtesy of Annie Mercado

Nanalo ang pambato ng Pilipinas na si Marielle Corpus, 24, bilang Grand Champion Performer sa 14th Annual World Champions of Performing Arts (WCOPA) na ginanap sa Hollywood noong July 17 to 25.

Ang magandang balita ay galing sa isa sa manager ni Marielle na si Charie Vega. Ang isa pang manager ni Marielle ay ang tinaguriang Asia's Queen of Songs na si Pilita Corrales.

Si Marielle (Rose Marielle Mamaclay sa tunay na buhay) ay tubong  Cabanatuan, Nueva Ecija. Miyembro siya ng Philippine Team na nag-represent sa Pilipinas sa WCOPA noong July 2008 at nag-iisang Filipino finalist sa Senior Division.

Hindi nakapagtatakang magwagi si Marielle sa WCOPA dahil marami na siyang awards na nakuha, tulad noong 2008 na siya ang Gold medalist sa Female Vocal Broadway - age group 18-24; Gold - Female Vocal Contemporary - age group 18-24; Gold - Female Vocal Open - age group 18-24; Gold - Female Vocal Pop - age group 18-24; at Silver - Female Vocal Rock - age group 18-24.

Nabigyan din si Marielle ng special awards tulad ng Overall World Champion in Pop Category 16-24 at Overall World Champion in Open Category 16-24.

HER IDOLS. Bago siya tumulak sa U.S. last July 11, nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Marielle sa National Press Club sa Intramuros, Manila. Isa ang NPC president na si Mr. Jerry Yap sa tumulong at nag-sponsor kay Marielle sa WCOPA.

Dito'y nasabi ni Marielle na idol niya si Whitney Houston at sa local naman ay sina Lani Misalucha at Ms. Pilita Corrales.

"Kaya ko po idol si Lani, very soulful siyang kumanta, e," sabi ni Marielle. "Nakikita ko sa personality niya every time na kumakanta siya na enjoy siya sa singing. Plus, parang feeling ko ay kaboses ko siya kapag kinakanta ko ang mga kanta niya.

"Si Tita Pilita naman, isa siyang inspiration, e. Si Tita Pilita ang tagal-tagal na niya sa industry and kahit masama ang pakiramdam niya, kakanta 'yan, and I admire her for that. At saka parang hindi nagbabago ang boses niya, e."

Ano ang feeling niya na ang mga kababayang tulad nina Charice at Arnel Pineda ay kilala at hinahangaan na sa international music scene?

"Very proud po ako sa kanila at every time na pupurihin sila ng mga ibang lahi, feeling ko ay ako na rin 'yong pinupuri nila. At nakakatulong din kapag nalaman nilang Filipino ka, alam kasi nila na magagaling sa music ang mga Pinoy. Lalo na po kapag Finals na, kaya sana ay suwertehin ulit ako. The last time kasi ay ako lang ang Filipina sa Finals ng Seniors, e. So, talagang hindi ko kinanta 'yon para sa sarili ko lang kundi para sa Pilipinas din."

Dagdag niya, "And parang inspiration ko rin sina Charice at Arnel. I'm very proud of them talaga."

Gusto rin ba niyang sundan ang yapak nina Charice at Arnel?

"Opo, gusto kong maging tulad nina Charice at Arnel. Hindi naman po siguro imposible yun, kumbaga ay puwedeng pangarapin," sani Marielle.

 

Darating ng bansa si Marielle sa Huwebes, July 29.