TV5's promising young actress Ritz Azul will be launched this Monday, March 21, in the primetime series Mga Nagbabagang Bulaklak.

Photo: Noel Orsal

Drama na may halong sexy ang tema ng upcoming TV5 primetime series na Mga Nagbabagang Bulaklak, na pagbibidahan nina Arci Muñoz at ang Star Factor runner-up na si Ritz Azul.

Sa trailer pa lang at naunang publicity photos na inilabas ng Kapatid Network, marami na agad ang na-curious sa nasabing programa, lalo na sa dalawang lead stars nito na tila walang kiyeme sa pagpapakita ng kanilang kaseksihan sa harap ng kamera.

Last Tuesday, March 15, ay ipinakilala sa entertainment press ang cast members ng serye sa isang red-carpet event na ginanap sa Teatrino sa Greenhills, San Juan.

Bukod kina Arci at Ritz, present din ang iba pang cast members na sina Richard Gomez, Sheryl Cruz, Phillip Salvador, Valerie Concepcion, Carla Humphries, James Blanco, Jay Aquitania, Victor Basa, Jean Saburit, Clint Gabo, Mel Martinez, Rufa Mi, at Ruffa Gutierrez.

Itong darating na Lunes, March 21, ang premiere telecast ng Mga Nagbabagang Bulaklak sa TV5 pagkatapos ng Babaeng Hampaslupa.

FAMILY AGREEMENT. Nagkaroon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) ng pagkakataon na makausap si Ritz pagkatapos ng press presentation. Inamin niya na maging siya ay nagulat sa sexy element ng serye at ng kanyang karakter.

"Sa totoo po kasi, biglaan lang, e," bungad ni Ritz. "Nung tinawag po kami sa meeting ni Direk Audie [Gemora], nalaman ko lang po nung malapit na 'yong taping. Hindi ko naman po gusto tanggihan kasi siyempre opportunity na po ito."

Bago tuluyang tanggapin ang role ay kinausap muna ni Ritz ang kanyang mga magulang para malaman kung ano ang opinyon nila sa proyektong iniaalok ng TV5.

"Siyempre, pinag-usapan naman po namin ng parents ko. Nag-meeting po kaming tatlo, only child lang ako. Unang-una po, sabi sa akin ng nanay ko, 'Basta kapag may angal ka o kapag hindi ka kumportable, sabihin mo lang agad.'"

Eventually ay napagkasunduan ng mag-anak na tanggapin ang serye subalit meron pa ring mga limitations na inilatag ang mga magulang ng 17-year-old newcomer.

"Ang sa akin naman po, alam ko na hindi ako papabayaan ng TV5. Alam ko naman po na alam din nila ang limitations ko. Sana nga po magtuloy-tuloy na 'to, pero hindi sa pagiging laging sexy," nakangiting sabi ni Ritz.

Ano naman kaya ang naging reaksiyon ng mga magulang niya nang makita ang trailer ng programa?

"Siyempre excited sila nung una, tapos na-shock din sila. Pero sabi naman nila na ganun lang naman and sana huwag na lumampas dun sa pinakita," kuwento ni Ritz.

ASPIRING BEAUTY QUEEN. Sa Bahrain ipinanganak si Ritz at namalagi siya doon ng apat na taon bago nagdesisyon ang kanyang pamilya na umuwi at mamalagi dito sa Pilipinas.

Naikuwento ni Ritz na nahirapan ang kanyang ina during the time na ipinagbubuntis siya nito. Kinailangan pa nga raw gumamit ng vacuum extractor ang mga doktor para mailabas siya sa sinapupunan ng kanyang ina.