"Noong mag-'I do' kami, natatawa kaming pareho. Halatang may kaba pero sinabi ko naman kay Mark na this is the happiest moment sa buhay ko ngayon," said Tanya. Laughing, Mark said, "Kaninang umaga pa ako kinakantiyawan ng mga kaibigan ko at ilang relatives namin. Huli na raw ito!" The couple have a two-year-old daughter, Mischa Amidala (in photo, center), and another one on the way.

 

Photo: Ruel J. Mendoza

Natupad na rin ang pangarap nina Mark Lapid at Tanya Garcia na makasal sila. Noong Friday, July 30, naganap ang civil wedding nila sa Marissa Hall sa Porac, Pampanga. Mismong ang mayor ng Porac na si Codralito dela Cruz ang nagkasal sa kanila.

Present ang mga magulang ng bride na sina Mr. and Mrs. Patrick and Cristina Lyttle, and ng groom na sina Senator Lito Lapid and Marissa, at iba pang kamag-anak at ilang malalapit na kaibigan.

Civil wedding muna ang naisip ng mga bagong kasal dahil nasa ikaanim na buwan na si Tanya sa kanyang pagbubuntis sa ikalawa nilang anak. Bago raw ito manganak ay gusto ni Mark na Lapid na ang apelyido ng dinadala ni Tanya. May isa na silang anak, si Mischa Amidala, na two years old na at ipinanganak ni Tanya sa Las Vegas, Nevada.

Ayon kay Tanya, simpleng civil wedding lang naman daw talaga ang gusto niya. Dapat nga raw ay gagawin ito sa garden ng bahay nila sa Porac, pero umulan kinagabihan kaya naiba ang plano.

"Baka maputik kaya naisipan na lang nila Mark na gawin na lang dito sa Marissa Hall ang civil wedding namin. Pero hindi ko inakala na ganito pala kalaki ang ginawa nilang paghahanda. As in, inaasahan ko ay ilan lang kami. Pamilya ko at kay Mark. Pero nakita n'yo naman, halos lahat ng family and relatives nila Mark ay nandito.

"Natuwa naman ako kasi nga isang special occasion ito para sa amin ni Mark and tama lang na i-share namin ito with them. Sila Mommy Marissa at ang mommy ko ang naging punong-abala sa lahat kaya I am so surprised. Pati si Mark, natuwa sa naging preparations kasi ang bilis na nagawa," nakangiting kuwento ni Tanya.

MARK SHOWS HE MEANS IT. Sabi ni Mark, matagal na raw niyang gustong matuloy ang kasal nila ni Tanya. Dapat ay ngayong taon ang church wedding nila, pero biglang nabuntis ulit si Tanya. Kaya civil wedding muna ang ginawa nila at sa April 2011 na ang kanilang church wedding.

"Tuloy iyon at nasa planning stage na," ngiti ni Mark. "Gusto ni Tanya na after niyang manganak [due sa November 2010], magpapa-sexy siya para maganda naman daw siya sa wedding day namin. Nakaplano naman na lahat talaga pero na-move lang namin."

Dagdag pa ni Mark na kaya nila ginawa na ang civil wedding ay para matapos na ang mga tsismis na baka wala raw siyang balak pakasalan si Tanya. Last year kasi ay nakuha na ni Mark ang annulment niya sa unang asawang si Yuri Park, kung kanino meron din siyang anak.

"Naawa kasi ako kay Tanya... Siya yung nagiging target ng mga intriga parati sa relasyon namin. Pero bilib naman ako kay Tanya kasi kinakaya niya ang mga sinasabi ng maraming tao sa kanya. Bilib ako sa patience at pagiging matatag niya sa samahan namin.

"Kaya ngayon siguro ay matatapos na ang mga pintas nila kay Tanya kasi nga, legally, Mrs. Mark Lapid na siya. Kahit na civil wedding pa lang ito, it's still official. Sana ay wala na silang masabing hindi maganda sa misis ko."

NERVOUS I DO'S. Sa naganap na civil ceremony, natatawa pareho sina Mark at Tanya dahil parang di sila makapaniwalang natuloy na ang matagal nilang pinapangarap. Pareho raw silang kinabahan sa pagsagot ng "I do" kay Mayor.

"Ang bilis kasi ng preparations na kelan lang namin pinag-usapan at pinlano. Nasa bahay pa lang kami, tinatanong ko na si Mark kung mabilis lang ba ang civil wedding ceremony? Ang alam ko kasi, iilang tao lang ang present dapat. Sinabi naman niya na gano'n nga at mabilis lang.

"Kaya noong sinimulan na, marami pa palang binasa at sinabi si Mayor. Parang church wedding na talaga. Kaya noong mag-'I do' kami, natatawa kaming pareho. Halatang may kaba pero sinabi ko naman kay Mark na this is the happiest moment sa buhay ko ngayon," ngiti pa ni Tanya.