Dalawang beses pinalakpakan si Fanny Serrano ng mga nanood sa gala premiere ng Tarima noong Sabado ng gabi, August 28. Masigabo rin ang palakpakan sa isang madamdaming eksena ng newcomer na si Rocky Salumbides. Gumanap ang dalawang aktor bilang gay lovers na mayroong eksena ng mainit na pagtatalik sa "tarima"—isang maliit na silid sa loob ng bilangguan.
Ginampanan ni Fanny ang papel ni Roselo, isang middle-aged homosexual, na nasa pag-aaruga ng kanyang istrikta at matapobreng Lola Imang, na buong husay ring ginampanan ng veteran actress at 1950s movie queen na si Ms. Gloria Romero. Gumanap naman bilang matandang yaya ni Fanny ang premyado ring veteran actress na si Rustica Carpio.
Ginanap ang unang malaking screening ng independent film na ito ni direktor Neal Tan sa Tanghalang Nicanor Abelardo (Main Theater) ng Cultural Center of the Philippines (CCP), sa Pasay City.
Hiningan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng ilang pananalita si Fanny matapos ang screening ng pelikula. Halos walang pagsidlan ang kagalakan niya dahil sa natamong pagtanggap ng mga nanood.
"Before nag-start yung premiere night, hindi ko na gusto yung feeling ko," sabi ni Fanny. "Hindi pala maganda yung excited ka, na nanlalambot ka, gutom ka, nanlalambot ang tuhod mo... Yung sinasabi palang mixed emotions, ito pala 'yon! Hindi ko feel! Ayoko ng ganung maramdaman uli.
"Pero pinakamaganda talaga yung after, yung naglalabasan na ang mga tao, na may biglang yayakap sa 'yo, na nagpapahid ng luha... Yun bang, haping-happy sila!
"Tapos, yung ibang matataray, na alam kong hindi mahilig sa Tagalog [movies], thank you daw for inviting them. Kumbaga, 'wow'! Ito yung mga tao na...yung heartfelt comments nila, mararamdaman mo. At hindi lang dialogue na binitiwan, kundi makikita mo yung hitsura nila, nakakatuwa.
"Pati mga celebrities na dumating...mga direktor at mga straight na lalake, biglang lalapit sa 'yo, magpapahid ng luha. So, yun ang pinakamaganda kong feelings na naramdaman. Wow!" tuwang-tuwang paglalahad ni Fanny.
LEADING MAN. Natuwa ang manonood sa sinabi ni Fanny nang magsalita siya sa entablado ng CCP Main Theater. Aniya, nagpapasalamat siya kay Eula Valdes dahil pumayag itong maging "leading man" niya si Rocky.
"Sa five-minute love scene namin, naramdaman kong ako si Eula Valdes!" biro ni Fanny.
Higit sa kasiyahan na naramdaman nang palakpakan ng manonood ang pagganap niya, siya ring damdamin ni Fanny para sa co-star na si Rocky.
"I'm happy, even si Rocky, pinalakpakan," sabi ni Fanny. "Yung mga tao, hindi nila itinago yung naramdaman nila."
Ang pasasalamat niya nang taos-puso rin para sa direktor na si Neal Tan ay isinatinig ni Fanny.
"Ayoko sanang gawin ang Tarima dahil hindi ko siya kilala. Pero nang makilala ko at makatrabaho ko siya, yun na ang simula ng totoong pagkakaibigan namin," saad niya.
Sa pagtanggap ng mga manonood, napatunayan ni Fanny na sadyang emotional ang mga Pilipino, na nakaka-relate sa napapanood nila, lalo't tungkol sa mga ugnayang personal ang kuwento.
"Ay, ngayon, parang mahihirapan ako sa kasunod kong gagawin. Kung paano... Sana, ma-duplicate lang, di ba? Pero siyempre, mag-e-expect ang mga tao na higitan pa 'yan."
CELEBRITIES IN ATTENDANCE. Napuno ang CCP Main Theater sa ginanap na premiere night. Mahigit isang libo ang seating capacity niyon, na dinaluhan ng maraming kaibigan nina Fanny at Direk Neal at iba pang kasama sa cast ng pelikula na halos kumpleto ang attendance.
Bukod kina Fanny, Rocky, Gloria, at Rustica, nasa event din sina Chokoleit, Oskar Peralta, Tita Swarding, Alvin Fortuna, Ana Capri, Cloyd Robinson.
Nasa grupo din ang umawit ng theme song ("Napapagod Din Ang Puso"), si MJ Ringor, na tuwang-tuwa sa naging pagtanggap ng manonood at iba pang taga-industriya sa una niyang ni-record na kantang ginamit sa pelikula. Gano'n din ang mga producers, sina Gregorio Recuerdo III at Rey Maclangng Blue Gold Productions. Unang pelikulang iprinodyus ng indie outfit ang Tarima.
Kasamang um-attend ni Rocky sa Tarima premiere ang actress-girlfriend na si Eula Valdes. Dawn Zulueta came with Philippine Star columnist and former model Joanne Zapanta-Andrada; actress-beauty queen Maria Isabel Lopez with daughter Mara; Vivian Velez with her escort, a foreigner.
Ang iba pang celebrities na namataan ng PEP ay ang mga direktor na sina Maryo J. de los Reyes, Joel Lamangan, Mel Chionglo, Gil Portes, Maning Borlaza; mga datihang aktor at aktres na magka-comeback, like Divina Valencia, Julie Ann Fortich, Bella Flores, Romano Vasquez, at Lara Melissa de Leon.
Dumalo rin sa premire night ang mga fashion designer-friends ni Fanny, tulad nina Rene Salud at Christian Espiritu; ang naka-wheelchair na si Justo C. Justo at mga kasamang kabilang sa Golden Gays at iba pang gay communities, at marami pang ibang manonood na kabilang sa industriya ng pelikulang Pinoy at moviegoing public na naimbita sa premiere night.
Sa ikatlong linggo ng Setyembre naitakda ang regular theater run ng Tarima.