Hindi maitatanggi na pagdating sa pagganap ng gay o drag queen roles noong '80s, nangingibabaw ang husay ni Roderick Paulate. Pero sa bagong comedy miniseries ng TV5 na Lady Dada, na pinagbibidahan ni Ryan Agoncillo, for a change ay lalaki naman ang character ni Roderick.
Sa nasabing show, na magsisimula na sa September 8, gumaganap na drag queens sina Ryan at Keempee de Leon. Si Keempee ay talagang ganoon ang trabaho sa istorya, samantalang si Ryan ay isang straight guy na may anak na lalake. Pero dahil sa circumstances, kinailangang magtrabaho ng character ni Ryan bilang bading o drag queen sa comedy bars.
Looking back, nauna na sa ganitong genre o roles ang bagong halal na Quezon City councilor na si Roderick.
Sa presscon ng Lady Dada sa Ratsky Tomas Morato, Quezon City noong August 27, natanong ng press si Dick kung sino ba ang napipisil niya between Keempee and Ryan na susunod sa kanyang mga yapak sa pag-atake ng ganitong roles?
"Ang hirap [magsalita], kasi wala pa naman akong napipisil sa kanila!" natatawang simula ni Dick. "Papisil nga muna!
"Actually, mahirap, e. Eto ha, diretsong paliwanag... Kasi nung time ko, diretso rin naman ang paggawa ko ng gay roles. Kumbaga, habang pinagkakakitaan ng Regal [ang mga pelikula ko], bira nang bira.
"And hindi ko alam si Ryan kung itutuloy niya 'to, e. I think, isa lang ito sa ginawa niya. At marami pa siyang gagawin pang iba. Si Keempee, hindi ko rin alam kung ano ang direksiyon niya sa career niya. Hindi ko alam kung ano ang gusto niya. Yes, magaling sila sa roles nila dito. Kaya lang, hindi ko alam kung tatahakin nila o gagawin nila itong dire-diretso. So, mahirap.
"Kasi, yung sa akin, dire-diretso, e. Kumbaga, kinarir ko talaga na habang sinasabi ni Mother [Lily Monteverde, Regal producer], 'Gawa ka pa, gawa ka pa,' tuluy-tuloy ang projects ko noon.
"Sa kanila [Ryan and Keempee], hindi ko alam. Pero in terms of... Or kung pag-uusapan natin, e, talent, I think you should really watch this. Kasi kagabi lang [sa taping], pag puyat kami, ang pinag-uusapan namin yung... Habang pinapanood ko sina Keempee at Ryan, nag-flashback kami ni Direk Ga [Dante Nico Garcia] ng '80s ko, nung ginagawa ko yung ginagawa nila. Ang laki ng pagkakaiba. Para sa akin, upgrade. Pati yung production design, pati yung execution, pag-atake niya sa mga eksena.
"Sabi ko, kung ganito ang atake, parang puwede ko pa ring gawin sa susunod kong pelikula. Kasi, humanga ako... Kailangang mapanood n'yo, e. Si Ryan, hindi kasi ito ang role na sinasabi nating gay na nag-perform, e. May rason ang performance niya na ginawa niya dito sa Lady Dada.
"May pinapanggalingan na dahilan kung bakit niya ginawa yun, at sangkot ako doon. Di ko alam kung ako nga ba ang nagtulak sa kanya para magawa niya yun. So, hindi lang basta ito nagpapatawa sila o nagpe-perform sila, e. Maganda yung pinanggagalingan ng istorya. Na kung bakit naudyukan at bakit kailangan niyang gawin ito is para sa pamilya niya.
"Pero pagdating sa talents nila, wala kang itulak kabigin. They're very good."
Hindi ba siya nanibago sa role niyang lalaki this time? Hindi ba siya "nainggit" kina Ryan at Keempee sa roles ng mga ito na dati niyang ginagawa sa hit comedy films niya?
"Hindi naman. Feeling ko, dati naman akong lalaki," biro ni Dick. "Hindi naman. Kasi, gumagawa din naman ako ng ganito, pero hindi naman nawala yung mga pagganap ko ng mga tatay, like sa MMK (Maalaala Mo Kaya). Usually, pag napapanood n'yo ako sa MMK, either tatay or kapatid na lalaki ang roles ko, di ba?
"Kasi, nasanay naman ako sa era o sa period ng show business noong '60s, bata pa naman ako noon, na dapat lahat, ginagawa mo. So, yung training na yun, hanggang ngayon, dala-dala ko. Talagang binanggit ko '60s, 'no? Bata pa naman po ako noong '60s as child star!" natatawa niyang sabi.
Patuloy niya, "Ang itinuro sa amin noon, kung ano ang dapat na gawin ng isang artista. Na kung ano ang required production sa role, dapat, kaya mong gawin. 'Andoon pa rin ako. Dala-dala ko pa rin yun."
