"I'm happy for them! I hope that they have a blessed marriage."
Ito ang sabi ng Pop Diva na si Kuh Ledesma nang kunin namin ang kanyang reaksiyon sa nalalapit na pagpapakasal ng singer na si Regine Velasquez at ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid, na parehong kaibigan niya.
Nakausap namin ang singer-actress sa taping ng kinabibilangan niyang primetime series sa GMA-7, ang Endless Love, kahapon, August 11, sa Trinoma Mall sa Quezon City.
Sa tingin ba niya ay long overdue na ang pagpapakasal nina Regine at Ogie?
"Ang Diyos lamang ang nakakaalam," sabi ni Kuh. "Alam mo, pagka in terms of mga kasal, mga ganyan, Diyos lang talaga ang nagpaplano niyan, e. Pero kung ina-allow naman ng Panginoon, we should be happy for them, and wish them the best, di ba?"
KONTRABIDA ROLE. Sa Endless Love ay ginagampanan ni Kuh ang role ni Mrs. Tantoco, ang ina ni Andrew (Dennis Trillo). Paano siya nakumbinsi na umarte muli sa harap ng kamera?
"Naku, yung mga tao ko sa...my friends and my people in the office, 'Sige na, Ma'am, umarte ka na ulit!'" banggit ng Pop Diva.
Huling napanood bilang artista si Kuh sa teleseryeng Bituin (2002-2003) ng ABS-CBN. Pero nakagawa na rin siya ng ilang pelikula, kabilang na ang Tinimbang ang Langit, Oro Plata Mata, at ang Hollywood film na The Year of Living Dangerously. All these films were shown in 1982.
Bago tinanggap ni Kuh ang Endless Love ay nabasa na raw niya ang script.
"Yung ano, synopsis, pero hindi ko alam na ganun pala ka-mataray!" natatawa niyang sinabi tungkol sa kanyang role. "Ayokong maging maldita, 'no! Mukha na nga akong ano, mataray, e."
Anong klaseng ina ba ang ginagampanan niya rito sa Endless Love?
"Kailangan susyal!" tawa ng Pop Diva. "Kasi mayaman, e.
"Ako naman, mukha naman talaga akong mayaman kahit naka-jeans lang, e," muling natatawang sabi ni Kuh.
Pero ayaw raw niya na maging masyadong salbahe onscreen.
"Ayoko na nga, e. Sabi ko nga, sukdulang ano naman, ang taray na nanay, ayoko na! Kasi, di ba, yung mga... Naalala ko kasi yung kuwento ng lolo ko, e. Si Rosal Rosal, sobra daw yung pagka-real ng...at saka sobra yung pagkamasama niya [sa pelikula], di ba? Sabi ng lolo ko, binabato daw 'yan dati. Oo!"
Hindi pa ba niya na-experience na mabato?
"I hope I never experience!" tawa niya.
If ever mangyayari 'yon, pagpapatunay na mahusay siyang kontrabida.
"Sabi ni Otep [Joseph Buncalan, executive producer ng Endless Love], 'Naku, intelligent na ngayon, kahit ang mga masa.' Sabi ko, 'Of course they take that seriously.' Di ba?"
TONE DOWN THE EVIL. Nag-suggest daw si Kuh na bawasan ang kanyang pagkasalbahe sa show at pinagbigyan naman siya.
"Oo naman. Kasi sabi ko, hindi na ako dadating sa set!" tawa niya ulit. "Hindi, totoo! Sabi ko, 'Sabihin ninyo, nasagasaan na si Jackie Tantoco! O kaya inatake sa puso! Kumuha na sila ng...yung auntie na lang ni Andrew.'"
Kahit nga raw ang kanyang anak na si Isabella ay napanood ang kanyang pagganap sa Endless Love.
"Oo, sabi ng anak ko, 'Mom, next time, don't take roles like that.'"
May redeeming value ba ang kanyang karakter?
"Sabi nga, sa ending daw yata. Sabi ko, 'Promise, ha?'"
Sa next project niya, gusto ni Kuh na mabait naman siya.
"Hindi, ang gagawin ko, iba-blackmail ko sila, sasabihin ko, 'Hindi ako dadating, mag-sign ka muna dito, bigyan mo ako ng role na mukhang mabait!'" natatawa niyang sabi.
Patuloy pa ni Kuh tungkol sa papel niya as Mrs. Tantoco, "This is a challenging role. Sa akin kasi, mas interesting kung ang script ay hindi naman sukdulang masama yung sinasabi, pero nasa emosyon lumalabas yung, alam mo yun, yung kasamaan. Na puwedeng may pagka-fake.
"Di ba, ganun ang mga mayayamang masama ang ugali, akala mo ang bait-bait? Iyon ang real, e, di ba? The real matatarays don't show it. Meron naman talaga na mababaw na matataray na talagang nakataas ang kilay lagi, mababaw yun, e. Di ba, because they're so insecure they have to make taray to impress na 'Mayaman ako!' Di ba? Iyon yung mga biglang yaman. Pero yung mga nandun na, na old rich, you won't even feel, e, di ba? Very charming, pero pag-uwi, nagbabasag talaga...'yon."
Dagdag niya, "Actually, I hate the character in this ano, palabas. This is the kind of... Kasi ako, I experienced that. Hindi naman ako ipinanganak na mayaman, e."
May nang-api na rin daw sa kanya noon.
"In my past, I've experienced that. And in all subtleties, ha, pero alam mo matapobre yung tao, di ba?" sabi niya.
She hates the character, pero paano niya ito nagagawa?
"Aba'y, e, di nilalabas ko lahat yung mga kasamaan. Ganun lang naman talaga yun, e."
Paano niya aapihin si Marian sa Endless Love? Sa kuwento kasi, hindi niya gusto para sa anak niya si Jenny dahil mahirap lamang ito.
"Iyong gagawin ko, very subtle lang. Para akong nakikusap na 'Hindi kayo bagay!' I'm the kind matapobre...kuno. Educated matapobre, pero nakikiusap."
CLASSIC BEAUTY. Isa sa maituturing na "classic beauty" si Kuh. Ano kaya ang kanyang sikreto?
"The Lord, really, the Lord!" sagot ng Pop Diva.
Miyembro ng religious group na Christ Commission Fellowship (CCF) si Kuh.
"Iyong peace na ibinibigay ng Panginoon na ano, yung alam mo, deep inside, kahit may challenges ka, hindi ka nasa-shock, hindi ka nara-rattle because you know it's only a test, it's only a challenge to strengthen your character, para mapalapit tayo sa Panginoon. Pero we know that He's always there.
"Na, yeah, everything will come to pass, ibig sabihin... May promises ang Bible, e, thousands ang promises ng Bible. One is yung very common, 'I will never leave you or forsake you.' Iyon yung kailangang hawakan mo, pero kailangang maging obedient ka kay Lord. Then, in all your trials, alam mo nandiyan si Lord.
"Pag hindi, pag meron tayong kasalanan, ang tagal-tagal nating pinagdadasal yung mga tests natin, yung mga pagsubok, hindi nasasagot. Ang tagal nating naghihintay ng answer kasi naghihintay ang Panginoon na humingi tayo ng patawad doon sa mga kasalanan natin. Kaya dapat obedient.
"Kaya tingnan mo, wala akong BF, kaya forever youthful," muling tumawa ang Pop Diva.
Kahit ang siyensiya, wala raw kinalaman sa ganda ni Kuh. Ibig sabihin, hindi siya isang 'Salamat po, doktor!' beauty—walang niretoke o in-enhance sa kanya.
"Ay, wala!" bulalas niya.
