"Kung gusto naman niyang talaga, e, di sana ngayon siya ang kasama ko. Hindi ko naman siya puwedeng diktahan dahil, unang-una, hindi ko naman siya boyfriend at hindi ko naman siya asawa. Meron siyang freedom na gawin kung ano ang gusto niyang gawin. Hindi ko naman siya puwedeng hawakan sa leeg, e," says Jennylyn Mercado about Patrick Garcia, who was supposed to star with her in Little Star.

Photo: Noel Orsal

Pagkatapos ng Gumapang Ka Sa Lusak, ang afternoon soap na pinagbidahan ni Jennylyn Mercado, ginagawa naman ngayon ang Little Star na pagsasamahan nila nina Mark Anthony Fernandez at Lovi Poe.

Gumaganap si Jennylyn dito bilang si Helen, ang personal assistant ng singer na si Gwyneth (Lovi). Mula umpisa hanggang sa matapos daw ang serye ay simple lang ang character niya rito.

Pero in real life, marami ang nakakapansin na lalo siyang gumaganda at sumeseksi.

"Ganoon siguro kapag wala ka nang iniisip na problema. Kapag masaya ka naman at ang mga tao sa paligid mo, very positive at very optimistic ang mga tao na nakapaligid sa kanya," nakangiting sabi ni Jennylyn.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Jennylyn sa presscon ng Little Star kagabi, October 21, sa 17th floor ng GMA Network Center.

PATRICK OUT. Hindi naman itinanggi ni Jennylyn na dapat ay kasama rin sa cast ng Little Star ang dati niyang boyfriend na si Patrick Garcia at ama ng kanyang anak. Pero hindi ito natuloy, at hindi naman dahil sa kagustuhan ni Jennylyn.

"No, hindi ko siya pinagbawalan at all," paglilinaw ng young actress. "Kinausap ko lang siya na, 'Ano, gusto mo ba? Kung gusto mo, okay lang naman sa akin.'

"Kaya lang, sabay kami na hindi namin makakasama si Jazz. Siyempre, kapag walang trabaho, sa akin. Naisip niya rin na, 'Oo nga, 'no? Sige, huwag na lang.'"

Dagdag niya, "Kung gusto naman niyang talaga, e, di sana ngayon siya ang kasama ko.

"Hindi ko naman siya puwedeng diktahan dahil, unang-una, hindi ko naman siya boyfriend at hindi ko naman siya asawa. Meron siyang freedom na gawin kung ano ang gusto niyang gawin. Hindi ko naman siya puwedeng hawakan sa leeg, e."

Malabo naman daw nilang maisama ang anak nilang si Alex Jazz sa taping dahil marami raw lamok sa location nila. 

Supposedly, ang role daw dapat ni Paolo Contis ang magiging role ni Patrick.

"Bale magiging love interest ko," banggit ni Jennylyn.

Hindi kaya natatakot lang siya na manumbalik ang dati nilang pagmamahalan ni Patrick kung nagkasama silang muli sa isang project?

"Hindi. Palagi naman kaming nagkikita... Wala naman talaga. Wala talaga.  Siya ang hatid-sundo kay Jazz sa school," sagot niya.