"'Pag nandun ka, isipin mo lang na you're giving something to the audience, imbes na may kinukuha ka sa kanila. Kasi kung yung iniisip mo may ibinibigay ka sa kanila, mababawasan yung takot mo at mas mae-enjoy mo na parang may inihahandog ka sa mga tao, kung anuman yun, kung kasiyahan, kung musika. May inihahandog ka sa kanila na hopefully, mas magpapaganda pa sa buhay nila," relates Tom Rodriguez on how romantic crooner Richard Poon gave him advice on performing in front of people.

Photo: Rommel R. Llanes

Aminado si Tom Rodriguez na may takot siya noong unang hakbang pa lang niya sa set My Driver Sweet Lover, ang unang teleserye ng Kapatid network na TV5.

"Parang nung unang araw ko rin noon sa ABS-CBN. Alam mo yun? Bagong lugar, walang kakilala... Kaya may takot, may kaba. Pero gaya rin ng nangyari dun [ABS-CBN], mababait at masasaya ang mga katrabaho ko rito," simula ni Tom nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kamakailan sa set ng My Driver Sweet Lover sa taping nila sa Thunderbird Resort sa Binangonan, Rizal.

Patuloy ni Tom, hindi nagtagal at naging palagay na ang loob niya kasama ang kanyang co-stars sa TV5 "kiligserye." Kalog daw kasi at mababait talaga sina JC de Vera, Danita Paner, Arci Muñoz, Keempee de Leon, Cai Cortez, at iba pang members ng cast ng romantic comedy show.

"Tulad nitong unang day ng taping, nagkukulitan na agad kami. Very enjoyable at ako kasi, nung umpisa, trabaho lang talaga. Doon lang ako sa kung saan ako ilagay ng management team ko na Backroom at Star Magic, co-managed. Pero I didn't expect working with these guys would  be this enjoyable," nakangiting pahayag former PBB Double Up housemate.

Nasaksihan nga ng PEP kung paanong magbiruan habang nagtatrabaho sina Tom, Keempee, JC, Danita, at Cai in between breaks ng taping nila. Pero mas napansin ng PEP ang hilig ni Tom na mag-drawing habang naghihintay at nakikipag-usap sa mga kasama sa set. Tila nare-relax ang 22-year-old balikbayan turned actor-singer sa pag-sketch sa baon niyang mga piraso ng bond paper.

Kuwento ni Tom, kailan lang niya nadiskubre na may talent pala siya sa pagdo-drawing. Gaya ng pagkakadiskubre niya rin na marunong pala siyang umarte sa harap ng kamera at umawit.

"It's two new different facets or sides of me before that I didn't know existed, na ngayon sabay ko siyang nadidiskubre at sabay kong nae-enjoy," sabi ni Tom.

Hindi raw siya nag-take ng lessons on singing and acting at never na sumali sa mga singing contests dito sa Pilipinas, at maging noong nasa United States pa siya.

"Sabi nga ng mga kababata ko dun sa Catbalogan, Samar, sa hometown ko, nung nagpunta ako run at nag-host ng beauty pageant, nag-serenade kasi ako ng mga contestants, sabi nila, 'Tom, bakit nung bata ka pa noon dito, hindi ka naman kumakanta, a. Hindi ka naman sumasali sa mga singing contests. So, bakit ngayon, kumakanta ka na?' Sabi ko, 'Ako nga rin, e. Hindi ko alam na kaya ko palang kumanta,'" kuwento ni Tom.

HEEDING RICHARD POON'S ADVICE. Balik-tanaw ni Tom, unti-unti ang naging proseso para magkaroon siya ng confidence sa pagkanta, kahit na wala nga siyang kinuhang formal lessons in singing. Pero malaking tulong daw sa kanya ang pag-pick up ng pointers sa mga kaibigan at kakilala sa showbiz, tulad ng romantic crooner na si Richard Poon.

"Noong nagsisimula ako, sa totoo lang, hindi ako makagalaw, hindi ako makakanta dahil sa takot at kaba. Pero unti-unti yung takot at kaba, nata-transform into excitement, e.

"At saka si Richard Poon ang nagsabi sa akin nito noon at nagbigay ng advice na, 'Pag nandun ka, isipin mo lang na you're giving something to the audience, imbes na may kinukuha ka sa kanila.'

"Kasi kung yung iniisip mo may ibinibigay ka sa kanila, mababawasan yung takot mo at mas mae-enjoy mo na parang may inihahandog ka sa mga tao, kung anuman yun, kung kasiyahan, kung musika. May inihahandog ka sa kanila na hopefully, mas magpapaganda pa sa buhay nila," pahayag pa ni Tom.

Sa nangyayaring ito sa kanya na ngayon lang niya nadidiskubre ang kanyang artistic talents, masasabi ba niyang siya'y isang "late bloomer"?