"Matagal ko nang pangarap na ganitong show. Nakakatulong tayo sa kapwa. Masaya dahil nangyari na nga itong show na pangarap ko at pangarap din ng mga tao na matulungan sila," says Manny Pacquiao about hosting his game show.

Photo: Noel Orsal

Simula sa July 16, Sabado ng gabi, live na mapapanood sa AFP Theater ang bagong game show ng GMA-7,  ang Manny Many Prizes.

Ang Pambansang Kamao at Sarangani congressman na si Manny Pacquiao ang host ng programang ito.

Isa rin si Manny sa nakaisip ng concept at title ng show. Bukod dito, co-producer din siya ng sarili niyang show sa Kapuso network.

Ayon kay Manny, matagal na niyang pangarap ang ganitong klase ng show na makapagbibigay ng tulong sa marami nating kababayan.

"Masaya ako na makakapagbigay tulong tayo sa marami nating kababayan.

"Ang sa akin lang naman ay makatulong din tayo. Sa akin, walang personalan sa ibang show.

"Para sa akin, bilang pagbibigay kasiyahan, at the same time, tutulong sa mga tao at maipaabot sa kanila ang puso ko na gusto ko silang matulungan.

"At salamat sa mga bossing, si Boss [Jimmy] Duavit, Atty. [Felipe] Gozon, Ma'am Wilma [Galvante], at sa lahat po ng mga artista ng GMA-7, Kapuso, maraming salamat na binigyan tayo ng pagkakataon na nabigyan tayo ng ganitong show, at ito po ay para sa inyong lahat."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Manny sa presscon ng Manny Many Prizes kagabi, July 5, sa Studio 6 ng GMA Annex Bldg. sa GMA Network Drive.

NINONG NG BAYAN. Noong dini-discuss pa lang daw ni Manny ang show sa management, nandoon na raw ang excitement niya agad.

"Noon pa, excited na ako na masimulan ang Manny Many Prizes at ako mismo ang pumili. 

"Maraming pinagpilian na title at ako mismo ang pumili ng title na 'Si Manny, maraming tulong sa ating mga kababayan.'"

Ito ba ang kapalit ng dating sitcom ni Manny na Show Me Da Manny?

"Matagal ko nang pangarap na ganitong show. Nakakatulong tayo sa kapwa.

"Masaya dahil nangyari na nga itong show na pangarap ko at pangarap din ng mga tao na matulungan sila," sabi ng Pambansang Kamao.