"Diyos ko naman, matang-mata pa lang ni Wendell [inset], gising na gising ka na! Pag naghubad pa siya, Diyos ko, gising na gising ka na, para kang nakadroga! Puwede kang mag-general cleaning sa sobrang gising!" gushes the latest Comedy Queen.

Photo: Noel Orsal

Sa ginanap na presscon kahapon ng pinakabagong comedy series ng GMA-7 na JejeMom sa 17th floor ng GMA TV Complex, naitanong sa bida ng show na si Eugene Domingo kung ano ang masasabi niya tungkol sa bansag sa kanya ngayong Comedy Queen, at di kaya pag-umpisahan ito ng gap nila ng original (Concert) Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas?

"Una po sa lahat, nagpapasalamat ako dun sa mga title... yung mga queen, yung mga ganyan-ganyan. Pero sasabihin ko po, mula sa aking puso, okay na po ako na tawagin bilang artista.

"Artista, okay na okay na po ako kahit na wala nang mga title... Ako po ay isang artista and I am blessed that I am a working actor and that I am given a chance to do different roles and different kinds of work bilang artista.

"Yun pong kay Ms. Ai Ai delas Alas, wala po kaming problema kasi kaibigan ko siya talaga. So tungkol dun sa mga queen-queen, wala po tayong isyu diyan," nakangiting pahayag ni Eugene.

"Dun sa tanong kung bakit uso yung pagmumukha ko... pagmumukha talaga! Ha! Ha! Ha! Siguro dahil sa ibinigay sa akin na break ng Spring Films na Kimmy Dora, medyo napatingin sa akin ang mga tao at ibang producers at  nakumbinsi na, 'Aba, masipag naman pala itong artistang ito, subukan nga natin!'

"So nagpapasalamat ako sa lahat ng mga sumusugal, lalung-lalo na dito sa GMA na binibigyan ako ng iba't ibang klase ng palabas. At ako naman e nangangako na sa abot ng aking makakaya ay magampanan ko ang ibinibigay nilang trabaho."

OVEREXPOSED. Bukod sa JejeMom, na mapapanood na sa Sabado, August 14, pagkatapos ng Kaya ng Powers, may pelikula rin si Uge (tawag kay Eugene) na Mamarazzi ng Regal Entertainment, Inc. na ipapalabas naman sa August 25. Napapanood rin siya regularly sa Whatchamakulit ng Siyete. Hindi ba siya natatakot sa overexposure?

"Sa totoo lang siyempre sumasagi sa isip ko 'yan, ano. Kasi, 'Aba ang dami kong ginagawa! Baka naman wala na silang nakikita kundi ako!' Kasi kung ako man yung nanonood ng TV at ako nang ako, baka itapon ko rin yung TV, di ba? Kasi paggising ko, nakita ko na yung sarili ko sa salamin, nakita ko pa sa TV. Di ba nakakainis na yun.

"Pero iniisip ko rin na iba't iba naman  ang ibinibigay sa aking papel, at hindi naman iisang istasyon lamang ang pinapanood ng tao. Maraming-marami kasing TV stations ngayon, sa cable at sa local TV. Andami-daming kumpetisyon sa sine, Hollywood, world cinema, lahat-lahat na. Sa tingin ko kung iba't ibang audience naman ang target mo at iba't ibang look ang ipinapakita mo, iba't ibang genre ang ginagampanan mo, malayu-layo naman siguro tayo na mapunta sa overexposure."

THE WENDELL EFFECT. Nakatrabaho na ni Uge sina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo sa Kimmy Dora at si Diether Ocampo naman sa Mamarazzi. Paano naman niya ide-describe si Wendell Ramos na leading man niya sa JejeMom? Una niyang nakatrabaho si Wendell sa SRO Cinemaserye Presents Hot Mama.

"Bago ako mag-shooting ng Hot Mama, talagang patay na patay na ang dugo ko, yung dugo ng pagkababae ko, ganun. So nung nakaeksena ko siya sa Hot Mama, ginising niya ang dugo ng pagkababae ko, iyon yun, iyon na lang yun."

Pero ayon kay Uge, hindi naman sa pinagpapantasyahan niya si Wendell.

"Hindi kailangang pagpantasyahan kasi parang magkaibigan naman kayo, so hindi na kayo aabot sa ganung klaseng pantasya pa. Basta si Wendell Ramos, kung meron man tayo na isipin na perfect lover boy, siya yun!"

Paano ginising ni Wendell ang dugo niya?

"Diyos ko naman, matang-mata pa lang ni Wendell, gising na gising ka na! Pag tiningnan ka ni Wendell Ramos sa umaga, yun na! Pag naghubad pa siya, Diyos ko, gising na gising ka na, para kang nakadroga! Puwede kang mag-general cleaning sa sobrang gising, yung ganun! Ay, Diyos ko, yung ganun, oh!"