"Sabi namin, bakit pa namin patatagalin kung masaya naman kaming dalawa? Bakit pa namin patatagalin, e, nasa edad na naman kami? Bakit pa namin patatagalin, e, ang mga anak ko, masaya naman?" says Cristina Decena about marrying comedian Ariel Villasanta.

Photo: Noel Orsal

Punumpuno ng pagmamahal ngayon si Cristina Decena para sa kanyang asawang si Ariel Villasanta.

Isang businesswoman si Cristina na dating nakarelasyon ng aktor na si Phillip Salvador. Si Ariel naman ay kilalang TV host/comedian at other half sa tandem na Ariel and Maverick.

Dalawang buwan pa lamang silang nagkakakilala, pero ikinasal na agad sila last November 6 sa Hong Kong.

Ayon kay Cristina, "Sabi namin, bakit pa namin patatagalin kung masaya naman kaming dalawa? Bakit pa namin patatagalin, e, nasa edad na naman kami? Bakit pa namin patatagalin, e, ang mga anak ko, masaya naman?"

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Cristina last Wednesday night, November 24, sa sports lounge ng Celebrity Sports Complex.

Nagkakilala sila nang nag-guest si Cristina sa Totoo TV ng TV5, ang reality show na hinu-host nina Ariel and Maverick.

"Hindi na kami naghiwalay," sabi ni Cristina. "Hiningi niya yung number ko, tapos gabi-gabi kaming nagdi-dinner kasama yung mga anak ko."

Tanggap ba si Ariel ng mga anak ni Cristina?

"Oo naman!" bulalas ng businesswoman.

May anak din si Ariel from his previous relationships.

"Dalawa," banggit ni Cristina. "Hindi ko pa nami-meet.

"Kasi yung isa, nasa Amerika. Yung isa, siguro yung dahil laging may pasok...

"Tsaka two months pa lang naman kami kaya wala pang chance para magkita kami. Pero itong week na ito, ipapakila sa akin."

Binanggit ni Cristina sa PEP na the following day, Thursday, may lunch sila kasama ang pinsan ni Ariel na si Joey de Leon at ang pamilya nito.

May plano rin daw silang mag-ampon.