Manny and Jinkee Pacquiao (background) pose with their kids (foreground, from left) Michael, birthday boy Jemuel, Queenie (back turned), and Princess, at eldest son's 10th birthday celebration at the Grand Ballroom of the Palms Country Club, Filinvest Alabang on February 5.

Photo: Ruel J. Mendoza

Kinumpirma ni Manny "Pacman" Pacquiao na natanggap na nila ni Jinkee ang imbitasyon sa White House na makipagkita kay US  President Barack Obama at First Lady Michelle Obama.

"Oo, may invitation kami mula sa White House at ngayong February na yan," nakangiting sagot ni  Manny sa tanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nuong Sabado, February 5, during the 10th birthday party of  Pacman's eldest, Jemuel, at the Palms Country Club in Alabang.

"Siyempre, excited tayo dahil matagal ko nang pangarap na makaharap at makausap si US President Obama. Isa ito sa hindi ko malilimutan na parte ng buhay ko dahil malaki ang paghanga ko sa kanya," dagdag pa niya.

Si Manny nga ang magiging kauna-unahang Filipino boxer na makakapasok sa White House sa Washington DC. Hindi nga basta-basta nang-iimbita ang White House ng mga celebrities at kapag nakatanggap ka ng invitation, ibig sabihin ay isa kang importanteng tao sa mundo.

"Nakakataba ng puso ang pagkilala nila sa atin. Kahit saan naman ako magpunta, dala-dala ko ang bansa natin. Pinagmamalaki ko ang pagiging Pinoy natin at hanggang sa White House ay dala natin ito," sabi ni Pacman.

Excited rin ang asawa niyang si Jinkee. Hindi siya makapaniwala na makakarating na siya roon at makikilala niya ang presidente ng United States of America.

"Hindi ko alam ang gagawin ko or masasabi ko kapag nandoon na kami. Baka matulala na lang ako kapag nasa harapan namin sila," tawa pa niya. "Bahala na kung ano ang mangyari. Basta huwag lang akong kabahan."

May mga pinagpipilian na nga raw na isusuot si Jinkee sa pagpunta nila ni Manny sa White House. Gusto raw niya ay simple pero elegante ang dating.

"May napili na ako before. Pero may mga tinitingnan pa ako na iba pang mga damit. Siyempre, ayoko namang mapahiya si Manny sa akin. Kailangan presentable ako bilang misis niya.

"For sure, maganda ang suot ni First Lady Michelle Obama. Sana magandahan siya sa mapipili kong isusuot ko."

10TH BIRTHDAY. Masayang idinaos ang 10th birthday party ng anak ni Manny at Jinkee Pacquiao na si Emmanuel Jr. or Jemuel na ginanap sa Grand Ballroom ng Palms Country Club sa Filinvest Alabang nuong February 5.

Wrestle Mania nga ang theme ng birthday party ni Jemuel at karamihan sa kanyang mga bisita ay mga classmates at kaibigan niya sa kanyang pinapasukang school na Brent International School.

Hindi nga siyempre nawala ang mga sikat na magulang ni Jemuel na sila Manny at Jinkee. Present din ang mga kapatid niyang sila Michael, Princess at Queenie Pacquiao.

Hindi nga raw tumanggap ng anumang appointment si Pacman para mag-enjoy siya sa birthday party ng kanyang anak. Hindi nga kaila sa lahat na busy ito sa kanyang trabaho bilang congressman, pero para raw sa kanyang pamilya ay maglalaan siya ng oras.