"Pag hindi kayo nag-rate, tatanggalin na naman kayo, mag-isip kayong mabuti. Tama? Sa akin kayo maniwala, ako ang kasama niyo sa hirap at ginhawa. Maniwala kayo sa akin. Okay. Nasa inyo 'yan. Okay? Pag tumanda tayo, tayo-tayo pa rin ang magkakasama. Dito sa TV5, nakaplano na lahat. Okay?" was Willie Revillame's message to friends John Estrada and Randy Santiago (insets).

Photo: Melo Balingit (Willie) and Noel B. Orsal (John and Randy)

Sa January 26 episode ng Willing Willie ay ipinarating ni Willie Revillame sa mga manonood ang kanyang sama ng loob.

Umabot sa kulang-kulang na limang minuto ang tirada ni Willie laban sa kanyang mga kaibigang sina John Estrada at Randy Santiago, na ayon sa controversial TV host ay magkakaroon na ng noontime show sa ABS-CBN.

Sa simula pa lang ng show ay sinabi na agad ni Willie ang kanyang saloobin. May bahagi ring kinausap niya sa telepono si John, at ipinarinig niya sa audience ang bahagi ng kanilang usapan.

Ayon kay Willie, hindi niya nagustuhan ang desisyon nina John at Randy na tanggapin ang offer ng Kapamilya network na mag-host ng bagong noontime show.

Sabi ni Willie, hindi raw maganda na tanggapin ng dalawang kaibigan ang offer mula sa network na "nanakit" sa kanila.

Dagdag pa niya, may inaayos na siyang noontime show para sa dalawa sa TV5, ngunit nagdesisyon nga ang dalawa na iwan si Willie.

Matatandaang hindi naging maganda ang paghihiwalay nina Willie at ng ABS-CBN. Si Willie ay dating host ng Wowowee. Tinanggal ng ABS-CBN ang show na ito matapos ang ilang kontrobersiyang kinasangkutan ni Willie sa pagho-host nito.

Sa huli, lumipat si Willie sa TV5 para mag-host ng Willing Willie, kahit pa kinasuhan siya ng ABS-CBN dahil umano sa hindi niya pag-honor sa kontrata sa network.

Hanggang ngayon ay wala pang resolusyon ang kasong isinampa ng ABS-CBN.

Dati nang nagkasama sina Willie, John, at Randy sa noontime show ng ABS-CBN na Magandang Tanghali Bayan (MTB). Nagsimula ito noong November 1998 at natanggal sa ere noong February 2005.

Wowowee ang pumalit sa MTB, na nawala dahil sa mababang ratings laban sa Eat Bulaga!-ang katapat nitong programa sa GMA-7.

Ang pumalit naman sa Wowowee ay ang Pilipinas Win Na Win, na tumagal lamang ng limang buwan sa ere.

Kamakailan ay may umugong namang balita na may nilulutong bagong noontime show ang ABS-CBN na ihu-host daw nina John Estrada, Randy Santiago, Toni Gonzaga, at Mariel Rodriguez.

Kinumpirma na ito ni Toni sa panayam sa kanya ng The Buzz kahapon, January 30. (CLICK HERE to read related story.)

"MAG-ISIP KAYONG MABUTI." Pagbukas pa lang ng Willing Willie noong January 26 ay ipinahatid na ni Willie ang hinaing niya laban kina John at Randy.