NEXT FILM. Kumusta naman ang plano niya for his next film? Magkaka-sequel pa ba ang blockbuster indie film niyang Ded Na Si Lolo, na siyang na-consider upang i-represent ang Pilipinas sa Oscar Awards last year?
"Hindi na gagawin ang Part 2 ng Ded Na Si Lolo," sabi ni Dick. "Kasi, nung pinag-aralan namin ni Mr. [Tony] Tuviera [of APT Entertainment, producer ng pelikula], natatakot kaming hindi nito malagpasan ang original.
"Kasi, pinag-usapan na namin ni Soxie [Topacio, director of Ded Na Si Lolo] yung mga sequences, e. Parang kulang na. Wala na kaming maisip, na nangyayari sa lamay, nandoon na talaga... Yung Pa-Siyam, parang ginawa ko ring movie yun, e. Anyway, may ibang plano na gagawin."
Dagdag niya, "Tapos, dito sa Lady Dada, gusto ko yung ginagawa ko ngayon, nape-phase ako ginagawa kong pambabading. Binibigyan ko lang ng gap. Pero hindi ibig sabihin na hindi ko na gagawin. Gagawin ko pa rin."
PETRANG KABAYO & VICE GANDA. Natanong din si Dick ng kanyang reaksiyon sa pag-remake ni Vice Ganda ng kanyang Petrang Kabayo bilang launching movie nito, under Viva Films, directed by Wenn Deramas.
"Okey!" bulalas niya. "Ako, feeling ko, nung una kong nalaman 'yan, nandoon ako sa...parang awards night yun, e. Sinabi na sa akin, ginagawa na raw ni Vice Ganda.
"Para sa akin, di ba, dapat matuwa ako na may magre-remake ng pelikula ko? At the same time, alam naman nating yung show niya [Showtime] is doing good. At may talent, magaling si Vice Ganda. Of course, may nag-relay sa akin ng message nung sinabi niya na 'wag sanang i-expect ang ginawa ko doon sa Petrang Kabayo 1.
"By the way, ha, baka hindi n'yo lang po alam, baka ang alam lang ni Vice Ganda, e, isang beses lang ang Petrang Kabayo. Dalawa po. Yung pangalawang Petrang Kabayo, kasama ko si Keempee. So, Petrang Kabayo 1 ay sa Regal. Petrang Kabayo 2 ay Viva. So, itong gagawin ni Vice ang pangatlo," pagpapaalala ni Dick.
Dagdag niya, "I'm hoping na maging maganda naman ang resulta. Dapat naman, gano'n. Kasi ngayon, ang daming mga bagong artista. Tapos, ang ire-remake pa niya ay movie ko pa. I feel honored na mapansin nilang gawin uli ang pelikula... Ang gusto ko rin sana, may gumawa rin ng Kumander Gringa."
Sinagot naman siya ng press na gagawin na rin ang remake ng 1987 film niyang ito with John "Sweet" Lapus reprising his role.
"Joke!" nagulat na reaksiyon ni Dick na hindi makapaniwala.
Obviously ay hindi pa aware ang konsehal sa planong ito ng Regal Films kay Sweet. May nagsabi ring malamang na "inspired" lang ng kanyang Kumander Gringa ang launching movie na gagawin ni Sweet sa film outfit ni Mother Lily.
"Sana lang may gumawa rin ng Bala At Lipstick!" tawa ni Dick. "Tinodo na, 'no? Masaya ako. Ako, papanoorin ko lahat 'yan."
Hindi ba siya nasabihan formally ng production na may magre-remake ng Petrang Kabayo niya?
"Na-inform ako," sagot ni Dick. "In fact, tumawag sa akin si Direk Wenn. Sabi niya, kung pupuwede akong mag-guest. That time, it was after the campaign. Ang sabi ko lang, 'wag na muna kasi kakatapos ko pa lang ng Ded Na Si Lolo. And at the same time, bago niya ako tinawagan, nakapangako na ako sa isang indie director [Jade Castro of Endo and My Big Love] na tutulong ako sa isang bagong artista [Mart Escudero].
"I think, narinig n'yo na rin yung Patayin sa Shokot si Remington. So, ang feeling ko lang, since ginawa ko yun, nangako ako sa kanila, e, na after elections, manalo-matalo, tutulungan ko sila, sasali ako dun.
"So, pagkatapos noon, ginawa ko na ang Remington... E, biglang tumawag si Wenn. Sabi ko, 'Wenn, masyadong dikit-dikit na, sorry.' Gusto ko talaga. Kasi from Ded... tapos tumanggap na ako ng Shokot... Tapos, may gagawin pa kami ni Maricel [Soriano], na gano'n din.' Sabi ko, pahinga muna. Naintindihan naman ni Direk Wenn," kuwento ni Dick.
