Alakdana cast member Paulo Avelino reveals that he already studied his supposed role in the modern remake of the Pinoy cult film Temptation Island, only to let it go in the end because of health issues.

Photo: Noel Orsal

Aminado si Paulo Avelino na malaki ang panghihinayang niya matapos siyang malaglag sa casting ng remake ng Filipino classic cult film na Temptation Island.

Dapat sana ay kabilang si Paulo sa pelikula at gagampanan niya ang papel ng isang photographer na nagngangalang Ricardo. Ang nasabing karakter ay unang ginampanan noong 1980 ng yumaong aktor na si Ricky Belmonte (ama ni Sheryl Cruz).

Subalit dahil dinapuan ng sakit ay minabuti na lamang ni Paulo at ng kanyang manager na si Leo Dominguez na bitawan ang proyekto, at ipasa ito sa baguhang aktor na si Mikael Daez.

"Nanghihinayang siyempre," diretsong sabi ni Paulo. "Maganda rin yung role ko dun and gusto ko din yung film."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang reporters si Paulo sa press conference ng Alakdana na ginanap noong Lunes ng hapon, May 9, sa Executive Lounge ng GMA Network Center sa Quezon City.

Magwawakas na sa darating na Biyernes, May 13, ang nabanggit na afternoon drama-fantasy series na pinagbibidahan din nina Louise delos Reyes at Alden Richards.

Bukod sa napanood ni Paulo ang original version ng Temptation Island ay inaral na rin daw niya ang karakter na dapat sana ay gagampanan.

"Bacterial pneumonia" ang sakit na tumama kay Paulo, at malas lang din dahil noong nagkaroon siya ng karamdaman ay inaayos na ang shooting schedule ng Temptation Island, alinsunod sa target playdate nito itong darating na Hunyo.

Bagamat mabuti na ang pakiramdam ni Paulo ay todo-alalay pa rin siya  pagdating sa kinakain. Sinisiguro rin ng aktor na meron siyang sapat na pahinga kahit pa tuloy-tuloy ang trabaho niya sa showbiz.

TAKING THE INDIE ROUTE. Hindi man natuloy sa Temptation Island ay excited naman si Paulo dahil may isang indie film siyang ginagawa na ang pamagat ay Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa.

Kasali ang pelikula sa mga kalahok na film entries sa taunang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival na ginaganap tuwing buwan ng Hulyo.

"Isa po akong estudyante na dahil sa curiosity and pagka-crush ko sa teacher ko, napunta ako sa sayaw—so may pagka-bromance," nangingiting kuwento ni Paulo tungkol sa kanyang karakter.

Kasama niya sa pelikula sina Jean Garcia at Rocco Nacino.

Malaking bagay ang poetry-dance theme ng pelikula kaya tinanggap ni Paulo ang proyekto. Kakaiba nga naman ito kumpara sa mga pangkaraniwang napapanood ng publiko kahit sa mga independent film projects na lumalabas.

"Yung nabasa ko yung script, nagustuhan ko kasi it's very mellow. It's all about Philippine poetry, so it's also our pride as Filipinos to bring out poetry that people usually don't know," paliwanag si Paulo.