"'Yong mga ganyan, hindi ko na lang pinapansin. At kung mararapatin ninyo, ayaw ko na rin pinag-uusapan ang mga bagay-bagay na 'yon. Kung hindi naman totoo, bakit palalakihin pa? Hindi ko na lang pinapansin," says Raymart Santiago about the never-ending breakup rumor about him and wife Claudine Barretto.

Photo: Wilson Chua

Muling magbabalik sa early primetime si Raymart Santiago sa pamamagitan ng bagong teleserye ng GMA-7, ang Futbolilits

Naging regular na ang aktor sa ganitong timeslot simula nang lumabas siya bilang adoptive father ni Barbie Forteza sa Pilyang Kerubin (2010). Sumunod nito ay naging bida naman siya sa telefantasya na pinamagatang Bantatay.

Ayon kay Raymart, mas gusto niyang mapunta sa isang programa na ipalalabas sa ganitong timeslot dahil tiyempo rin na palaging pambata ang tema ng palabas.

"Well, mas pinili ko ang timeslot na 'yon kasi 'yon ang oras na gising pa ang mga bata. Bago matulog, nanonood sila ng show.

"Gusto ko kasi may mga anak na rin ako, e, kaya gusto ko napapanood nila ang show ko. Hindi kagaya ng medyo late na, tulog na," sabi ni Raymart.

Nakausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa press conference ng Futbolilits kagabi, June 28, sa Studio 7 ng GMA Network.

Idinagdag din ng dating action star na mas may dating na rin sa kanya ngayon ang mga family-oriented show tulad ng Futbolilits, na magsisimula na sa July 4. 

Sabi pa niya, "Ang mga tipo ng mga ginagawa ko ay parang may tema tulad ng Bantatay, very light lang, kaya ko tinanggap ito."

Naging mas madali na ba para kay Raymart ang gumanap bilang tatay?

"Well, siguro madali na," sagot niya.

"Kahit papaano, hands-on dad din naman ako. Nakakatulong naman 'yon."

Si Raymart ay may dalawang anak na sa aktres na si Claudine Barretto—sina Sabrina at Santino.

Samantala, tinanong naman ng press kung may pressure ba kay Raymart ang pagtanggap sa bagong show na ito. Matatandaan na naging maganda ang resulta sa ratings ng nakaraan niyang show na Bantatay.

"Well, hindi natin maalis 'yon," sagot ni Raymart.