REMAKE OF HIS FILMS. Ano ang masasabi ni Dick na nire-remake na ang kanyang movies after 20 years?
"Nakakatuwa. Tuwang-tuwa ako siyempre," sabi niya. "Katulad ng sinabi ko, pag ni-remake ang pelikula mo... Parang pag sinabi mo, halimbawa, ire-remake ang pelikula ni Ronnie Poe, ni Vilma Santos, ni Nora Aunor, pag ginagawa mo yun, siyempre honored ka, di ba?
"Tapos ngayon, ire-remake ang movies ko. E, siyempre, ang feeling, elated, honored, proud. Wow, inuulit ang pelikula ko, di ba? Noong panahon namin na pag sinabing gumagawa ka ng Part 2 ng movies ni Ronnie Poe o Joseph Estrada, wow! Di ba? 'Sino'ng gaganap?' Gano'n ang excitement, di ba?" sabi ni Roderick.
Ano ba ang kaibahan ng pagpo-portray ng gay roles noong panahon niya ('80s) sa panahon ngayon, 20 years later, sa mga napapanood niya sa movies and TV?
"Well, para sa akin, noong '80s, number one ang language. Iba yung gay lingo or yung swards speak. Iba yung lengguwahe. In fact, dun sa mga gagawin kong pelikula ngayon, required na akong mag-research.
"Kasi, ang alam ko pa, e, yung mga 'tsuk-tsak tienes, tsugi-kaines.' E, hindi na gano'n ngayon. So, malaking research yun. Marami nang bagong lengguwahe—mga 'chorva' na and 'kemberly.' Diyan ako kulang, honestly.
"In fact, during the time na gumagawa kami ng movies ni Maricel, lagi kaming nagpupunta ng salon ngayon, parlor noon. Doon kami kumukuha ng mga pointers na uso ngayong lengguwahe," kuwento niya.
MOVIE WITH MARICEL. Going back sa new movie na gagawin ni Dick with Maricel, ano nga ba ang kumpirmasyong matutuloy ito?
"Sana matuloy," asam ni Dick. "Ako, gusto ko yun kasi gagawin yun sa Italy. Si Soxie uli ang gagawa. Si Marya at si Petra sa Italya ang title.
"Na-conceive ito nang nasa isang international filmfest ako, attending Ded Na Si Lolo, kasama ko si Soxie. Napag-usapan na, 'Gawa na lang tayo ng Maricel movie.' Sabi ko, 'Masaya 'yan. Kaso, kung gagawa ako ng pelikula, gusto ko sana, sa abroad!' Biro lang yun, na gusto ko abroad.
"Hanggang sa nakarating kay Mr. Tuviera, at sabi niya, 'Sige, gawin sa Italy!' Suggestion ko na gawin sa Italy para masaya, e, kinol ni Mr. Tuviera. Yun pala, dream din ni Mr. Tuviera na makagawa kami ni Marya.
"Kaya lang, ayun, bumabalik kami sa Ded Na Si Lolo, kailangan, mas okay. Paulit-ulit ang pag-revise namin ng script ni Soxie. Dapat September, naging October, ngayon ay November na.
"Ang isa pa naming naging problema ngayon, permit sa Italy. Mahirap kumuha ng permit. Gagawin namin sa isang lake sa Milan. Doon gagawin, so nahihirapan pa sa permit."
Basically, ano ang characters nila sa new movie?
"Magkaibigan. Si Marya ay hinahanap ang nanay niyang OFW sa Italy. Nag-caretaker siya para makapunta siya doon. Ako, best friend niya, dumamay ako at nagpunta doon. Nagtrabaho kami. Along the way, survival. Nagkasiraan ng friendship... Pero comedy. Niloloko ko siya, gusto ko kasi may mga spoofs-spoofs din.
"Waiting na lang kami ni Maricel, e. In fact, di ba, kami ang nagsimula ni Marya sa 5-Star Drama dito sa TV5? Waiting na lang kami. Script na lang and permit," sabi niya.
Exclusive ba ang pinirmahan niyang contract with TV5?
"No," sagot ni Dick. "Hindi na ako nagsa-sign ng exclusive contract dahil dalawa na ang ginagawa ko ngayon, e—showbiz and public service. So, hindi ako puwedeng todong-todo [sa showbiz], which is maganda dahil nape-phase natin."
COUNCILOR PAULATE. So, kumusta naman ang pagiging councilor niya?
"Honestly, masarap," tugon niya. "Fulfilling pero nag-a-adjust sa sistema, sa dapat gawin, yung proseso, yung mga ganyan. Well, nag-aaral naman ako for the Parliamentary. Pero okay naman so far."