"Ako naman, aaminin ko naman na money is one consideration. Hindi naman ako magpapakaplastik sa bagay na yun. Pero isa lang yun sa mga factors, may iba pang considerations," says Mr. Fu about his decision to leave Energy FM to transfer to a new radio station.

Photo: Glen P. Sibonga

Unang lumabas dito sa PEP Alerts! ang tungkol sa gagawing pag-alis ni Mr. Fu sa 91.5 Energy FM para lumipat at maging Star DJ (disc jockey) ng isang bagong radio station na ilulunsad ngayong Agosto. (CLICK HERE to PEP Alerts! page.)

Dahil marami na ang nagtatanong sa kanya tungkol dito, kagabi, August 3, nagsalita na si Mr. Fu sa showbiz program ng Q-11 na Tweetbiz para kumpirmahin ang balita.

"Unang-una, nasa Energy FM pa po ako. Pero it's true that I'm leaving my radio show any time, I don't know kung ngayong linggo o next week. Pero definitely iiwan ko na po yung radio show ko sa Energy FM para po simulan ang isang bagong istasyon," pagsisiwalat ni Mr. Fu.

Bago pa naging isa sa main hosts ng Tweetbiz si Mr. Fu ay una siyang nakilala bilang DJ sa radio station na Energy FM, kung saan siya nag-stay for two and a half years. Dito nga pinasikat niya ang mga katagang "May ganun!"

Nakapagpaalam naman daw siya nang maayos sa Energy FM.

"Nakapag-usap naman po kami ng Energy FM at naintindihan naman nila yung mga rason ko. At ginagawa ko ito dahil gusto kong mas magpaligaya ng mas maraming tao, di ba? Very bold itong decision ko. This is a risk pero ganun naman talaga ang buhay, di ba?" pahayag ng radio and TV host.

Inihalintulad pa ni Mr. Fu ang kanyang desisyon sa pagsali sa isang beauty contest na ang main goal ay makuha ang korona.

"Lagi kong sinasabi sa desisyon natin sa buhay, parang beauty contest 'yan. Sumasali ka sa beauty contest para makuha yung korona, hindi para maging runner-up. Hindi ka sumasali sa beauty contest para for the sake na sumali pero dahil gusto mong manalo. So, sa desisyon ko sa buhay, naniniwala ako na panalo ako. Kung hindi man ako manalo, next. Ganun lang naman, e. It's the next principle."

Ang main reason daw ng kanyang paglipat ay gusto niyang maging "bolder" sa mga gagawin niya sa kanyang buhay at gusto niyang mag-evolve as a DJ.

"Kasi, ayokong dumating sa point na mawala yung flavor ko bilang Mr. Fu. So, gumagawa ako ng mga paraan para lalo pang mag-evolve yung character ni Mr. Fu," paliwanag niya.

HARD DECISION. Sa isang bahagi ng kanyang pagsasalita ay hindi naiwasang maging emosyonal ni Mr. Fu nang ipahayag niya kung gaano siya nahirapan sa pagdedesisyong iwan ang kanyang kasalukuyang radio show.

"Napakahirap na desisyon nito, promise. Eto ha, lagi kong sinasabi na when you're not happy, leave. But with this one, I am happy. But I just have to leave. But I am happy. I am happy with Energy FM. But I have to leave because of future plans sa buhay. Yun lang talaga," sabi ni Mr. Fu habang tumutulo ang kanyang luha.

Siyempre, hindi nakalimutang magpasalamat ni Mr. Fu sa Energy FM.

"I am very thankful sa Energy FM because doon ako nagsimula, doon ako nakilala. Maraming salamat sa Panga. I will always be Panga. Yun lang."