Naitanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay John kung kumusta na sila ng kaibigan niyang si Willie Revillame, na nakasamaan niya ng loob.
Matatandaang nagtampo si Willie kina John at Randy Santiago dahil sa pagtanggap ng mga ito ng hosting job sa sisimulan pa lang noon na noontime show ng ABS-CBN, ang Happy Yipee Yehey!.
Ayon kay Willie, may inaayos na sana siyang noontime show sa TV5 para sa mga kaibigan niya. Pero tila binalewala ito nina John at Randy.
Inamin naman ni John na simula ng nagka-isyu sila ay hindi pa sila nakakapag-usap ni Willie.
"Hindi pa kami nagkakausap," sambit niya.
"There was a time na gusto ko siyang i-text, noong nagkaproblema siya."
Ang tinutukoy ni John ay ang kontrobersiyang nilikha ng March 12 episode ng programa ni Willie sa TV5, ang Willing Willie, kunsaan nagsayaw ng "macho dance" ang isang anim na taong gulang na contestant.
Ani John, "Pero hindi ako nag-text kasi ayoko naman na isipin na naawa... Actually, medyo I feel for him.
"Kilala ko yung kaibigan ko na yun. Baka he might take it the wrong way.
"So, I just kept quiet na lang. I think that's the best thing to do."
Marami ring celebrities ang nag-react sa nangyari. On his part, ano ang naramdaman niya when he found out about the issue on Willie?
"Well, katulad ng sinabi ko nga, I feel for the guy.
"I'm sure, hindi niya alam ang extent ng ginawa niya.
"Dahil nga nilagay ko ang sarili ko ro'n, baka hindi ko rin alam na masama pala yun at hindi pala puwede yun.
"Ang ano ni Willie ro'n, ang alam ko na iniisip niya ro'n, ay magpasaya lang," sabi ni John.




0

