"Ang sa akin lang naman, kumbaga, okay lang naman 'yon, wala namang problema. Basta yun lang, sana next time, wala nang gano'n na... Di ba, maging professional tayo. Gawin natin yung trabaho natin na kung ano ang ipinagawa, yun lang," says Jean Garcia about the scene where Cherie Gil slapped her even if it's not included in the script.

Photo: Noel Orsal

Lumabas noon ang report na nagkapikunan diumano ang dalawa sa senior stars ng bagong danserye ng GMA-7, ang Time of My Life, na sina Jean Garcia at Cherie Gil sa isang eksena.

Hindi malinaw ang buong detalye ng sinasabing insidente. Pero sa isang eksena ay sinampal diumano ni Cherie si Jean kahit hindi naman ito kasama sa script o blocking.

Sa grand launch ng Time of My Life kagabi, July 26, sa Studio 6 ng GMA Network Studios, marami ang nag-abang kung sisipot ba ang dalawang aktres o kung magsasama sila sa isang stage.

Pero nagulat ang lahat dahil magkasabay na lumabas sa stage sina Jean at Cherie para sa isang dance number kasama ang lahat ng cast ng show.

Napansin din ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press na nag-uusap ang dalawa pagkatapos ng presentation. Magkasabay rin silang bumaba ng stage at magkatabi pang nanood ng teaser ng Time of My Life.

 

Nang makausap na ng PEP at iba pang entertainment press si Jean ay inamin naman niyang may insidente ngang nangyari sa kanila ni Cherie sa isang taping nila.

Kuwento niya, "May eksena lang na parang inaaway niya ako, so siguro nadala lang.

"Wala kasi sa eksena yung sampal, pero meron lang yung hataw... pero wala yung sampal talaga.

"Baka nadala lang siya sa eksena, parang gano'n. Pero wala talaga."

Ano ang naging reaksiyon niya nang sampalin siya ni Cherie kahit hindi naman dapat talaga ito kasama sa eksena?

"Sa akin, okay lang, kasi minsan kasama naman 'yon, di ba?" sagot ni Jean.

"Parang binigyan ng ibang interpretasyon, kaya parang medyo lumaki. Parang gano'n.

"Ang sa akin lang naman, kumbaga, okay lang naman 'yon, wala namang problema.

"Basta yun lang, sana next time, wala nang gano'n na...

"Di ba, maging professional tayo. Gawin natin yung trabaho natin na kung ano ang ipinagawa, yun lang.

"O kung meron kang gustong gawin, siguro mag-usap, kausapin."