When Startalk asked Edu Manzano how his son Luis Manzano feels about him working for a rival network, Edu joked, "Hinding-hindi kokontra sa akin 'yan dahil, unang-una, doon siya nakatira sa bahay ko...."

 

Photo: Noel Orsal

Nagbabalik sa GMA-7 si Edu Manzano via the game show Asar Talo Pero Laging Panalo.

Ipinalabas sa Startalk kahapon, August 14, ang naganap na pagpirma ng kontrata ni Edu nitong nakaraang Miyerkules, August 11, kasama ang manager niyang si June Rufino.

"Galak na galak kami," sabi ng presidente ng GMA Network na si Atty. Felipe L. Gozon, sa pagiging Kapuso uli ni Edu. Aniya, "He is very good, not only as a host but as an actor also. We are glad to welcome him back."

Ayon naman kay Mr. Jimmy Duavit, executive vice president, "Malaking halaga ang maidadagdag ni Edu sa mga programa natin, so madaling sabihin na mas mapapaangat pa ang antas ng maihahandog nating mga programa sa mga Kapuso."

Kuwento ni Ms. Wilma Galvante, senior vice president for Entertainment TV, noong pinag-uusapan daw ng creative team yung konsepto ng show, "sabi ko kay Jimmy Duavit, 'You know the best dito is si Edu, e.' We developed the concept and we gave it to him... Nung first meeting naupo na siya, nag-contribute na siya ng kanyang mga ideas."

Ipalalabas sa Setyembre ang bagong game show.

BIGGER AND BETTER THINGS. Pero hindi ba nakapagbitiw noon ng salita si Edu na matapos ang May 2010 elections, win or lose ay ayaw muna niyang bumalik sa showbiz?

"Tinanong  sa akin kung babalikan ko ba ang programang iniwan ko, and I said hindi na. For one, sabi ko hindi ko na kayang sumayaw. I'm turning 55 years old and I feel I can do bigger and better things. I think it's time that we all think hard in nation-building."

Tinanong rin ng Startalk si Edu Manzano kung suportado ba ng kanyang anak na si Luis ang kanyang pagbabalik sa Kapuso network.

"Hinding-hindi kokontra sa akin 'yan dahil, unang-una, doon siya nakatira sa bahay ko, kaya kung kumontra yun, palalayasin ko siya sa bahay ko," sabi ni Edu na kilalang palabiro.

Bakit siya bumalik sa GMA?

"You know, ganun ang buhay natin ngayon, e, kung saan may oportunidad, dun pupunta ang tao. 'Pag binigyan ka ng magandang pagkakataon, pagbutihan mo. You know in this industry, bibihira ang tao na mula sa isang lugar at doon na ang katapusan, dahil we all have to grow."

NO SECOND THOUGHTS. Ang aktres na si Maricel Soriano ay nagtrabaho recently sa GMA-7 via Pilyang Kerubin. Willing ba si Edu na makatrabaho ang dati niyang asawa?

"I have no second thoughts about working with any of my past co-stars," sagot niya.