"I don't think there's anything wrong para ma-label-an ka ng ganun. Kasi kung walang kontrabida, walang bida. So kumbaga sa isang casting ng isang show, lahat ng characters kailangan, importante din na magkaroon ng kontrabida. So I don't think there's anything wrong if ma-label-an akong forever kontrabida," says Wendy Valdez.

Photo: Nimfa Chua

Una siyang napanood na kontrabida sa Filipino adaptation ng Colombian TV series na I Love Betty La Fea (2008) sa ABS-CBN.

Ngayon naman'y muling gaganap na kontrabida si Wendy Valdez bilang si Savannah sa adaptation ng Carlo J. Caparas komiks series na Bangis, na magsisimula sa Lunes, July 4, sa TV5.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Wendy sa grand presscon ng Bangis noong June 28 sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, sinabi nitong muntik pa niyang hindi tanggapin ang project na ito.

"It was offered to me. Tapos muntik ko pa nga siyang hindi [tanggapin], pero inayos na yung schedule," banggit niya.

Masasabi raw niyang hindi siya nagkamali nang gawan niya ng paraan ang schedule niya para matanggap ang project na ito.

"It's fun!" bulalas niya.

"Yun nga, sabi nga nila, it's refreshing, iba naman.

"So far, we're having fun, and everyone is great.

"So, wala pa naman masyadong ano, nagkakaproblema, everything's going well naman."

ON HER CAREER. Wala naman daw naging problema sa kanyang home network na ABS-CBN nang tanggapin niya ang project na ito ng TV5.

Meron pa din naman siyang projects sa Kapamilya network. Mamayang gabi nga, July 2, ay may appearance siya sa drama anthology na Maalaala Mo Kaya (MMK).

Nanalong first runner-up si Wendy sa Binibining Pilipinas noong 2005. Matapos noon ay sumali siya sa reality show ng Kapamilya network na Pinoy Big Brother Season 2 (2007), kung saan nabansagan siyang "bad girl."

Hindi naman daw malaking adjustment para kay Wendy ang pagtatrabaho sa Kapatid network. Wala naman daw kasi itong masyadong pinagkaiba sa working environment sa ABS-CBN.

"Wala naman talagang sobrang malaking difference," banggit niya.