(This article was originally posted on December 22, 5:13 PM)
Kasal na sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Naganap ang kasal ng dalawang singers sa Terrazas de Punta Fuego, isang beach resort, sa Nasugbu, Batangas, kaninang bandang alas-tres ng hapon, December 22, at natapos ito bago 5 p.m.
Ayon kay Karen Pagsolingan, ang representative ng PEP (Philippine Entertainment Portal) na dumalo sa wedding, naluha sina Ogie at Regine habang nag-e-exchange ng kanilang wedding vows.
Sa isang bahagi ng wedding vow ni Ogie ay sinabi niyang, "I'll be your avid Reginean, your Brad Pitt, your Tom Cruise, and Justin Bieber, rolled into one..."
Bilang bahagi ng kanyang wedding vow, inawit ng Asia's Songbird ang "Di Ko Malimutan" ng APO Hiking Society. Nangako siyang mamahalin niya si Ogie, na ayon sa kanya ay "cute na cute" siya.
Nanghingi na rin si Regine ng paumanhin kay Ogie kung minsan ay masusungitan niya ito dahil, "40 na, malapit nang mag-menopause." Tawanan ang mga bisita sa kanyang biro.
Tinapos naman ni Regine ang kanyang wedding vow sa linyang ito: "I've never been so happy in all my life. Thank you."
Nakasuot si Regine ng bright red gown, na gawa ni Monique Lhuillier. Si Ogie naman ay naka-coat and tie na likha ni Randy Ortiz.
Nang iproklama sila bilang husband and wife, tumugtog ang "Kailangan Ko'y Ikaw," na isinulat ng Songwriter para sa Songbird.
Maganda at romantic ang venue ng kasalan.
Ayon pa kay Karen, "The venue was filled with violet, pink, and white flowers. Visitors are dressed in pastel colors. The altar is overlooking the hills."
Nangunguna sa mga bisita si Pangulong Noynoy Aquino, na isa sa groomsmen.
Sabay na naglakad ang matriarch ng Regal Films na si Lily Monteverde at Viva big boss na si Vic del Rosario bilang principal sponsors.
Principal sponsor din si Sharon Cuneta ngunit nagkaproblema siya sa kanyang gown. Ayon sa balita, kahit naka-makeup na siya, hindi na siya nakatuloy mula sa bahay niya sa Sta. Rosa, Laguna, dahil wala siyang back-up gown.
Ilan pa sa mga bisita ng mga bagong kasal ay ang mga kaibigan nila sa showbiz na sina Kris Aquino, Ai-Ai delas Alas, Michael V., Jaya, Senator Bong Revilla, Sarah Geronimo, Christian Bautista, Noel Cabangon, John Prats, Rachelle Ann Go, Direk Louie Ignacio, at Direk Dante Nico Garcia.
Kasama rin sina Dennis Trillo, Jose Mari Chan, Pia Magalona, German Moreno, Kuh Ledesma at ang anak niyang si Isabella. Naroon din ang mga Gutierrez na sina Eddie, Annabelle, Ruffa, at Richard.
Ilan sa couples na dumalo ay sina Richard Gomez at ang asawa niyang si Rep. Lucy Torres, na nakasuot ng isang gray na gown. Kasama naman ni Dingdong Dantes ang kasintahang si Marian Rivera, na naka-light blue-green sequined gown.
Kasama naman ni Robert Chien ang asawang si Lea Salonga, na nakasuot ng baby pink na gown. Dumating din si Janno Gibbs at ang asawang si Bing Loyzaga at ang kanilang dalawang anak na babae. Sabay ring dumating ang magkasintahang sina Dra. Vicki Belo at Hayden Kho Jr.
Dumalo rin ang big bosses nina Regine at Ogie sa GMA-7 na sina Atty. Felipe Gozon, Wilma Galvante, Lilybeth Rasonable, Darling de Jesus, at Redgie Magno.
Sa wedding na karamihan ay Kapuso ang dumalo, hindi nawala si Sarah Geronimo, na produkto ng isang talent search hosted by Regine. Iyak daw nang iyak ang Popstar Princess during the wedding ceremony.
Namataan din ng PEP ang Bench owner na si Mr. Ben Chan, TAPE executive na si Mr. Tony Tuviera, GMA-7's top honcho Atty. Felipe Gozon, na isa sa mga ninong, at TV5 big boss na si Mr. Manny Pangilinan—na ninong din sa kasal at, ayon kay Regine, ang siyang sumagot sa venue.
Hindi naman mawawala and dating asawa ni Ogie na si Michelle Van Eimeren, kasama ang mga anak nilang sina Leila at Sarah. Kasama ni Michelle ang asawang si Mark Morrow.
Ginamit sa naganap na kasalan ang mga kanta nina Regine at Ogie, kasama na ang "Pangarap Ko ang Ibigin Ka" at ang nilikha ni Ryan Cayabyab para sa wedding march na "Iniibig Kita," na inawit ng The Tux.
THE RECEPTION. Kasunod ng kasal ay ang reception na ginanap sa beach front ng Terrazas de Punta Fuego.
Ang parasols ay pinalamutian ng mga flowers at twigs sa paligid.
Ang pagkain, na good for 600 guests, ay catered by Juan Carlo. May pitong main entrees: pork, beef, salmon, chicken, seabass, and vegetables.
Mas maraming artista ang dumating para sa reception. Bukod sa mga naunang nabanggit, nandoon sina Cesar Montano at ang misis niyang si Sunshine Cruz, John Estrada and fianceé Priscilla Meirelles, Jolina Magdangal with boyfriend Mark Escueta, Rufa Mae Quinto, Allan K, Diana Zubiri, Jay-R, Krista Kleiner, Gabby Eigenmann, at Kyla.
Nandoon din sina Eugene Domingo, Pops Fernandez, Agot Isidro, Mikee Cojuangco, Rowell Santiago, Direk Dominic Zapata, Vernie Varga, Bayani Agbayani, Gerald Salonga, Sheree.
Kasama rin sina Gary Valenciano and wife Angeli Pangilinan, Malou Choa Fagar, Karylle, Yael Yuzon, Randy Santiago, Dingdong Avanzado and wife Jessa Zaragoza, at Raymart Santiago.
Nang dumating ang bagong kasal ay sinalubong sila ng palakpakan. "Mabuhay ang bagong kasal!" bati naman ng emcee na si Allan K.
Onstage, sunud-sunod na nag-perform sina Arthur Manuntag, ang groom na si Ogie Alcasid, at Jose Mari Chan kasama ang isang big band.
Pormal na binuksan ang jamming session sa awiting "Ikaw Lamang" ni Gary Valenciano. Sumunod naman sina Jay-R at Kyla, na kinanta ang "Whenever You Call" nina Brian McKnight at Mariah Carey, at saka Mark Bautista.
Kumanta rin si Sarah Geronimo, na muntik nang makalimutang i-introduce sina Jaya at Janno bila ng next performers na umawit ang "Ikaw Lamang."
Ang ama at "unang lalaki sa buhay ni Regine" ang first dance ng Asia's Songbird. Pagkatapos nito ay nag-duet ang mag-ama sa kantang "You'll Never Know."
Sa first dance nina Mr. and Mrs. Alcasid, ang tugtog ay isinulat ni Ogie para sa misis niya.
Si Gian Magdangal ang umawit ng kanta na may lyrics na: "Tayong dalawa ang laging magkasama / Tayong dalawa sa hirap at ginhawa / 'Yan ang pangako ng puso ko sa puso mo / Tanging pag-ibig mo ang pag-asa..."
Naluha si Regine dahil sa awiting ito.
Pagkatapos ng Prosperity Dance, kunsaan inawit ni Noel Cabangon ang "Kahit Maputi na ang Buhok Ko," sumunod na nag-perform ang ex-couple na sina Christian Bautista at Rachelle Ann Go. Kinanta nila ang "Lucky."
Ang hirit ni Christian kay Rachelle: "Remember this? This was our plan before."
As promised, umawit din si Lea Salonga para sa newlyweds, ang "Pangarap Ko ang Ibigin Ka." Maging si Dingdong Avanzado ay lumikha ng kanta para sa dalawang kaibigan.
Sa huli ay nagpasalamat ang bride and groom sa lahat ng tumulong sa kanila.
Pagkatapos nito ay nagsimula na ang party at puro '80s hits ang music. Habang kumakanta ang Songwriter at Songbird bilang pagbibigay-hudyat sa magdamagang party ay nagkaroon ng fireworks display.